Ang isip at gawa ng tao ay hinuhubog ng dalawang katangian na palagiang nandoon: ang espirituwal at ang materyal. Ang pisikal na katangian ng tao ang kinalabasan ng kanyang pisikal na ebolusyon at kahit napakahalaga nito sa buhay sa mundong ito, kung tutulutan itong pangibabawan ang kamalayan, ang kalalabasan ay ang kawalan ng katarungan, karahasan at kasakiman. Ngunit ang espirituwal na katangian ng tao ay mapapakita sa mga katangiang tulad ng pag-ibig, kabutihan, kabaitan, kagandahang-loob, at katarungan. Ang mga indibidwal ay magagawang magpakatao kapag malakas ang kanilang espirituwal na katangian, at maari pa nitong duminahan ang kabuuan ng kanilang buhay.
Sinabi ni Bahá’u’lláh na ang lahat ay may kakayahan na ipakita ang mga espirituwal na katangian dahil sa katunayan ng tao, “… ay tinipun” ng Diyos “ ang kaningningan ng Kanyang mga pangalan at katangian at ginawa Niya itong salamin ng Kanyang Sarili. Sa lahat ng nilikha, ang tao lamang ang ginawaran ng napakalaking pagtatangi, walang kamaliw-maliw na kagandahang-loob.
Tulad ng ningas na nakapaloob sa kandila at ng silahis ng liwanag na ang potensiyal ay nasa loob ng lampara, ang mga banal na katangian ng tao ay nakatago. Kung ang katunayan ng ating pagkatao ay mahalintulad sa salamin, ito ay maghahayag ng kanyang ganap na potentsiyal lamang kung ito ay walang bahid ng halaw na dumi sa Pinagmumulan nitong Liwanag.
Kabilang sa mga puwersa na tumutulong linangin ang mga espirituwal na katangian na nakatago sa tao – tulad ng kagandahang-loob, pagkamakatarungan, ganap na kawastuhan at pagkamaaasahan –ay ang pag-ibig sa Diyos, pagka-akit sa kagandahan at pagka-uhaw sa kaalaman. Ang pagsasagawa nito at iba pang nakakasiglang puwersa ay nakakatulong na mapalakas ang kahulugan ng ating layunin, naguudyok sa ating pagbabago at sa pagbabagong-anyo ng lipunan.
Lahat tayo ay may kakayahan na makilala ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ito ugnay sa Kanyang nilikha. “ Anong kapangyarihan ang pag-ibig!” ang sabi ni ‘Abdu’l-Bahá. “Sa daigdig na ito walang hihigit pa sa kapangyarihan ng pag-ibig. Kapag ang puso ng isang tao ay nagningas ng apoy ng pag-ibig, siya ay handang magpakasakit at ialay ang lahat, pati ang kanyang buhay.”
Malapit na kaugnay ng pag-ibig ang pagka-akit sa kagandahan. Sa isang antas, ang pagka-akit na ito ay naihahayag sa pamamagitan ng pag-ibig sa kamaharlikaan at pagiging magkakaiba ng likas, sa simbuyo na ihayag ang kagandahan sa pamamagitan ng sining at musika, at sa pagpapahalaga na nararamdaman sa gilas ng isang kaisipan o maka-agham na karunungan. Sa iba pang antas, ang pagka-akit sa kagandahan ay nasa sa paghangad ng kaayusan, diwa at kabuluhan sa sandaigdigan.
Ang pagka-uhaw sa kaalaman ang nagbubunsod sa atin na saliksikin ang mas malalim na pang-unawa sa mga hiwaga ng santinakpan at ang walang hanggan na mga magkakaibang pangyayari kapwa sa antas ng lantad sa paningin at sa may salikmata. Pumapatnubay din ito sa kaisipan sa isang mas ganap na pang-unawa sa mga hiwaga ng pagkatao. Sa pamamanutbay ng isang pananaw ng kagandahan at katumpakan, ang tao na naganyak ng pagka-uhaw sa kaalaman ay magtuturing sa buhay bilang isang nagsaliksik ng katunayan at naghahangad ng katotohanan.