Bahá'u'lláh

Page 01

Si Bahá'u'lláh, na ang pangalan ay Mírzá Husayn-'Alí, ay ipinanganak noong ika-12 ng Nobyembre 1817 sa Ṭihrán, ang punong-lunsod ng Persia. Ang Kanyang ama, si Mírzá Buzurg, ay isang tanyag na maharlikang tao, na may isang mataas na tungkulin sa korte ng hari ng Persia. Mula pa sa murang gulang, nagpakita na si Bahá'u'lláh ng mga tanda ng kadakilaan at nagpamalas ng hindi pangkaraniwang kaalaman at karunungan. Hindi Siya nag-aral sa pangkaraniwang paaralan at tumanggap lamang ng ilang mga turo sa tahanan.

baha01
Ang lungsod ng Tehran, Iran, kung saan si Bahá'u'lláh ay ipinanganak.

Tungkol sa Kanyang pagkabata, sinabi ni 'Abdu'l-Bahá na:

"Ang Pinagpalang Kaganapan, si Bahá'u'lláh,ay nabibilang sa maharlikang angkan ng Persia. Mula sa Kanyang pinakamaagang pagkabata, Siya ay natatangi sa Kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Ang sabi nila, ‘Ang batang ito ay mayroong hindi pangkaraniwang kapangyarihan.’ Sa karunungan, talino at bilang pinagmumulan ng bagong kaalaman, Siya ay higit na nauuna kaysa sa Kanyang edad at higit na mataas sa Kanyang mga kapaligiran. Lahat ng nakakikilala sa Kanya ay nagugulat sa Kanyang maagang katalinuhan. Naging pangkaraniwan na sabihin nila na, ‘Ang batang ito ay hindi mabubuhay,’ dahilan sa paniniwala ng karamihan na ang mga batang mabilis sumulong ay hindi aabot sa hustong gulang.”1

baha02
Takur, sa hilaga ng Iran, kung saan ang pamilya ni Bahá'u'lláh ay may isang tahanan.

Sa isang Tableta, si Bahá'u'lláh ang mismong nagsalaysay ng isang kwento mula sa Kanyang pagkabata tungkol sa isang pagkakataon kung kailan dumalo Siya sa pagdiriwang ng kasal ng isa sa Kanyang mga kapatid sa Ṭihrán. Tulad ng kinaugalian noon sa Ṭihrán, idinaos ang isang malaking pagdiriwang na tumagal ng pitong araw at gabi. Sa huling araw, nagkaroon ng isang palabas ng napagagalaw na mga manikŕ tungkol sa isang bantog na hari bilang pang-aliw sa mga panauhing pandangal. Nakaupo si Bahá'u'lláh sa isang silid sa itaas na mula doon natatanaw ang liwasan na kung saan may isang toldang itinayo para sa palabas.

Sinasabi Niya na nagsimula ang dula sa pagpasok ng ilang maliliit na mga manikŕ na nagbabalita na ang hari ay dumarating. Sumunod ang ilan pang mga manikŕ. Ang ilan ay nagwawalis, at ang iba ay nagwiwisik ng tubig bilang paghahanda sa pagdating ng hari. Hindi naglaon, ang tagapagtalastas ng bayan ay pumasok sa eksena at sinabi sa mga tao na magtipon sila upang pakinggan ang hari. Ilang pangkat ng mga manikŕ ang lumitaw at nagpunta sa kani-kanilang mga lugar. Sa wakas, dumating ang maringal na pagpasok ng hari. Suot ang korona sa kanyang ulo, marahan at may kamaharlikaan siyang lumakad at umupo sa kanyang trono. Ang mga baril ay pinaputok; ang mga trumpeta ay pinatunog, at ang tolda ay napuno ng usok.

Nang mapawi na ang usok, ang hari na nakaupo pa rin sa kanyang trono, ay napapalibutan ng mga ministro, mga prinsipe at mga pinuno ng bansa, na ang lahat ay nakatayo at nakatuon ang kanilang pansin sa kanyang harapan. Sa panahong iyon, ihinarap ang isang magnanakaw sa hari, at iniutos ng hari na pugutan siya ng ulo. Kaagad na isinagawa ng punong-tagapagbitay ang kanyang utos. Pagkatapos ng pagbitay, nakipag-usap ang hari sa kanyang mga ministro at mga pinuno. Biglang dumating ang balita na nagsimula ang isang paghihimagsik sa isa sa mga hanggahan ng kaharian. Agad na nagpapunta ng mga kawal upang sugpuin ang himagsikan. Pagkalipas ng ilang mga minuto, narinig mula sa likuran ang tunog ng mga kanyon, at sinabi sa mga manunuod na ang mga kawal ng hari ay nakikipaglaban sa mga rebelde.

Sa ganoon, nagpatuloy ang dula. Naging palaisipan kay Bahá'u'lláh ang kahulugan ng palabas. Nang matapos na ito at ang kurtina ay ibinaba na, nakita Niya ang isang tao na lumabas mula sa likuran ng tolda na may kahon na naka-ipit sa kanyang braso.

Ano ang kahon na ito?” ang tanong ni Bahá'u'lláh sa kanya,"at ano ba ang kahulugan ng palabas?"

"Ang lahat ng marangyang gayak,"ang sagot niya,"ang hari, ang mga prinsipe, at ang mga ministro, ang kanilang mga karangyaan at kaluwalhatian, ang kanilang lakas at kapangyarihan, ang lahat ng iyong nakita, ang ngayon ay nasa loob ng kahon na ito.”2 Ang mga salitang ito ay nag-iwan ng malalim na impresyon kay Bahá'u'lláh, at sinabi Niya na: