Ipinapaliwanag ng mga kasulatang Baha’i na ang bawat tao ay pinagkalooban ng isang walang kamatayang kaluluwa, na may pang-unawa na di maarok ng ating may takdang kaisipan. “Alamin na, sa katunayan, ang kaluluwa ay isang tanda ng Diyos, isang makalangit na kayamanan na ang katunayan kahiman ang pinakamaalam sa lahat ng tao ay hindi ito lubos na maunawaan, at ang hiwaga nito walang kaisipan, gaano man ito katalas kailanman ni sa hinagap ay makalas ito.
Ang kaluluwa ay nagmumula sa makalangit na mga daigdig ng Diyos. Siya ay mas matayog at pinangingibabawan ang lahat ng bagay at ng makalupang daigdig. Ang buhay ng tao ay nagsisimula kapag ang kaluluwa na nagmumula sa makalangit na daigdig, ay naiuugnay sa bilig sa sandali ng paglilihi. Ngunit ang ugnayan na ito ay hindi pangkatawan na pagsasaalang-alang; ang kaluluwa ay umaanib o papanaw sa katawan at ito ay hindi sumasaklaw sa pisikal na daigdig. Ang kaluluwa ay hindi kabahagi ng daigdig ng bagay at ang ugnayan nito sa katawan ay katulad ng yaong sa liwanag at ng salamin na umaaninag nito. Ang liwanag na lumilitaw sa salamin ay wala sa loob nito, ang kaningningan ay nanggaling sa panlabas na pinagmulan.
May kakayahan ang kaluluwa na maihayag ang mga kahusayan at katangian ng Diyos; pinagmumulan ito ng espirituwal katalusan, ang kakayahan na mabatid ang tama sa mali, at paghangad na bumalik sa Tagapaglikha. Ang kamatayan, ang paghihiwalay ng katawan at ng kaluluwa, ay pinakamadaling maunawaan bilang ang sandali ng pagbabagong-kalagayan tungo sa ibang kalagayan ng buhay. Ano pa man, ang pagtahak sa pisikal na daigdig na ito ay isa lamang hakbang sa gitna ng isang pasulong na proseso ng pagbabagong-anyo at pagbabago, na naglalayon ng buong kaganapan na possible sa tao.
Binabanggit sa kasulatang Baha’i na: “Sa umpisa ng kanyang buhay ang tao ay nagsisimula sa daigdig ng sinapupunan. Doon ay tatanggap siya ng kakayahan and kasanayan na gampanan ang buhay ng isang tao… ang mga kapangyarihang kakailanganin para sa daigdig na ito ay ipinagkakaloob sa daigdig ng sinapupunan. Kaya sa daigdig na ito kakailanganin na maghanda para sa kabilang buhay… Tulad ng paghahanda sa sinapupunan na kamtan ang mga kakayahan na kakailanganin sa saklaw ng buhay sa daigdig na ito, ang mga kakayahan na di maaring mawala para sa potensiyal na banal na buhay ay kailangan makamtan sa daigdig na ito.