Ang Buhay Ni Baha’u’llah

 

 

Abril, 1863 sa mga lansangan ng Baghdad makikita ang mga lalaki at mga babae, mga bata at matatanda patungo sa tabi ng Ilog ng Tigris na kailanma’y hindi nakakita ng eksenang  magpapaluha sa isang naging kaibigan at tagagabay.

Kabilang sa kanila si Mulla Husayn ‘Ali, na kilalang si Baha’u’lláh, bilang bantog na tagasunod ng Báb, na ang Katuruan ay lumaganap sa Persia  dalawang dekada nang nakaraan. Iniwan ni Baha’u’lláh ang mga nakagisnan Niyang prebelehiyo sa buhay, tinanggap na mabilanggo at mapatapon habang Siya’y nabubuhay.

Subalit sa partikular na araw na ito, ang pighati ng Kanyang mga tagasunod ay napalitan ng pag-asa nang ihayag ni Baha’u’lláh ang pinapangarap ng marami  – Siya ang dakilang Banal na Tagapagturo na inihayag ng Báb, ang tagapagpanimula ng bagong yugto sa kasaysayan na kung saan ang mga paniniil at kawalan ng katarungan ng mga panahong lumipas ay patungo na sa isang daigdig ng kapayapaan, katarungan at pagkakaisa sa lahat ng mga bansa.

Inihayag ng “Banal na Sibol” ang Kanyang malinaw na pagdating.

 

Ang  Buhay Niya mula sa pagkabata

 

Si Mirza Husayn Ali ay ipinanganak sa Tehran, Iran noong Nobyembre 12, 1817 at kanyang tinamasa ang lahat ng para sa ipinanganak mula sa may sinasabing pamilya.  Kahit kaunti lamang ang kanyang  pormal na edukasyon, naging bantog Siya sa Kanyang karunungan sa mura Niyang edad.

Kaysa sundan ang yapak ng Kanyang ama sa paglilingkod sa pamahalaan ng lungsod ng Tehran,Iran,minabuti ni Baha’u’lláh na igugol ang kanyang lakas at panahon kasama ang kanyang asawa sa pangangalaga ng mga naghihikahos.  Pagkatapos Niyang tanggapin ang pananampalataya ng Báb, ang buhay ni Baha’u’lláh at ang Kanyang pamilya ay habang-buhay ng  nagbago.

Bagama’t hindi sila nagtagpo, mula nang marinig ni Baha’u’lláh ang mensahe ng Báb, idineklara Niya ang buong puso Niyang pananalig sa Bab at inialay ang lahat ng Kanyang lakas upang itaguyod ito.

Noong 1848, nagtawag at pinamunuan ni Mirza Husayn ‘Ali ang malaking pagpupulong ng mga tagasunod ng Báb kung saan Niya pinaalam ang kasarinlan ng bagong pananamapalataya. Mula noon ay  nakilala na siyang Baha’u’lláh, ibig sabihin ay “Luwalhati ng Diyos” sa salitang Arabiko.  Habang ang komunidad ay papalaki, tumindi rin ang kabagsikan ng nagngangalit na mga oposisyon. Nang nakahanap ng kanlungan ang tatlong daang Babi sa isang dambana sa disyerto na tinaguriang Shayk Tabarsi,  sumama sa kanila si Baha’ullah nguni’t mula doon Siya’y inaresto at ginulpi.

Noong 1850 ay pinatay ang Báb sa pampublikong plaza.  Pagkatapos paslangin ang karamihan sa mga kilalang tagasunod ng Báb, naging malinaw na ang natitira na lamang na Bábi ay si Baha’u’llah.

Noong 1852, napagbintangan si Baha’u’lláh na kasabwat sa planong pagpaslang kay Nasirid Din Sháh, ang hari ng Iran. Nang inilabas ang mandamyento de aresto laban kay Baha’u’lláh, lumabas Siya upang harapin ang umuusig sa kanya na ikinagulat ng mga inatasang  mag-aresto sa Kanya. Dinala Siyang nakayapak at nakakadena patungo sa mga kalyeng puno ng tao hanggang makarating sa piitan  sa ilalim ng lupa na tinaguriang “Itim na Tapunan”

Ang piitan sa ilalim ng lupa  ay naging imbakan para sa pampublikong paliguan. Sa loob ng mga nakapaligid na pader nito,  nilagak ang mga preso sa gitna ng malamig at mabahong hangin, magkakakabit  sa pamamagitan ng mabigat na mga kadena  at nag-iwan ng mga marka sa katawan ni Baha’u’lláh habang buhay. Dito sa malalim na kapaligiran naganap na naman ang isa sa pinaka-natatangi at mahalagang pangyayari:  ang kamatayan ng tao sa anyong pisikal sa anumang paraan mo tignan, ay pinili ng Diyos upang magdala ng bagong mensahe sa sangkatauhan.

Ang karanasang ito ng Banal na Ginhawa, na nabanggit lamang ng hindi tuwiran sa mga walang katapusang kuwento tungkol sa buhay ni Moses, Jesus at Muhamad , ay inilarawan sa mga salita ni Baha’u’lláh, “Ang mga araw na inilagi ko sa piitan sa Tehran,  kahit na ang mabibigat na  mga kadena, ang mabahong amoy, kaunti lamang ang aking tulog, kahit na sa mga saglit na hindi madalas ang pagka-idlip, nararamdaman kong parang umaagos tulad ng malakas na sapa mula sa korona ng aking ulo patungo sa aking dibdib at bumagsak sa lupa mula sa tuktok ng makapangyarihang bundok…. Sa mga sandaling yun aking dinalit ang hindi kayang dinggin ng tao.”

 

Ang pagkatapon sa Baghdad

Pagkatapos ng apat na buwan ng matinding pagdurusa, pinalaya si Baha’u’lláh nguni’t  tuluyan ng pinatapon sa labas ng Iran.  Kasama ang kanyang pamilya una silang pinadala sa Baghdad, parte ngayon  ng Iraq.   Doon ay unti-unting dumami ang bumaling sa Kanya upang humingi ng mga gabay pang-espiritwal.  Ang kadakilaan ng kanyang  karakter, ang kalaliman ng kanyang mga payo, ang taglay Niyang kabaitan,  na umaagos sa lahat ay katunayan ng  pambihira Niyang kadakilaan na nagpasigla sa inaaping komunidad.

Ang pagsulpot ni Baha’u’lláh bilang kanilang pinuno ay unti-unting naging dahilan ng paninibugho ni Mirza Yahya, Kanyang ambisyosong nakakabatang kapatid sa ama. Upang matigil ang tensiyon, umalis si Baha’u’lláh  patungong bundok ng Kurdistan kung saan namalagi Siya sa loob ng dalawang taon dala Niya ang Kanyang banal na layunin. Ang paglisan Niya ay tulad ng pagtungo ni Moses sa bundok ng Sinai, ang araw na namalagi sa disyerto si Jesus, at ang pagpunta ni Muhamad sa mga burol ng Arabia.

Kahit sa liblib na lugar na ito, ay lumaganap ang katanyagan ni Baha’u’lláh. Narinig ng mga tao ang Kanyang pambihirang karunungan.  Nang nabalitaan ito sa Baghdad, nahulaan ng mga Bábi na Siya’y si Baha’u’lláh at nagpadala sila ng kinatawan upang pakiusapan Siyang bumalik na.

Muling nanirahan sa Baghdad si Baha’u’lláh at sumiglang muli ang mga tagasunod ng Báb, dumami ang bilang ng komunidad at ang Kanyang reputasyon ay lalong lumaganap. Dito Niya sinulat ang tatlo sa Kanyang tanyag na mga aklat sa panahong yun – Ang Natatagong mga Salita, Seven Valleys at  Kitab-i-Iiqán ( Book of Ceritude) – at kahit ang mga naturang mga aklat ay tumutukoy sa estasyon ni Baha’u’lláh, hindi pa noon napapanahon na Siya’y magpakilala sa kanila.

Habang sumisikat  si Baha’u’lláh, tumindi ang inggit at malisya ng ilan sa mga klergo ng simbahan. Pinarating nila sa hari ng Iran ang kanilang pagtutol sa Kanya at hiniling sa Sultan ng Ottoman na ilipat Si Baha’u’lláh sa higit na malayong lugar mula sa border ng Iran. Sa isang iglap ay muli Siyang ipinatapon.

Noong Abril 1863, bago lisanin ang Baghdad patungong Konstaninopol ngayon ay Istanbul,  labindalawang araw na nanatili si Baha’u’lláh  at Kanyang mga kasama sa isang hardin na pinangalanan niyang Ridván na ang kahulugan ay “Paraiso.” Doon sa tabi ng Ilog ng Tigris, nagdeklara ni Baha’u’lláh na Siya ang ipinamalita ng Báb na Tagapagbalita ng Diyos sa panahon ng kolektibong pagdating sa hustong gulang ng sangkatauhan na ipinangako sa lahat ng banal na mga aklat ng daigdig.

 

Magkakasunod pang pagpapatapon

Pagkatapos ng tatlong buwan mula nang lisanin ang Baghdad, nakarating si  Baha’u’lláh at mga kasama Niya sa sa Konstantinopol. Namalagi sila doon ng apat na buwan bago muli silang pinatapon sa Adrianopol , (ngayon ay Edirme), isang mahabang paglalakbay sa pinakamatinding taglamig. Ang kanilang tinirhan sa Adrianopol ay nagtataglay ng mala-yelong temperatura.

Tinagurian ni Baha’u’lláh ang Adrianopol na “liblib na piitan.” Kahit na sa masamang kondisyon, napilitan silang mamalagi doon bilang mga preso, at nagpatuloy ang pagdaloy mula sa mga panulat ni  Baha’u’lláh ang nagbibigay inspirasyong mga berso at ang Kanyang mga katuruan ay umabot sa malayong lugar tulad ng Ehipto at India.

Minsan sa yugtong  ito ay  tinangka Siyang lasunin ng kanyang  mapanibughuing nakababatang kapatid na  si Mirza Yahyah.  Ang trahedyang ito ay naging sanhi ng panginginig ni Baha’u’lláh na makikita sa Kanyang mga sulat hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Isang malinaw na kopya ng Pinakabanal na Aklat (Kitab-i-Aqdas) ay  pinalimbag ni “Abdu’l-Baha  noong 1902. Mula Setyembre 1867, nagsulat si Baha’u’lláh ng nga magkakasunod na liham para sa mga lider ng mga bansa ng panahon Niya. Sa prophetic na mga sulat na ito, tahasan Niyang idineklara ang Kanyang katayuan at ipinaalam sa kanila ang bukang-liwayway  ng bagong yugto sa kasaysayan. Pero bago yun ay nagbadya Siyang may magaganap na mga nakagigimbal na kaguluhan sa pampulitika at panlipunang kaayusan ng planeta. Nanawagan Siya sa mga lider ng mga bansa na ipagtanggol ang katarungan at igalang ang mga karapatan ng kanilang nasasakupan. Nanawagan Siya na mag-usap sila upang tuldukan ang digmaan.  Ayon sa Kanya, matatamo lamang ang pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos . Subalit’ ang kanyang mga babala ay kanilang pinagwalang bahala.

Ang kasalukuyang pagka -inis at galit ng mga kontra kay Baha’u’lláh ang naging dahilan upang ipatapon Siya ng gobyerno ng Ottoman sa  hindi tanyag na piitan malapit sa dagat ng Mediteranyo. Dumating si Baha’u’lláh sa lungsod ng Akka  noong Agosto 31, 1868, kung saan Kanyang gugulin ang natitirang yugto ng kanyang buhay sa moog ng Akka at sa mga paligid nito.

Pagkatapos mamalagi sa loob ng piitan ng mahigit na dalawang taon, hindi naglaon ay nilipat si   Baha’u’lláh at ang Kanyang mga kasama sa isang makitid na bahay sa loob ng lungsod. Ang karakter ng isang Baha’i partikular ang panganay na anak ni Baha’u’lláh ay unti-unting nagpalambot sa puso ng mga tagabantay nila sa piitan.

Tulad din ng nagyari sa Baghdad at Adrianopol, napahanga nila ang komundad kabilang ang ilan sa kanilang lider,  sa kadakilaan ng karakter ni Baha’u’lláh.

Sa Akka inillabas ni Baha’u’lláh ang kanyang pinakamahalagang Kasulatan, ang Kitáb-i-Aqdás  (Pinakabanal na Aklat ) na kung saan sinulat Niya ang mga batas at mga prinsipyo ng Kanyang Pananampalataya, at nilatag Niya ang pundasyon ng pandaigdigang pamahalaan.

Ang Mansiyon ng Mazraih ay isa sa mga tinirhan ni Baha’u’lláh pagkatapos Siyang mapalaya mula sa piitan ng Akka. Noong 1870, habang nanatiling preso ay nabigyan Siya ng kaunting kalayaan upang pumunta sa labas ng moog na lungsod at nagbigay ng pagkakataon na Siya’y mapayapang makausap ng kanyang mga tagasunod . Noong Abril 1890, dinalaw Siya  sa  kaniyang tirahan sa Mansiyon na malapit sa Akka  ni Propesor Edward Granville Brown mula sa Unibersidad ng Cambridge.

Inilarawan sa sulat ni Propesor Brown ang tungkol sa kanilang pagtatagpo: “Ang kanyang mukha na aking tinitigan ay hindi ko makakalimutan kailanman nguni’t hindi ko rin mailalarawan. Ang lumalagos Niyang mga mata  na parang nakababasa ng kaluluwa, ang kanyang noong malapad na tanda ng kapangyarihan at awtoridad . . . . hindi na kailangan pang tanungin kung kaninong presensiya ako luluhod sa pinatutunguhan ng aking  debosyon at pagmamahal na maaring kaiinggitan ng mga hari at kailanma’y  hindi magyayari na magbuntong-hininga ang mga emperador.”

Yumao si Baha’u’lláh noong Mayo 29, 1892. Sa Kanyang huling habilin at testamento, hinirang Niya si ‘Abdu’l-Bahá bilang  Kanyang kapalit at mamumuno ng Pananampalatayang Bahá’í – ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan  na ang tagapagtatag ng pandaigdigang pananampalataya ay humirang ng Kanyang kapalit sa pamagitan ng hindi mapag-aalinlanganang sulat. Ang pagpili ng kapalit ay pangunahing probisyon  sa tinaguriang “Alyansa ni Baha’u’lláh” na magsisilbing tagapangalaga sa pamayanang Bahá’í  upang manatiling nagkakaisa magpakailanman