Ang mga junior youth ay mga 11-14 taong gulang na isang critical na taon dahil hindi na sila mga bata at hindi pa naman ganap na kabataan. Anumang mga gawaing huhubog sa kanila sa edad na ito ay napakalaki ng epekto sa kanilang buhay dahil ito ang pinakahuling mga taon na maaari pang matulungan sila na mai-channel sa tamang direksiyon.
Sa Junior Youth Espiritwal Empowerment Program, may mga textbooks na mula sa ibat’-ibang bansa na ang mga paksa ay akma sa mga edad ng junior youth upang mapatibay ang kanilang moral na balangkas, mapaunlad ang kapangyarihan ng pagpapahayag at mahasa ang espiritwal na paningin. Maliban sa pag-aaral ng mga textbooks, nagkakaroon din ng mga complementary activities upang mapalabas ang kanilang mga kakayahan at talento sa sining at pagpapahayag. Dumadami na rin sa mga junior youth groups sa Pilipinas ang nagkakaroon ng paglilingkod sa kanilang barangay bilang bahagi ng mga gawain.
Sa pamamagitan ng paglilingkod ay napapaunlad nila ang kanilang sariling espirituwal na katangian upang lalong makatugon sa pangangailangan ng kanilang pamayanan. Inihahanda ang mga junior youth upang sa edad na 15, maturity age, ay handa silang isabalikat ang tungkulin ng pagiging kabataan. Mga kabataang iniisip ang kanilang magagawa upang mapabuti ang kanilang mga mga pamayanan, mga kabataang nagsisikap paglabanan ang mga negatibong puwersa sa lipunan at nagsisikap na makahikayat ng paparaming kabataan na makibahagi din sa pagbabago ng kanilang pamayanan sa pamamagitan ng paglilingkod bilang animator ng junior youth groups.