'Abdu'l-Bahá

“Kapag ang Karagatan ng Aking Pagiging kapiling ninyo ay kumati na at ang Aklat ng Aking Rebelasyon ay nagwakas na, ibaling ang inyong mga mukha tungo sa Kanya na nilayon ng Diyos, Siya Na nagsanga mula sa Napakatandang Ugat na ito.”
– Bahá'u'lláh, Kitáb-i-Aqdas

Kapanganakan at Pagkabata

Si 'Abbas Effendi, na sa dakong huli ay ginamit ang taguring 'Abdu'l-Bahá (yaon ay, Tagapaglingkod ni Bahá), ay ang panganay na anak na lalake ni Bahá'u'lláh. Siya ay ipinanganak sa Tihran bago maghatinggabi ng ika-23 ng Mayo 18441, sa mismong gabi na ipinahayag ng Báb ang Kanyang misyon.

Siya ay siyam na taong gulang nang ang Kanyang Ama, na kahit noon pa man ay mahal na mahal na Niya, ay ikinulong sa bartolina ng Tihran. Sinalakay ng maraming tao ang kanilang tahanan, at sinamsam ang mga ari-arian ng pamilya at iniwanan silang salat sa lahat. Ikinuwento ni 'Abdu'l-Bahá na isang araw ay pinayagan Siyang pumasok sa bakuran ng bilangguan upang makita ang Kanyang pianakamamahal na Ama sa paglabas Niya para sa Kanyang pang-araw-araw na ehersisyo. Si Bahá'u'lláh ay nasa napakasamang kalagayan, napakalubha ng karamdaman na hindi Siya halos makalakad. Ang Kanyang buhok at balbas ay napakarumi, ang Kanyang leeg ay namumula at namamaga dahil sa pagdiin ng mabigat na kuwelyong bakal, ang Kanyang katawan ay nakayuko sa bigat ng Kanyang mga tanikala, na ang nakitang ito ay naitanim nang di-malimutan sa kaisipan ng murang bata.

Sa unang taon ng kanilang paninirahan sa Baghdad, na sampung taon pa bago sa lantarang paghahayag ni Bahá'u'lláh ng Kanyang Misyon, ang matalas na pang-unawa ni 'Abdu'l-Bahá, na siyam na taong gulang pa lamang, ay naghatid na sa Kanya sa napakahalagang pagkakatuklas na ang Kanyang Ama ay Siya na ngang ang Siya na Ipinangako na ang Paghahayag ang siyang hinihintay ng lahat ng mga Bábí. Pagkaraan ng humigit-kumulang animnapung taon ay inilarawan Niya nang ganito ang oras na iyon kung kailan ang katiyakang ito ay biglang pumuspos sa Kanyang buong katauhan:

Ako ang tagapaglingkod ng Pinagpalang Kaganapan. Sa Baghdad Ako ay isang bata. Doon din ay ipinahayag Niya sa Akin ang Salita, at Ako ay naniwala sa Kanya. Sa mismong oras na ipinahayag Niya sa Akin ang Salita, ihinagis Ko ang Aking sarili sa Kanyang Banal na mga Paa at nagsumamo at nagmakaawa sa Kanya na taggapin ang aking dugo bilang isang sakripisyo sa Kanyang Landas. Sakripisyo! Gaano katamis sa Akin ang salitang iyon! Wala nang nakahihigit pang Biyaya para sa Akin kaysa dito! Anong nakahihigit pang kaluwalhatian ang maiisip Ko maliban sa makita ang leeg na ito na may tanikala alang-alang sa Kanya, ang mga paang ito na ginapusan dahil sa Kanyang pag-ibig, ang katawang ito na ginutay-gutay o ihinagis sa kailaliman ng dagat alang-alang sa Kanyang Kapakanan! Kung sa katotohanan tayo ay Kanyang matatapat na mga mangingibig—kung sa katotohanan Ako ang Kanyang matapat na tagapaglingkod, kinakailangan Kong isakripisyo ang Aking buhay, ang lahat ng Akin sa Kanyang Banal na Bungad.
Diary of Mirza Ahmad Sohrab, Enero 1914.

Sa panahong ito nagsimulang tawagin Siya ng Kanyang mga kaibigan bilang “Ang Hiwaga ng Diyos,” isang taguri na ipinagkaloob sa Kanya ni Bahá'u'lláh, na sa ganito Siya ay karaniwang nakilala sa panahon ng pagtigil sa Baghdad.

Nang umalis nang dalawang taon ang Kanyang Ama at nagtungo sa kagubatan, nadurog ang puso ni 'Abbas. Ang Kanyang pangunahing pampalubag-loob ay ang pagkopya at pagsaulo ng mga Tableta ng Báb, at ang malaking bahagi ng Kanyang panahon ay iginugol sa pagninilay-nilay nang nag-iisa. Nang sa wakas ay bumalik ang Kanyang Ama, ang bata ay umaapaw sa tuwa.