

Ang Dispensasyon ng Báb ay nagsimula noong 1844 at nagtagal ng siyam na taon lamang. Ang pangunahing layunin nito ay upang ihanda ang daan para sa pagdating ni Bahá’u’lláh.
Ang Báb, na ang pangalan ay Siyyid ‘Alí-Muḥammad, ay ipinanganak noong ika-20 ng Oktubre 1819 sa Shíráz, isang lunsod sa dakong timog ng Iran, na kilala din bilang Persia. Ang karamihan ng mga tao sa Iran ay nabibilang sa sekta ng Islám na naghihintay sa pagdating Niya na Ipinangko ng Diyos na tinaguriang ang Qá’im. Ang salitang “Qá’im” ay nangangahulugang Siya na Nagbangon.
Ang Báb ay nagbuhat sa tanyag at marangal na pamilya na galing sa angkan ni Muḥammad, ang Propeta ng Islám. Ang Kanyang ama ay sumakabilang buhay na noong Siya ay musmos pa lamang, at Siya ay pinalaki ng Kanyang amain sa ina, na siyang nagpasok sa Kanya sa paaralan sa murang gulang. Kahima’t pinagkalooban ang Báb ng likas na karunungan at hindi kinakailangang turuan ng sinuman, sinunod Niya ang kagustuhan ng Kanyang amain. Gayumpaman, mabilis na natuklasan ng Kanyang guro ang napakalaking kakayahan ng Báb at natanto na wala na siyang maituturo sa hindi pangkaraniwang batang ito. Isinalaysay niya ang sumusunod na kwento tungkol sa mga araw sa pag-aaral ng Báb:
Isang araw hiniling ko sa Báb na bigkasin Niya ang pambungad na mga kataga sa Qur’án . . . Siya ay nag-atubili, sumasamo na hangga’t hindi sinasabi sa Kanya ang kahulugan ng mga katagang ito, hindi Niya tatangkaing bigkasin ito. Nagpanggap ako na hindi ko nalalaman ang kahulugan ng mga ito.
‘Alam Ko kung ano ang kahulugan ng mga salitang ito,’ ang wika ng aking tinuturuan; ‘sa pahintulot mo, ipaliliwanag Ko ang mga ito.’
Siya ay nagsalita nang may ganoong kaalaman at katatasan na ako ay tunay na namangha. . . . Ang katamisan ng pananalita Niya ay nananatili pa rin sa aking alaala. Naramdaman ko na dapat kong ibalik Siya sa Kanyang amain at ibigay sa kanyang mga kamay ang Ipinagkatiwala niya sa aking pangangalaga. Ipinasiya ko na sabihin sa kanya ang nararamdaman kong hindi ako karapat-dapat magturo sa ganitong lubhang pambihira na bata.

Natagpuan ko ang amain Niya na nag-iisa sa kanyang tanggapan. ‘Ibinabalik ko Siya sa iyo’, ang sabi ko, ‘at ipinagkakatiwala ko Siya sa iyong maingat na pangangalaga. Hindi Siya dapat pakitunguhan nang tulad sa isang pangkaraniwang bata lamang, sapagka’t sa Kanya ay nakikita ko na ang mga palatandaan noong mahiwagang kapangyarihan na ang Rebelasyon lamang ng Qá’ím ang maaaring makapaghayag. Tungkulin mo na palibutan Siya ng iyong ganap na mapagmahal na pagkakandili. Alagaan Siya sa iyong tahanan, sapagka’t, sa katunayan, hindi Siya nangangailangan ng mga guro na tulad ko.’
Mabalasik na pinagwikaan ng Kanyang amain ang Báb. ‘Nakalimutan Mo na ba ang aking mga utos?’ sinabi niya. ‘Hindi ba pinayuhan na Kita na sundin Mo ang halimbawa ng Iyong mga kamag-aral, na maging tahimik, at makinig nang mapitagan sa bawa’t katagang sinasambit ng Iyong guro?’
Matapos na makuha ang pangako na buong katapatang susundin Niya ang kanyang mga utos, inatasan niya ang Báb na bumalik sa Kanyang paaralan. Nguni’t ang kaluluwa ng bata na iyon, gayumpaman, ay hindi mapigilan ng mahigpit na mga bilin ng amain Niya. Walang pagsupil ang maaaring makapigil sa daloy ng Kanyang likas na kaalaman. Araw-araw Siya ay nagpatuloy na nagpakita ng gayong katangi-tanging mga katibayan ng isang karunungang higit sa pangkaraniwang tao na wala akong lakas na ilarawan.”1
Sa wakas ipinagpasiya ng amain ng Báb na payagan na Siyang umalis sa paaralan. Siya ay nagsimula nang magtrabaho sa Kanyang amain bilang isang mangangalakal sa Búshihr, isang lunsod na nasa timog-kanluran ng Shíráz. Sa panahong ito ng Kanyang buhay na ang Báb ay nag-asawa. Siya at ang Kanyang asawa ay nagkaroon ng anak na nagngangalang Aḥmad, na namatay noong sanggol pa lamang, isang taon bago ipinahayag ng Báb ang Kanyang Sarili bilang ang Ipinangakong Qá’im.
Sa Kanyang kabataan, ang Báb ay nagpakita ng mga palatandaan ng kapangyarihan at kadakilaan na hindi mapapantayan ng sinuman. Ang hindi pangkaraniwang mga katangian na magtatangi sa Kanya sa kabuuan ng Kanyang mabilis at kalunos-lunos na Panahon ng Paglilingkod ay naging hayag na. Tinutukoy Siya ng Guardian bilang “ang malumanay, ang batang-bata pa at kaakit-akit na pagkatao ng Báb, na walang-kapantay sa Kanyang kababaang-loob, na panatag sa Kanyang kahinahunan, na nakabibighani sa Kanyang pananalita.”2

Bago ipinahayag ng Báb ng Kanyang Misyon, sa kaibuturan ng kanilang puso ay batid na ng ilang mga tao sa iba’t-ibang dako ng daigdig na Siya na Ipinangako ay malapit nang dumating. Isa sa banal na mga taong ito ay si Siyyid Káẓim, na naninirahan sa lunsod ng Karbilá sa ‘Iráq. Si Siyyid Káẓim ay nagkaroon ng maraming mga mag-aaral, at inilaan niya ang kanyang buhay sa paghahanda sa kanila sa matagal nang hinihintay na pagdating ng Qá’im. Paulit-ulit niyang sinabi sa kanila na pagkamatay niya ay dapat nilang lisanin ang kanilang mga tahanan at, taglay ang mga pusong malaya sa lahat ng makamundong mga pagnanasa, magsikalat upang hanapin ang Pinakamamahal na Ipinangako.
Matapos ng pagyao ni Siyyid Káẓim, ang isang katangi-tanging estudyante niya, si Mullá Ḥusayn, ay nagtungo sa moske at ginugol ang apatnapung araw sa pagdarasal at pagmumuni-muni, at sa panahong iyon ay lubos na binuksan niya ang kanyang puso sa inspirasyon ng Diyos. Nang mabuo ang apatnapung araw na ito, nilisan niya at ng dalawang kasama ang ‘Iráq at nagsimula sila sa paghahanap sa Kanya na Ipinangako. Una siyang nagtungo sa Búshihr. Subali’t hindi siya nagtagal doon, sapagka’t waring mayroong hindi mapigilang humihila sa kanya patungong hilaga, at di-nagtagal umalis siya patungong Shíráz. Sa pagdating sa bukana ng lunsod na iyon, inatasan niya ang kanyang dalawang kasama na tumuloy sa moske at manatili doon hanggang sa kanyang pagdating.

Ilang oras bago lumubog ang araw nang araw na iyon, habang naglalakad sa labas ng bukana ng lunsod, nakatagpo niya ang isang Kabataan na magiliw na bumati sa kanya at inanyayahan siya sa Kanyang tahanan upang magpahinga pagkalipas ng kanyang mahaba at mahirap na paglalakbay. Si Mullá Ḥusayn ay lubhang humanga sa mahinahon nguni’t nakapagpapasunod na gawi ng pananalita ng di-pangkaraniwang Kabataan na ito. Sinundan niya Siya, at mabilis silang nakarating sa pintuan ng isang karaniwang bahay. Pumasok sila sa bahay at pumanhik sa pangalawang palapag kung saan naupo sila sa isang silid. Ang magiliw na Taga-anyaya ay nagpakuha ng banga ng tubig upang mahugasan ng Kanyang panauhin ang alikabok mula sa kanyang paglalakbay. Pagkatapos, Siya mismo ang naghanda ng tsaa at ibinigay ito kay Mullá Ḥusayn. Nang matapos itong mga tanda ng magiliw na pagtanggap, Siya ay nagsimulang makipag-usap sa Kanyang panauhin. Sa dakong huli, ang mga detalye ng makasaysayang usapan na iyon ay isinalaysay ni Mullá Ḥusayn:
“May isang oras pagkalubog ng araw nang ang aking batang-batang Tagapag-anyaya ay nagsimulang makipag-usap sa akin.
“Sino, pagkatapos ni Siyyid Káẓim,” tanong Niya sa akin, “ang iyong kinikilala bilang kahalili niya at iyong pinuno?”
Sa oras ng kanyang kamatayan,” tugon ko, “ang aming yumaong guro ay mariing iginiit ang bilin sa amin na iwanan ang aming tahanan, at magtungo sa lahat ng dako, upang hanapin ang Minamahal na Ipinangako. Nang naaalinsunod, ako ay naglakbay sa Persia, nagbangon upang tuparin ang kanyang habilin, at ako hanggang ngayon ay abala sa aking paghahanap.”
“Ang guro mo ba,” dagdag na tanong Niya, “ay nagbigay sa inyo ng anumang madetalyeng mga palatandaan tungkol sa mga katangian Niya na Ipinangako?”
"Oo,” tugon ko, “Siya ay mula sa dalisay na lipi, mula sa marangal na angkan, at inapo ni Fáṭimih. Tungkol sa gulang Niya, Siya ay mahigit na dalawampu at kulang sa tatlumpu. Siya ay pinagkalooban ng likas na karunungan. Siya ay may katamtamang taas, hindi nagsisigarilyo, at walang kapananan sa katawan.”
Pansamantalang tumigil Siya at pagkatapos, nang may mataginting na tinig ay nagpahayag:
“Masdan, lahat ng mga palatandaan na iyon ay nakikita sa Akin!” Pagkatapos ay ipinaliwanag Niya ang bawa’t nabanggit na palatandaan nang isa-isa, at kapani-paniwalang pinatotohanan Niya na ang bawa’t isa at ang lahat ay tumutukoy sa pagkatao Niya.”3
Noong gabing iyon, pinatunayan ng Báb kay Mullá Ḥusayn, sa pamamagitan ng maliliwanag at hindi mapag-aalinlanganang mga katibayan, na Siya nga ang Ipinangakong Qá’im. Ipinahayag Niya, nang may kakaibang bilis, ang unang bahagi ng Kanyang paliwanag sa Súrih ni Joseph, na isang mahalagang kabanata ng Qur’án. Pagkatapos ay nagwika Siya kay Mullá Ḥusayn sa ganitong mga salita:
"O ikaw na unang nananampalataya sa Akin! Sa katunayan ay sinasabi Ko, Ako ang Báb, ang Pinto ng Diyos, at ikaw ang Bábu’l-Báb, ang pinto sa Pinto na iyon. Labing-walong kaluluwa, sa simula, nang bukal sa kanilang kalooban at sa kanilang sariling kusa, ang dapat na tumanggap sa Akin at kilalanin ang katotohanan ng Aking Rebelasyon. Nang hindi nabibigyan ng babala at nang hindi inaanyayahan, bawa’t isa sa kanila ay dapat na magsaliksik upang matagpuan Ako. At kapag ang kanilang bilang ay nabuo na, ang isa sa kanila ang dapat piliin upang samahan Ako sa Aking peregrinasyon sa Mecca at Medina. Doon ay ipahahayag Ko ang Kalatas ng Diyos sa Sharíf ng Mecca. Pagkatapos ay babalik Ako sa Kúfih, kung saan muli, sa moske ng banal na lunsod na iyon, ay ipahahayag Ko ang Kanyang Kapakanan. Tungkulin mo na huwag isiwalat, sa iyong mga kasamahan o sa sinumang kaluluwa, ang iyong nakita at narinig.”4
Pinuspos nitong maluwalhating Rebelasyon na ito ang kaluluwa ni Mullá Ḥusayn ng sigla at galak, ng pamimitagan at pagkamangha. “Anong hina at kawalang-kakayahan, anong lumbay at pagkaumid ang naramdaman ko noong una!” ang kanyang sinabi sa dakong huli. “Noon ay hindi ako makasulat o makalakad, lubhang nangangatal ang aking mga kamay at paa. Ngayon, gayumpaman, ang kaalaman sa Kanyang Rebelasyon ay pinag-alab ang aking katauhan. Naramdaman kong nagtataglay ako ng ganoong katapangan at kapangyarihan na kung ang daigdig, ang lahat ng mga tao at mga hari nito ay magbabangon laban sa akin, ako, nang nag-iisa at walang takot, ay lalabanan ang kanilang paglusob. Ang santinakpan ay waring isang dakot na alabok lamang sa aking kamay. Sa pakiwari ko ay ako ang Tinig ni Gabriel na nagkatawang-tao, nananawagan sa sangkatauhan na: ‘Gumising, sapagka’t, masdan, ang Liwanag ng umaga ay sumikat na. Magbangon, sapagka’t ang Kanyang Kapakanan ay ipinahayag na. Ang pintuan ng Kanyang pagpapala ay bukas na bukas; pumasok doon, O mga tao ng daigdig! Sapagka’t Siya na Ipinangako sa inyo ay dumating na!' ”5
Ang Pagpapahayag ng Báb ay naganap noong gabi ng ika-23 ng Mayo 1844. Siya ay dalawampu’t limang taong gulang. Pagkalipas ng maraming taon, sa okasyon ng anibersaryo ng Pagpapahayag ng Báb, sinabi ni ‘Abdu’l-Bahá sa isang grupo ng mga mananampalataya ang sumusunod na mga salita:
“Ngayon ay ika-23 ng Mayo, ang anibersaryo ng kalatas at Pagpapahayag ng Báb. Ito ay isang pinagpalang araw at ang pagbubukang-liwayway ng pagpapahayag, dahil ang paglitaw ng Báb ay ang unang liwanag ng tunay na umaga, . . . ito ay isang pinagpalang araw, ang simula ng makalangit na biyaya, ang simula ng banal na kaningningan. Sa araw na ito noong 1844 ang Báb ay isinugo upang ibalita at ipahayag ang Kaharian ng Diyos, ipinatalastas ang magandang balita ng pagdating ni Bahá’u’lláh at nagtiis sa paglaban ng buong bansa ng Persia.”6
Pagkatapos ni Mullá Ḥusayn, labimpitong ibang mga indibidwal ang naghanap at bawa’t isa ay sariling natagpuan ang kanilang Minimithi ng Puso, ang Báb. Bawa’t isa ay ginabayan ng Diyos upang makilala ang katotohanan ng bagong silang na Rebelasyon, na ang ilan ay sa pamamagitan ng mga pangitain o ng mga panaginip, ang ilan ay sa pamamagitan ng dasal, at ang iba ay sa panahon ng pagmumuni-muni. Lahat maliban sa isa sa pinagpalang mga kaluluwang ito ay nakarating sa harapan ng Báb sa Shíráz. Ang isa na hindi Siya nakatagpo ay isang bukod-tangi at matalinong babae na tinaguriang Ṭáhirih. Nalaman niya ang tungkol sa Báb sa pamamagitan ng panaginip, kinilala Siya bilang ang Minamahal na Ipinangako at naging isang dakilang tagapagtaguyod ng Kanyang Kapakanan. Ang ika-labinwalong tao na napabilang sa pangkat ng Kanyang mga tagasunod ay isang kabataan na dalawampung taong gulang na kilala bilang si Quddús. Bagaman bata pa lamang, si Quddús ay may ulirang pagkatao, at tapang at pananampalataya na ilan lamang ang makapapantay. Ang mga naunang mananampalataya na ito, kasama ni Mullá Ḥusayn, ay ipinahayag ng Báb na labinwalong “mga Titik ng Nabubuhay”. Sila ang mga piniling apostoles Niya.
Hindi nagtagal na ang bilang ng mga Titik ng Nabubuhay ay nabuo, tinawag ng Báb si Mullá Ḥusayn sa Kanyang harapan at ibinigay sa kanya ang sumusunod na mga tagubilin:
“Ang mga araw ng ating pagsasama ay malapit nang magwakas. Ang Aking Banal na Kasunduan sa iyo ay naitatag na ngayon. Palakasin ang mga balakang ng pagsisikap, at magbangon upang palaganapin ang Aking Kapakanan. Huwag masiraan ng loob sa tanawin ng kasamaan ng asal at katigasan sa pagkakasala ng salinlahi na ito, sapagka’t tiyak na tutulungan ka ng Panginoon ng Banal na Kasunduan. Tunay na ikaw ay palilibutan Niya ng Kanyang mapagmahal na pangangalaga, at aakayin ka mula sa isang tagumpay hanggang sa susunod na tagumpay. Katulad ng ulap na nag-uulan ng mga pagpapala nito sa daigdig, tahakin ang lupain mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo, at iambon sa mga tao nito ang mga pagpapala na minarapat na ipagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa Lahat, sa pagka-mahabagin Niya. . . . Sa peregrinasyon na ito, na hindi magtatagal ay Aming sisimulaan, pinili Namin si Quddús na Aming makasama. Iiwanan ka Namin upang harapin ang paglusob ng isang mabangis at hindi mapipigilang kaaway. Gayumpaman, magtiwala na isang biyaya na hindi mailarawan ang kaluwalhatian ang ipagkakaloob sa iyo. Sa iyong paglalakbay, sundin ang landas patungo sa hilaga, at dalawin sa iyong paglalakbay ang Iṣfáhán, Káshán, Qum at Ṭihrán. Sumamo sa makapangyarihang Maykapal na buong pagpapala na nawa’y tulungan ka Niya upang matamo mo, sa kapitolyo na iyon, ang luklukan ng tunay na kaharian, at ang makapasok sa mansiyon ng Minamahal. Isang lihim ang natatago sa lunsod na iyon. Kapag naihayag ito, gagawain nitong paraiso ang daigdig. Ang Aking pag-asa ay harinawang ikaw ay makabahagi sa pagpapala nito at makilala ang karingalan nito.”7
Matapos bigyan si Mullá Ḥusayn ng mga tagubilin na magtungo sa Ṭihrán, tinawag ng Báb ang ibang mga Titik ng Nabubuhay sa Kanyang harapan at binigyan ang bawa’t isa ng isang mahalagang misyon. Sa Kanyang mga salita ng pagpapaalam sa kanila, nanawagan Siya sa kanila na isa-isantabi ang bawa’t makamundong pagnanasa at magsikalat nang malayo at malawak upang ipahayag ang Kanyang Kapakanan.
“O Aking minamahal na mga kaibigan!” ang wika Niya sa kanila, “Kayo ang mga may taglay ng pangalan ng Diyos sa Araw na ito. . . . Tungkulin ng bawa’t isa sa inyo na ipakita ang mga katangian ng Diyos, at maging halimbawa ng mga palatandaan ng Kanyang pagkamakatarungan, ng Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa pamamagitan ng inyong mga gawa at salita.” “Huwag alalahanin ang inyong mga kahinaan at karupukan,” tiniyak Niya sa kanila, “ipako ang inyong paningin sa hindi malulupig na kapangyarihan ng Panginoon, ang inyong Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat. . . . Bumangon sa pangalan Niya, ilagay ang ganap ninyong pagtitiwala sa Kanya, at manalig sa pangwakas na pagwawagi.”8
Noong Oktubre 1844 ang Báb, na kasama si Quddús, ay nagsimula sa Kanyang peregrinasyon sa Mecca at Medina. Ang dalawang lunsod na ito, na matatagpuan sa Arabia, ay banal para sa mga tagasunod ng Islám. Habang nasa Mecca, sumulat ang Báb ng liham sa Sharíf ng lunsod na iyon. Sa liham na iyon, malinaw na ipinaliwanag Niya ang Kanyang Layunin at nanawagan sa Sharíf na tanggapin ang Kapakanan Niya. Subali’t ang Sharíf, na noon ay abala sa kanyang sariling mga gawain, ay hindi tumugon sa Banal na Tagapagbalita. Mula sa Mecca, ang Báb at ang Kanyang kasama ay nagtungo sa Medina, kung saan ang mga labí ng Propetang Muḥammad ay nakadambana. Pagkatapos dalawin ang banal na lunsod na iyon, sila ay bumalik sa Persia. Pagdating sa Búshihr, tinawag ng Báb si Quddús sa Kanyang harapan at sa mga salitang ito ay inatasan siyang magtuloy sa Shíráz:
“Ang mga araw ng iyong pakikisama sa Akin ay malapit nang magwakas. Ang oras ng paghihiwalay ay dumating na, isang paghihiwalay na walang darating na muling pagkikita maliban sa Kaharian ng Diyos . . . Sa mga lansangan ng Shíráz, mga paghamak ay ibubunton sa iyo at ang pinakamasakit na pinsala ay ipalalasap sa iyong katawan. Mabubuhay ka sa kabila ng kalait-lait na gawi ng iyong mga kalaban, at matatamo mo na makita Siya na tanging pakay ng ating pagsamba at pagmamahal. Sa harapan Niya ay malilimot mo ang lahat ng pinsala at kahihiyan na darating sa iyo. Ang mga hukbo ng Hindi Nakikita ay magmamadali upang tumulong sa iyo, at ipahahayag sa buong daigdig ang iyong kagitingan at kaluwalhatian. Nasa sa iyo ang hindi mailarawang kagalakan ng pagtungga sa kopa ng pagmamartir alang-alang sa Kanya. Ako rin, ay yayapak sa landas ng pagpapakasakit, at sasama sa iyo sa kaharian ng kawalang-hanggan.”9
Sa Shíráz, nagsimula si Quddús na ituro ang bagong Kalatas nang buong taimtim. Subali’t hindi naglaon nasuong siya sa pagsalungat ng mga pari ng Islám at ng gobernador ng lalawigan. Ang gobernador, na isang malupit at masamang tao, ay nag-utos na dakpin si Quddús at isa sa kanyang mga kasamahan. Iniutos niya na sunugin ang kanilang mga balbas, na tuhugin ang kanilang mga ilong kung saan sa butas nito ay ipasok ang isang tali, at sa pamamagitan ng tali na ito ay hilahin sila sa mga lansangan upang makita ng lahat.
"Ito ay magsisilbing aral sa mga tao ng Shíráz,” ang utos ng gobernador, “upang mabatid ang magiging kaparusahan sa erehiya.”10
Pagkatapos pagdusahan ang ganitong mga paghamak, si Quddús at ang kanyang kasama ay itinapon sa labas ng lunsod, at binalaan na bibitayin sila kung magtatangka pa silang bumalik. Sa kanilang pagdurusa, nakamtan nitong dalawang dakilang kaluluwa ang karangalan ng pagiging unang inusig sa Persia dahil sa kanilang bagong Pananampalataya. Tinukoy ni ‘Abdu’l-Bahá ang libu-libong sumunod na mga pinahirapan sa landas ng kanilang Minamahal, ang Báb, sa ganitong mga salita:
“. . . dumanas sila ng pinaka-malubhang paghihirap at kakila-kilabot na mga pagdurusa. Napaglabanan nila ang mga pagsubok nang may kahanga-hangang lakas at sukdulang kagitingan. Libu-libo ang itinapon sa bilangguan, pinarusahan, inusig at minartir. Nilooban at winasak ang kanilang mga tahanan, kinamkam ang kanilang mga ari-arian. Ganap na maluwag sa kalooban na inialay nila ang kanilang mga buhay at nanatiling matatag sa kanilang pananampalataya hanggang sa huli. Ang kahanga-hangang mga kaluluwa na iyon ay mga lampara ng Diyos, ang mga bituin ng kabanalan na maluwalhating nagliliwanag mula sa walang hanggang sugpungang guhit ng kalooban ng Diyos.”11
Pagkatapos iutos ang lubhang walang katarungang kaparusahan na ipataw kay Quddús at sa kanyang kasama, ibinaling ng gobernador ang kanyang poot sa Báb. Pinapunta niya ang kanyang mga kawal na nangangabayo sa Búshihr upang dakpin Siya at dalhin Siya nang naka-tanikala sa Shíráz. Samantala, nilisan naman ng Báb ang Búshihr patungo sa Shíráz. Sa kaparangan sa pagitan ng dalawang lunsod na ito natagpuan Siya ng mga kawal na nangangabayo. Sa dakong huli, isinalaysay ng pinuno ng mga kawal ang kwento ng pagtatagpong iyon:
“Habang nilalapitan namin siya, sumaludo siya sa amin at tinanong kung saan kami patungo. Naisip ko na higit na mabuting ilihim ko sa kanya ang katotohanan, at tumugon na inutusan kami ng gobernador ng Fárs na magsagawa ng ilang pagsisiyasat sa pook na iyon. Siya ay nakangiting nagsalita:
“‘Ipinadala kayo ng gobernador upang dakpin Ako. Narito Ako; gawain ang nais ninyo sa Akin. Sa pagpunta rito upang tagpuin kayo, pinaikli Ko ang layo ng inyong paglalakbay, at ginawang higit na madali para sa inyo na makita Ako.’"Ako ay nagulat sa kanyang mga sinabi at namangha sa katapatan at tuwirang pagsasalita niya. Nguni’t hindi ko maipaliwanag ang kanyang pagiging handang ipailalim ang kanyang sarili, sa sarili niyang kagustuhan, sa malupit na pagdidisiplina ng mga pinuno ng pamahalaan, at sa gayon ay isuong sa panganib ang kanyang sariling buhay at kaligtasan. Tinangka kong huwag siyang pansinin, at naghahanda nang umalis, nang lumapit siya sa akin at nagsabi ng:"
'Isinusumpa Ko sa pagkamakatarungan Niya na naglalang sa tao, na nagtangi sa kanya mula sa lahat ng nilalang Niya, at ginawa ang kanyang puso na maging luklukan ng kaharian at karunungan Niya, na sa buong buhay Ko ay wala Akong binigkas na salita kundi ang katotohanan, at wala nang iba pang adhikain kundi ang kabutihan at pag-unlad ng Aking kapwa-tao. Pinawalang-halaga Ko ang Aking sariling kaginhawahan at iniwasan na maging dahilan ng paghihirap o lumbay sa sinuman. Alam Ko na hinahanap mo Ako. Minabuti Ko na ibigay ang Aking Sarili sa iyong mga kamay, kaysa magdanas ka at ang iyong mga kasamahan ng hindi kinakailangang pagkaabala dahilan sa Akin.’
“Ang mga katagang ito ay lubhang nakaantig sa akin. Ako ay likas na napababa sa aking kabayo, at hinagkan ang kanyang estribo at nagsalita ng ganitong mga kataga: ‘O ilaw ng mga mata ng Propeta ng Diyos! Nakikiusap ako sa iyo, sa ngalan Niya na lumalang sa iyo at nagkaloob sa iyo ng ganyang kataasan at kapangyarihan, na ipagkaloob ang aking kahilingan at tugunin ang aking panalangin. Sumasamo ako sa iyo na tumakas sa pook na ito at lumayo sa harapan ng mukha ng walang habag at kasuklam-suklam na gobernador ng lalawigang ito. Nangangamba ako sa kanyang mga balak laban sa iyo; naghihimagsik ako sa balak na maging kasangkapan sa kanyang napakasamang mga panukala laban sa isang ganap na walang-sala at dakilang inapo ng Propeta ng Diyos. . . .’ Sa aking taimtim na pagsamo ibinigay niya ang tugon na ito:
‘Harinawang gantihan ng Panginoon na iyong Diyos ang iyong kadakilaan at marangal na hangarin. Wala ni isa man ang nakaaalam sa hiwaga ng Aking Pananampalataya; wala ni isa man ang makauunawa sa mga lihim nito. Hindi ko kailanman tatalikuran ang kagustuhan ng Diyos. Siya lamang ang Aking tiyak na Muog, ang Aking Buhay at ang Aking Kanlungan. Hangga’t hindi pa dumarating ang Aking huling oras, walang sinuman ang mangangahas na sumalakay sa Akin, walang sinuman ang makapipigil sa balak ng Makapangyarihan sa Lahat. At kung ang oras Ko ay dumating na, gaano katindi ang Aking magiging kaligayahan na lumagok sa kopa ng pagmamartir alang-alang sa pangalan Niya! Narito ako; dalhin Ako sa mga kamay ng iyong panginoon. Huwag matakot, sapagka’t walang sinuman ang sisisi sa iyo.’
“Yumuko ako sa aking pagsang-ayon at tinupad ang kanyang naisin.”12
Agad na ipinagpatuloy ng Báb ang Kanyang paglalakbay patungo sa Shíráz. Nang malaya at walang mga tanikala, Siya ay naglakad sa unahan ng Kanyang mga bantay, na magalang na sumusunod sa Kanya. Sa pamamagitan ng panghalina ng Kanyang mga salita, pinawi Niya ang kanilang poot at pinalitan ang kanilang pagmamataas at kayabangan ng pagpapakumbaba at pagmamahal.
Pagdating sa Shíráz, ang Báb ay dinala sa harapan ng gobernador, na kahiya-hiyang kalupitan ang ipinabata sa Kanya. Sa harap ng maraming tao binulyawan at binatikos niya ang Báb. Pagkatapos ay pinalaya niya Siya sa ilalim ng pangangalaga ng Kanyang amain. Kahit na pinahintulutan ang Báb na makabalik sa Kanyang tahanan, may-takda ang Kanyang kalayaan. Ang mga miyembro ng Kanyang pamilya lamang at ilan pang iba ang pinahintulutang makita Siya. Subali’t, sa sumunod na mga buwan, sa kabila ng pagtatangka ng gobernador at ng mga klerigo o mga pinuno ng relihiyon na wakasan ang Kanyang impluwensiya, ang bilang ng Kanyang mga tagasunod ay mabilis na nadagdagan.
Sa paglaki ng kapangyarihan at katanyagan ng Báb, ang galit ng gobernor ay lumaki rin at muli niyang iniutos ang pagdakip sa Kanya. Sa pagkakataong ito, hangarin ng gobernador na bitayin na ang Báb. Subali’t, sa mismong gabi ng pagdakip sa Kanya, isang salot ang kumalat sa Shíráz at ang buong lunsod ay nagkagulo. Sa loob ng ilang oras lamang, mahigit isang daang tao ang namatay dahil sa nakakatakot na sakit. Isang opisyal ng pulisya, na ang anak na lalaki ay buong-himalang ginamot ng Báb, ay naniwala na ang Kamay ng Diyos ay nasa likod ng biglang paglitaw ng salot na ito at nakiusap siya sa gobernador na palayain ang Báb. Ang gobernador, nangangamba para sa mga buhay ng kanyang pamilya at ng mga mamamayan ng lunsod, ay pumayag sa kondisyon na lilisanin ng Báb ang Shíráz.
Sa taglagas ng 1846 nagtungo ang Báb sa Iṣfáhán, na isang lunsod sa hilaga ng Shíráz. Sa pagpapaalam sa Kanyang amain, sinabi Niya sa kanya na:
“Muling makatatagpo Ko ikaw sa gitna ng kabundukan ng Ádhirbáyján, kung saan mula doon ikaw ay papupuntahin Ko upang makamtan mo ng korona ng pagmamartir. Ako Mismo ay susunod sa iyo, kasama ang isa sa Aking tapat na alagad, at magsasama tayo sa kaharian ng walang hanggan.”13
Nang malapit na ang Báb sa lunsod ng Iṣfáhán, sumulat Siya ng liham sa gobernador ng lalawigan na iyon na hinihiling na ituro ang lugar na maaari Niyang tirahan. Hindi katulad ng gobernador sa Shíráz, ang gobernador na ito ay isang taong may dalisay na puso at makatarungan. Siya ay lubhang naantig sa pagkamagalang at estilo ng liham ng Báb na kanyang inutusan ang pinaka-mataas na pinuno ng relihiyon sa lalawigan na tanggapin ang Báb sa kanyang tahanan at bigyan Siya ng maalab at masaganang pagtanggap.
Sa pagtigil ng Báb sa Iṣfáhán, unti-unting kumalat ang Kanyang kabantugan sa buong lunsod. Araw-araw ay dumarating ang pangkat-pangkat na mga tao upang makipagkita sa Kanya at makinig sa Kanyang mga salita ng karunungan. Subali’t ang lumalaking kabantugan ng Báb ay pumukaw sa inggit ng mga klerigo ng lunsod, at sila ay natakot na mawawala ang kanilang katayuan at kapangyarihan. Nagsimula silang magkalat ng mga usap-usapan laban sa Báb, sa pag-asang mapukaw ang paghihinala laban sa Kanya. Nang mabigo ito, gumawa sila ng pakana upang patayin Siya. Nalaman ng gobernador ang balak laban sa Báb, at nagpasiya na magiging higit na mabuti na papuntahin Siya at patigilin sa sarili niyang tahanan. Doon, sa mga oras na ginugol sa pakikipag-usap sa Báb, unti-unting naunawaan ng gobernador ang kadakilaan ng Kanyang Rebelasyon. Isang araw, habang kasama ang Báb na nakaupo sa hardin ng kanyang tahanan, ang gobernador ay nagsabi sa Kanya ng ganitong mga salita:
“Ang makapangyarihan sa lahat na Tagapagbigay ay nagkaloob sa akin ng malaking kayamanan. Hindi ko alam kung paano gamitin sa pinakamabuting paraan ang mga ito. Ngayon na ako ay inakay na tanggapin, sa tulong ng Diyos, ang Rebelasyon na ito, maalab na hangarin kong ihandog ang lahat ng aking mga pag-aari sa ikauunlad ng kapakanan nito at palaganapin ang kabantugan nito. Aking binabalak na magtungo, sa pahintulot Mo, sa Ṭihrán, at gawain ang lahat ng aking makakaya na paanibin sa Kapakanan na ito ang Hari na ang tiwala sa akin ay matatag at hindi mabubuwag.”14
Sa pagdaloy na ito ng pagmamahal at katapatan, ang Báb ay sumagot:
“Harinawang gantihan ka ng Diyos sa iyong dakilang mga balak,” tugon ng Báb. “Ang napakataas na layunin ay higit na mahalaga kaysa sa gawa na rin para sa Akin. Datapuwa’t ang iyo at Aking mga araw ay nabibilang na; ang mga iyon ay napakaikli upang masaksihan Ko, at pahintulutan kang matupad, ang kaganapan ng iyong mga inaasam. Hindi sa pamamagitan ng mga paraan ng iyong minimithing hinagap tutuparin ng makapangyarihang Maykapal ang tagumpay ng Pananampalataya Niya. Sa pamamagitan ng mahihirap at ng mga hamak sa lupaing ito, sa pamamagitan ng dugo na kanilang padadanakin sa landas Niya, titiyakin ng makapangyarihang Hari ang pagpapanatili at pagpapatatag ng mga simulain ng Kanyang Kapakanan. Ang Diyos ring iyon, sa darating na daigdig, ay ipuputong sa iyong ulo ang korona ng walang-kamatayan na kaluwalhatian, at labis-labis na ipagkakaloob sa iyo ang hindi matayang pagpapala Niya. Ang panahon ng iyong makalupang buhay, ay may natitira pang tatlong buwan at siyam na araw, na pagkatapos nito, nang may pananalig at katiyakan, ikaw ay magmamadaling tutungo sa iyong walang-hanggang tahanan.”15
Pagkalipas ng tatlong buwan at siyam na araw, ang gobernor ay yumao, tulad ng inihula ng Báb. Ilang araw pagkalipas ng kanyang kamatayan, ang humalili sa kanya ay nagpadala ng mensahe sa Hari sa Ṭihrán na nagtatanong kung ano ang nararapat niyang gawain sa Báb. Iniutos ng Hari sa kanya na dalhin ang Báb sa kapitolyo nang nakabalatkayo, na kung saan nilayon ng Hari na makita Siya. Sa gayon, kasama ng mga kawal na nangangabayo, sinimulan ng Báb ang Kanyang paglalakbay patungo sa Ṭihrán.
Ang Punong Ministro ng Persia nang panahong iyon ay isang taong sakim at walang kakayahan. Natatakot siya na kung dumating ang Báb sa Ṭihrán at makakapanayam ang Hari, na baka mawala sa kanya ang kanyang tungkulin at kapangyarihan. Kung gayon, hinikayat niya ang Hari na baguhin ang kanyang mga utos at ipadala ang Báb sa lalawigan ng Ádhirbáyján sa hilagang kanluran ng bansa.
Nang makarating ang Báb sa Tabríz, na kapitolyo ng lalawigan, dinala Siya sa isa sa pangunahing mga bahay ng lunsod, na kung saan Siya ikukulong. Isang pangkat ng mga sundalo ang nagbabantay sa bungad ng bahay. Wala ni isa man ang pinayagang makipagkita sa Kanya, maliban sa dalawa Niyang mga tagasunod. Binalaan ang mga tao ng lunsod na ang sinumang magtangkang makipagkita sa Báb ay ibibilanggo at ang lahat ng kanyang mga ari-arian ay sasamsamin.
Tumigil ang Báb sa Tabríz nang maikling panahon at pagkatapos ay inilipat sa kuta ng Máh-Kú, na nasa kabundukan ng Ádhirbáyján, malayo sa malalaking lunsod at mga bayan. Ang mga tao sa rehiyong ito ay nabibilang sa ibang sekta ng Islám, na maraming pagkakaiba sa sekta na sinusunod ng karamihan ng mga tao. Inakala ng Punong Ministro na sa pamamagitan ng pagpapadala sa Báb dito sa malayo at mapanglaw na sulok ng bansa, ang Kanyang kapangyarihan ay hihina at ang Kanyang Pananampalataya ay unti-unting malilimutan. Subali’t hindi niya naunawaan na ang ilaw ng Relihiyon ng Diyos ay nasindihan na at walang kamay ng tao ang makapapatay sa ningas nito. Sa pamamagitan ng Kanyang karangalan at mapagmahal na kabaitan, mabilis na nakamit ng Báb ang paggalang at paghanga kapwa ng pinuno na namamahala sa kuta at ng mga tao sa rehiyon.
Ang mahigpit na disiplina na ipinataw sa Báb ay unti-unting gumaan, at ang mga pinto ng kuta ay binuksan sa Kanyang mga tagasunod, na dumating sa paparaming bilang mula sa iba’t-ibang bahagi ng Persia upang dalawin Siya. Sa panahon ng Kanyang pagkabilanggo sa Máh-Kú, ipinahayag ng Báb ang Bayán sa wikang Persiano, ang pinakamahalaga sa lahat ng Kanyang mga Akda. Sa Aklat na iyon, itinatag Niya ang mga batas ng Kanyang Dispensasyon, malinaw at tahasan na ipinahayag ang pagdating ng isa pang Rebelasyon na higit na dakila kaysa doon sa Kanya, at hinimok ang Kanyang mga tagasunod na hanapin “Siya na Ihahayag ng Diyos”. Inilarawan ng isa sa mga tagasunod Niya na nakatira sa Máh-Kú nang panahong iyon ang pagpapahayag ng Bayán sa wikang Persiano sa ganitong mga salita:
“Ang tinig ng Báb, habang idinidikta Niya ang mga turo at simulain ng Pananampalataya Niya, ay maliwanag na naririnig noong mga naninirahan sa paanan ng bundok. Ang himig ng pagdalit Niya, ang indayog ng daloy ng mga berso na nagmumula sa mga labi Niya ay naulinigan ng aming mga tainga at nanuot sa kaibuturan ng aming mga kaluluwa. Pinaalingawngaw ng bundok at lambak ang karingalan ng tinig Niya. Ang aming mga puso ay sumikdo ang kaibuturan nito sa nakabibihag na pananalita Niya.”16
Nang malaman ng Punong Ministro na nakamtan na ng Báb ang paghanga ng mga tao sa Máh-Kú at ang Kanyang Pananampalataya ay patuloy na lumalaganap sa buong bansa, naglabas siya ng utos na ilipat ang Báb sa kuta ng Chihríq. Subali’t, doon din, ang mga tao sa mga karatig-bayan at ang pinuno ng kuta ay nahalina ng kaakit-akit na pagkatao ng Báb. Kahit ang ilan sa pinakatanyag na mga klerigo sa rehiyon ay tumanggap sa bagong Pananampalataya at iniwan ang kanilang magagandang tungkulin upang mapabilang sa Kanyang mga tagasunod.
Kaagad nang nabalitaan ng Punong Ministro ang patuloy na lumalaking katanyagan ng Báb sa Chihríq, siya ay nagbigay ng mga utos na agad Siyang dalahin sa Tabríz. Doon ay nagpatawag ang pamahalaan ng isang pulong ng mga pinuno ng relihiyon upang litisin ang Báb at tuklasin ang pinakamabisang paraan upang wakasan ang Kanyang kapangyarihan. Sa pagpupulong na iyon, sinikap ng mga klerigo at mga pinuno ng pamahalaan na hamakin ang Báb, subali’t sila ay nagapi ng Kanyang kamaharlikahan at kadakilaan. Nang itanong, “Ano ang iyong inaangkin, at ano ang pahayag na iyong dala?” Siya ay nagpahayag:
“Ako, Ako, Ako ang Siya na Ipinangako! Ako Siya na ang pangalan ay inyong tinatawag sa loob ng isang libong taon, na sa pagsambit nito kayo ay nagbangon, na ang pagdating ay inasam ninyo na masaksihan, na ang oras ng Pagpapahayag ay ipinanalangin ninyo sa Diyos na madaliin. Tunay na sinasabi Ko, tungkulin ng mga tao kapwa sa Silangan at sa Kanluran na sundin ang Aking salita at ipangako ang katapatan sa Aking katauhan.”17
Ilang araw pagkatapos ng pagpupulong na iyon, ibinalik ang Báb sa Chihríq. Inaasahan sana ng Kanyang mga kaaway na sa pagdala sa Kanya sa Tabríz ay mapipilit na nila Siya na isuko ang Kanyang Misyon. Subali’t sa dakong huli naunawaan nila na habang nananatiling buhay ang Báb, hindi mapipigil ang Kanyang lumalaking kapangyarihan.
Sa isang pagtukoy sa Báb, sinabi ni ‘Abdu’l-Bahá na:
“At hinggil naman sa Báb — nawa’y maging alay sa Kanya ang Aking kaluluwa! — sa murang gulang, alalaong baga’y sa pagsapit ng ikadalawampu’t-limang taon ng Kanyang pinagpalang buhay, bumangon Siya upang ipahayag ang Kanyang Pananampalataya. . . . Nang nag-iisa, sa isang gawi na hindi maabot ng hinagap, itinaguyod Niya ang Pananampalataya sa mga Persiano, yaong mga tanyag dahilan sa kanilang pagkapanatiko sa relihiyon. Ang mabunying Kaluluwa na ito ay bumangon nang may ganoong kapangyarihan na niyanig Niya ang mga haligi ng pananampalataya, ng moralidad, ng mga kalagayan, ng mga kinagawian at mga kaugalian ng Persia, at nagtaguyod ng bagong mga alituntunin, bagong mga batas at isang bagong pananampalataya. Bagaman ang mga dakilang mamamayan ng Estado, halos lahat ng mga klerigo at ang mga taong-bayan ay nagsibangon upang puksain at patayin Siya, nang nag-iisa ay napaglabanan Niya ang mga iyon at binago ang buong Persia."
“Maraming mga ‘ulamá at mga lingkod-bayan, at pati na rin ang iba pang mga tao, ay maligayang inialay ang kanilang mga buhay sa Kanyang Pananampalataya at nagmadaling tumungo sa larangan ng pagkamartir."
“Ang pamahalaan, ang bansa, ang mga dalubhasa sa relihiyon at ang dakilang mga tao ay nagnais na patayin ang Kanyang ilaw, nguni’t hindi nila ito nagawa. Sa wakas ay sumikat ang Kanyang buwan, kuminang ang Kanyang bituin, ang Kanyang mga saligan ay matibay na naitatag, at ang pook ng bukang-liwayway Niya ay naging maningning. Ipinagkaloob Niya ang banal na edukasyon sa karamihan ng tao na hindi naliliwanagan at lumikha ng kamangha-manghang mga bunga sa mga kaisipan, mga asal, mga kaugalian at mga kalagayan ng mga Persiano. Ipinahayag Niya ang magandang balita ng kahayagan ng Araw ng Bahá sa Kanyang mga tagasunod at inihanda sila na sumampalataya."
“Ang paglitaw ng gayong kahanga-hangang mga palatandaan at dakilang mga bunga; ang mga bisa na inilikha sa isipan ng mga tao, at sa umiiral na mga kuro-kuro; ang pagtatag ng mga saligan ng pag-unlad; at ang pagsasa-ayos ng mga alituntunin ng tagumpay at kaginhawaan sa pamamagitan ng isang batang mangangalakal, ang siyang bumubuo ng pinakamalaking katibayan na Siya ay isang ganap na Tagapagturo. Ang isang makatarungang tao ay hindi mag-aatubili na paniwalaan ito.”18
Noong taong 1850, ang bagong Punong Ministro ng Persia, na kasing uhaw sa dugo ng nauna sa kanya, ay iniutos na bitayin ang Báb. Muling dinala ang Báb mula sa Chihríq patungo sa Tabríz. Doon ay ikinulong Siya sa silid-piitan na katabi ng liwasang-bayan na magiging lugar ng Kanyang pagmamartir.
Habang dinadala ang Báb sa silid-piitan, isang kabataan ang nagpupumilit makadaan sa mga nagsisiksikang tao at isinubsub ang kanyang sarili sa paanan ng Báb. “Huwag akong palayuin sa Iyo, O Panginoon,” ang samo ng kabataan. Nagmakaawa siya sa Báb na pahintulutan siyang sumunod sa Kanya kahit saan pa Siya magtungo.
"Magbangon,” ang tugon ng Báb, “at umasa na makakasama Ko ikaw. Bukas masasaksihan mo ang itinadhana ng Diyos.”19
Ang binata ay agad na dinakip, kasama ng kanyang dalawang kasama, at ikinulong sa selda na pinagkukulungan ng Báb at ng Kanyang kalihim. Ang kabataang lalaki na ito ay nakilala bilang si Anís.
Narinig ni Anís ang tungkol sa bagong Mensahe mula sa Báb Mismo noong Siya ay nasa Tabríz at nagpasiya siyang sumunod sa Kanya sa Chihríq. Lubhang malakas ang apoy ng pag-ibig ng Diyos na nagliliyab sa puso ni Anís na ang kanyang tanging hangarin ay ang maialay ang kanyang sarili sa kanyang bagong Pananampalataya. Subali’t nabahala ang kanyang amang panguman sa nakapagtatakang kilos ng kanyang anak, at ikinulong si Anís sa kanilang bahay at inilagay siya sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay. Doon ginugol ni Anís ang ilang linggo sa pagdarasal at pagmumuni-muni, sumasamo sa Diyos na pahintulutan siyang makarating sa harapan ng kanyang Minamahal. Hanggang isang araw, habang buhos na buhos ang loob sa pananalangin, nagkaroon siya ng isang di-pangkaraniwang pangitain. Nakita niya ang Báb na nakatayo sa kanyang harapan at tinatawag siya. Isinubsob ni Anís ang kanyang sarili sa paanan Niya.
"Magsaya," sinabi ng Báb sa kanya, “ang oras ay nalalapit, sa lunsod ring ito, na Ako ay ibibitin sa harap ng mata ng maraming tao at magiging isang biktima ng apoy ng kaaway. Wala Akong pipiliin maliban sa iyo upang makihati sa Akin sa kalis ng pagmamartir. Manalig na ang pangakong ito na Aking ibinigay sa iyo ay matutupad.”20
At mula noon si Anis ay nagsimulang maghintay nang matiyaga, nalalaman na nalalapit na ang araw na makakapiling niyang muli ang kanyang Minamahal. Ngayon, sa wakas, ay nakamtan na niya ang Minimithi ng kanyang Puso.
Nang gabing iyon ang Báb ay nagniningning sa kaligayahan. Nakipag-usap Siya nang buong kasiyahan kay Anís at sa tatlong iba pang tapat na mga tagasunod na kasama Niya sa Kanyang silid-piitan.
"Bukas," nagwika Siya sa kanila, “ay ang araw ng Aking pagmamartir. Sana ay may isa sa inyong magbabangon, at nang sarili niyang mga kamay, wakasan ang Aking buhay. Mamabutihin Ko pang patayin Ako ng kamay ng isang kaibigan kaysa noong sa kalaban.”
Wala sa kanila ang makaisip na kitilin ang ganoong kahalagang buhay, at sila ay nanatiling tahimik, habang ang mga luha ay tumutulo sa kanilang mga mata. Pagkatapos, bigla, tumayo si Anís at sinabing handa siyang sumunod sa anumang iuutos ng Báb.
“Ang kabataan ring ito na nagbangon upang tuparin ang Aking kagustuhan,” pahayag ng Báb, “ ay dadanas ng pagmamartir kasama Ko. Siya ang Aking pipiliin upang makihati sa Akin sa koronang ito.”21
Umagang-umaga kinabukasan, ika-9 ng Hulyo 1850, may ginagawa ang Báb kasama ng Kanyang kalihim, nang biglang pinahinto ng isang pinuno ang kanilang pag-uusap.
Hangga’t hindi Ko nasasabi sa kanya ang lahat ng mga bagay na nais Kong sabihin,” sinabi ng Báb sa pinuno, “walang makalupang kapangyarihan ang maaaring magpatahimik sa Akin. Kung ang buong daigdig man ay masandatahan laban sa Akin, sila ay mawawalan ng kapangyarihang pigilan Ako sa pagtupad, hanggang sa huling kataga, sa Aking layunin.”22
Subalit hindi naunawaan ng opisyal ang kahulugan ng mga salita ng Báb. Hindi siya sumagot at inutusan ang kalihim na sumunod sa kanya. Pagkatapos ay dinala ang Báb mula sa Kayang silid-piitan tungo sa mga bahay ng pinakatanyag na mga klerigo ng lunsod ng Tabríz, na hindi nag-atubiling lagdaan ang utos para sa Kanyang kamatayan.
Hindi naglaon ang umagang iyon nang ibalik ang Báb sa liwasang-bayan kung saan nagsisiksikan ang halos sampung libong tao upang saksihan ang pagbitay sa Kanya. Ibinigay Siya sa mga kamay ni Sám Khán, ang komandante ng rehimyento ng mga sundalong inatasang bumitay sa Kanya. Subali’t si Sám Khán, na lubhang naantig sa asal ng Báb, ay sinakmal ng takot na baka ang kanyang gagawain ay magdadala ng poot ng Diyos sa kanya.
"Ako ay naniniwala sa Pananampalatayang Kristiano," paliwanag niya sa Báb, "at hindi ako nag-iisip ng masama laban sa Iyo. Kung ang Iyong Kapakanan ay Kapakanan ng Katotohanan, mangyaring palayain ang sarili ko sa tungkuling padanakin ang Iyong dugo."
"Sundin ang mga utos sa iyo," tugon ng Báb, "at kung ang iyong layunin ay tapat, tiyak na gagawain ng Makapangyarihan sa Lahat na mapalaya ka sa iyong linggatong."23
Inutusan ni Sám Khán ang kanyang mga tauhan na magbaón ng bakal na pako sa pader at magtali ng dalawang lubid sa pakong iyon. Ibinitin ang Báb at si Anis mula sa mga lubid na iyon. Pagkatapos ang rehimyento ay umayos sa tatlong hanay, na ang bawa’t isa ay may dalawang daan at limampung sundalo. Sunod-sunod na nagpaputok ng mga riple ang bawa’t hanay. Nang mapawi ang usok mula sa pitong daan at limampung mga riple, nakatingin ang isang namanghang madla sa isang tagpo na halos hindi nila mapaniwalaan. Si Anís ay nakatayo sa harapan nila nang buhay at hindi nasaktan, at ang Báb ay nawala sa kanilang paningin. Pinutol lamang ng mga bala ang mga lubid na kinabibitinan nila. Isang balisang-balisa na paghahanap sa Báb ang isinagawa. Sa dakong huli natagpuan Siya na nakaupo sa Kanyang silid-piitan, na tinatapos ang nahintong pakikipag-usap Niya sa Kanyang kalihim.
"Natapos Ko na ang Aking pakikipag-usap,” ang wika ng Báb. “Ngayon ay maipagpapatuloy na ninyo ang inyong balak.”24
Nasindak sa pangyayari, hindi na pinayagan ni Sám Khán ang kanyang mga tauhan na muling bumaril at inutusan silang lisanin ang liwasang-bayan. Kinailangang magdala ng panibagong rehimyento upang isagawa ang pagbibitay. Muling ibinitin ang Báb at si Anís sa liwasang-bayan, at nagpaputok ang mga sundalo. Sa pagkakataong ito natagpuan ng mga bala ang kanilang patatamaan. Ang mga katawan ng Báb at ni Anís ay nagkadurog-durog; subali’t ang kanilang mga mukha ay nanatiling halos hindi nagalaw. Habang naghahanda ang rehimyento na magpaputok, binigkas ng Báb ang huling mga salitang ito sa nanonood na madla:
"Kung kayo ay naniwala sa Akin, O suwail na salinlahi, ang bawa’t isa sa inyo ay susundan ang halimbawa ng kabataang ito, na higit na matayog ang katayuan kaysa sa karamihan sa inyo, at maluwag sa kaloobang ipagpapakasakit ang kanyang sarili sa Aking landas. Darating ang araw na makikilala ninyo Ako; sa araw na iyon, hindi na ninyo Ako makakasama,”25

Ang sumusunod ay isang bahagi ng Kanyang habilin sa Mga Titik ng Nabubuhay.
“O Aking minamahal na mga kaibigan! Kayo ang mga may taglay ng pangalan ng Diyos sa Araw na ito. Kayo ay pinili bilang mga sisidlan ng Kanyang hiwaga. Tungkulin ng bawa’t isa sa inyo na ipakita ang mga katangian ng Diyos, at maging halimbawa ng mga palatandaan ng Kanyang pagkamakatarungan, ng Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa pamamagitan ng inyong mga gawa at salita. Ang mga pinakabahagi ng inyong katawan ay dapat sumaksi sa kataasan ng inyong layunin, sa karangalan ng inyong buhay, sa katotohanan ng inyong pananalig at sa mataas na katangian ng inyong matapat na pagmamahal. Sapagka’t, tunay na Aking sinasabi, ito ang Araw na binanggit ng Diyos sa Kanyang Aklat: ‘Sa araw na iyon ay lalagyan Namin ng pinid ang kanilang mga bibig, nguni’t ang kanilang mga kamay ay magsasalita sa Amin, at ang kanilang mga paa ay sasaksi sa mga bagay na nagawa na nila."
“Nilay-nilayin ang mga salita ni Hesus na sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, nang sila ay isugo na Niya upang palaganapin ang Kapakanan ng Diyos. Sa mga pananalita na tulad nito, inatasan Niya silang magbangon at tuparin ang kanilang layunin: ‘Kayo ay tulad ng apoy sa kadiliman ng gabi na sinindihan sa tuktok ng bundok. Hayaan na ang inyong liwanag ay magningning sa harap ng mga mata ng tao. Ganyan dapat ang kadalisayan ng inyong kilos at ang uri ng inyong pagtalikod sa lahat maliban sa Diyos, na ang mga tao ng daigdig, sa pamamagitan ninyo, ay makikilala at lalong mapapalapit sa makalangit na Ama na siyang Bukal ng kadalisayan at pagpapala. Sapagka’t wala pang nakakita sa Ama na nasa langit. Kayo na Kanyang espiritwal na mga anak, sa pamamagitan ng inyong mga gawa, ay dapat na maging halimbawa ng Kanyang katangian, at saksi sa Kanyang kaluwalhatian. Kayo ang asin ng daigdig, nguni’t kung ang asin ay nawalan na ng lasa, ano pa ang ipang-aasin? Ganyan dapat ang antas ng inyong pagkawalay, na saanmang lunsod kayo magtungo upang ipahayag at ituro ang Kapakanan ng Diyos, hindi kayo maghihintay ng pagkain o gantimpala mula sa mga tao nito. Hindi lamang iyon, sa paglisan ninyo sa lunsod na iyon, dapat ninyong pagpagin ang alikabok sa inyong mga paa. Tulad ng pagpasok ninyo dito nang dalisay at malinis, gayundin kayo dapat lilisan sa lunsod na iyon. Sapagka’t tunay na sinasabi ko, ang makalangit na Ama ay laging kasama ninyo at nagbabantay sa inyo. Kung kayo ay magiging tapat sa Kanya, tiyak na ibibigay Niya sa inyong mga kamay ang lahat ng kayamanan ng lupa, at dadakilain kayo nang higit pa sa lahat ng mga pinuno at hari ng daigdig.’
“O Aking mga Titik! Tunay na sinasabi Ko, lubhang malawak ang kaluwalhatian ng Araw na ito kaysa sa mga araw ng mga naunang Apostoles. Hindi lamang iyon, hindi masusukat ang kaibahan! Kayo ang mga saksi sa Bukang-Liwayay ng ipinangakong Araw ng Diyos. Kayo ang mga umiinom sa mahiwagang kalis ng Kanyang Rebelasyon. Palakasin ang mga balakang ng pagsisikap, at isa-isip ang mga kataga ng Diyos na ipinahayag sa Kanyang Aklat. ‘Masdan, ang Panginoon na inyong Diyos ay dumating na, at kasama Niya ang isang kalipunan ng Kanyang mga anghel na nakahanay sa harapan Niya!’
“Linisin sa inyong mga puso ang mga makalupang hangarin, at hayaang ang mala-anghel na mga katangian ang maging inyong palamuti. Sikapin na sa pamamagitan ng inyong mga gawa ay maging saksi kayo sa katotohanan ng mga kataga na ito ng Diyos, at mag-ingat na sa inyong ‘pagtalikod,’ maaari Niyang ‘palitan kayo ng ibang mga tao,’ na ‘hindi ninyo katulad,’ at yaong kukuhanin sa inyo ang Kaharian ng Diyos."
“Ang mga araw na ipinapalagay na sapat na ang pagsamba nang walang kasamang gawa ay lumipas na. Dumating na ang panahon na walang iba maliban sa pinakadalisay na layunin na kinakatigan ng mga gawaing walang batik ang kadalisayan ang pawang makaaakyat sa trono ng Pinakamataas at maging karapat-dapat na matanggap Niya. ‘Ang mabuting salita ay pumapailanglang sa Kanya, at ang mabuting gawa ay pararangalan sa kinaroroonan Niya.’
“Kayo ang mga hamak na nabanggit ng Diyos sa Aklat Niya: ‘At ninais Namin na ipakita ang pagkiling sa mga ginawang hamak sa ibabaw ng lupa, at gawain silang mga espiritwal na pinuno sa mga tao, at gawain silang tagapagmana Namin.’ Kayo ay tinawag sa katayuan na ito; matatamo ninyo ito kung babangon lamang kayo upang yurakan ng inyong mga paa ang bawa’t makalupang hangarin, at sikapin na maging yaong ‘Kanyang mararangal na tagapagligkod na hindi nagsasalita hangga’t hindi pa Siya nakapagsasalita, at yaong ginagawa ang Kanyang utos.’
“Kayo ang unang mga Titik na nilikha mula sa Pinaka-unang Tuldok, ang unang mga Batis na nagmula sa Bukal ng Rebelasyon na ito. Sumamo sa Panginoon na inyong Diyos na itulot na walang makalupang pagkakaabalahan, walang makamundong pagmamahal, walang panandaliang mga gawain, ang makababatik sa kadalisayan, o papaitin ang katamisan ng pagpapala na iyon na dumadaloy sa inyo. Inihahanda Ko kayo para sa pagdating ng isang makapangyarihang Araw. Gawain ang inyong sukdulang pagsisikap upang, sa darating na daigdig, Ako, na ngayon ay nag-uutos sa inyo, ay magdiriwang sa inyong mga gawa at magagalak sa inyong mga natamo sa harapan ng mahabaging luklukan ng Diyos."
“Ang lihim ng Araw na darating ay natatago sa ngayon. Hindi ito maisisiwalat o matataya. Ang bagong silang na sanggol sa Araw na iyon ay mahihigitan ang pinakamarunong at pinakapipitagang tao ng panahon na ito, at ang pinakahamak at pinakamangmang sa panahon na iyon ay malalampasan ang pang-unawa ng pinakamarunong at pinakasanay na mga teologo ng panahon na ito."
“Kumalat sa buong kahabaan at kalawakan ng lupaing ito, at, nang may matatag na mga paa at nang may banal na mga puso, ihanda ang landas para sa Kanyang pagdating. Huwag alumanahin ang inyong mga kahinaan at karupukan, ipako ang inyong paningin sa hindi malulupig na kapangyarihan ng Panginoon, ang inyong Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat.
“Hindi ba’t Siya, noong nakalipas na mga Araw, ay nagawang magwagi si Abraham sa mga hukbo ni Nimrod, sa kabila ng tila kawalang-kakayahan Niya?"
“Hindi ba nagawa Niya na malupig ni Moises, na ang tungkod lamang ang Kanyang kasama, ang Paraon at ang kanyang mga hukbo?"
“Hindi ba Siya ang nagtatag ng kapangyarihan ni Hesus, kahit Siya ay mahirap at hamak sa mga mata ng tao, sa ibabaw ng pinagsama-samang lakas ng mga Hudyo? "
“Hindi ba ipinasakop Niya ang malulupit at mababangis na mga tribo ng Arabia sa banal at nakapagbabagong pagdisiplina ni Muḥammad, ang Kanyang Propeta? "
“Bumangon sa pangalan Niya, ilagay ang ganap ninyong pagtitiwala sa Kanya, at manalig sa pangwakas na pagwawagi.”26
1 The Dawn-Breakers: Nabil’s Narrative of the Early Days of the Bahá’í Revelation (Wilmette: Bahá’í Publishing Trust, 1974), pp. 75-76.
2 Shoghi Effendi, God Passes By (Wilmette: Bahá’í Publishing Trust, 1995), p. xiv.
3 The Dawn-Breakers, p. 57.
4 Ibid, p. 63.
5 Ibid, p. 65.
6 The Promulgation of Universal Peace: Talks Delivered by ‘Abdu’l-Bahá during His Visit to the United States and Canada in 1912 (Wilmette: Bahá’í Publishing Trust, 1995), p. 138.
7 The Dawn-Breakers, pp. 85-86.
8 Ibid., pp. 92-94.
9 Ibid., pp. 142-143.
10 Ibid., p. 146.
11 The Promulgation of Universal Peace, p. 138.
12 The Dawn-Breakers, pp. 148-50.
13 Ibid., p. 198.
14 Ibid., p. 212.
15 Ibid., p. 213.
16 Ibid., p. 249.
17 Ibid., pp. 315-316.
18 Some Answered Questions (Wilmette: Bahá’í Publishing Trust, 1994), pp. 25-26.
19 The Dawn-Breakers, p. 507.
20 Ibid., pp. 307-308.
21 Ibid., p. 508.
22 Ibid., p. 509.
23 Ibid., p. 512.
24 Ibid., p. 513.
25 Ibid., p. 514.
26 The Dawn-Breakers, pp. 92-94.