“Pinagpala ang lugar, at ang tahanan, at ang pook, at ang lunsod, at ang puso, at ang kabundukan, at ang kanlungan, at ang yungib, at ang kalambakan, at ang lupa, at ang dagat, at ang pulo, at ang parang na ang Diyos ay binanggit at ang Kanyang kapurihan ay niluwalhati” -- Bahá’u’lláh
© 2008 by the National Spiritual Assembly of the Bahá’ís of the Philippines, Inc. All Rights Reserved
“Ang pang-araw-araw na mga dalanging katungkulang isagawa ay tatlo ang bilang... Ang mananampalataya ay ganap na malayang pumili ng isa sa tatlong dalanging ito, nguni’t obligasyon niya na usalin ang alinmang isa sa mga iyon, at alinsunod sa anumang direksiyong dapat sundin sa pag-usal niyon.” — Shoghi Effendi
“Ang ‘umaga’, ‘tanghali’ at ‘gabi’ na binanggit kaugnay ng mga Dalanging Katungkulang Isagawa, ay nangangahulugan ayon sa pagkakabanggit ay ang mga pagitan ng pagsikat ng araw at tanghali, sa tanghali at paglubog ng araw, at ang gabi ay mula sa paglubog ng araw at dalawang oras pagkalubog ng araw. — Ang Kitáb-i-Aqdas
Saksi ako, O aking Diyos, na nilalang Mo ako upang kumilala sa Iyo at sumamba sa Iyo. Sumasaksi ako, sa sandaling ito, sa aking kawalang-lakas at sa Iyong kapangyarihan, sa aking karukhaan at sa Iyong kayamanan. Walang iba pang Diyos liban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.
Sinuman ang nagnanais na manalangin, hayaang hugasan niya ang kanyang mga kamay, at samantalang siya ay naghuhugas, hayaang sabihin niya:
Palakasin ang aking kamay, O aking Diyos, upang magawa nitong hawakan ang Iyong Aklat nang buong katatagan at nang ang mga hukbo ng daigdig ay hindi makapanaig dito. Ingatan ito, kung gayon, upang hindi makialam sa anumang hindi niya pag-aari. Ikaw, sa katunayan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinaka Malakas.
At habang naghihilamos, hayaang sabihin niya:
Ibinaling ko ang aking mukha sa Iyo, O aking Panginoon! Tanglawan ito ng liwanag ng Iyong kaanyuan. Pangalagaan ito, kung gayon, sa pagbaling sa sinuman liban sa Iyo.
Pagkatapos hayaan siyang tumayo, at nakaharap sa Qiblih, hayaang sabihin niya;
Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kanya. Kanya ang mga kaharian ng Rebelasyon at ng sangnilikha. Siya, sa katotohanan, ang nagpahayag nsa Kanya na Araw-Bukal ng Rebelasyon, na nakipag-usap sa Sinai, na sa pamamagitan Niya ang panawagan ay ipinatalastas sa lahat ng nasa langit at nasa lupa: “Masdan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ay dumating na. Ang lupa at langit, kaluwalhatian at kaharian, ay sa Diyos, ang Nagmamay-ari ng Trono sa itaas at sa daigdig sa ibaba!”
Hayaan siya, pagkatapos, ay yumuko, nang ang mga kamay ay nakapatong sa mga tuhod, at sabihin:
Ikaw ay higit na dakila kaysa sa aking pagpupuri at sa pagpupuri ng sinuman bukod sa akin, higit sa aking paglalarawan at paglalarawan ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!
Pagkatapos, nang nakatayo na bukas ang mga kamay, ang mga palad ay nakataas at nakaharap sa mukha, bayaang sabihin niya:
Huwag biguin, O aking Diyos, siya na may nagsusumamong mga daliri, na nangapit sa laylayan ng Iyong kahabagan at ng Iyong biyaya, O Ikaw na sa lahat ng nagpapakita ng habag ay ang Pinaka-Mahabagin!
Hayaan siya, pagkatapos, na maupo at sabihin:
Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, at walang iba pang Diyos liban sa Iyo. Sa katunayan, Iyong ipinahayag ang Iyong Kapakanan, tinupad ang Iyong Banal na Kasunduan, at binuksan nang maluwang ang pinto ng Iyong mga minamahal, na ang mga pagbabago at pagkakataon ng daigdig ay hindi nakapigil sa kanila upang bumaling sa Iyo, at yaong ibinigay ang lahat ng nasa kanila, sa pag-asang matamo yaong nasa Iyo. Ikaw, sa katunayan, ang Laging Nagpapatawad, ang Mapagbigay-Biyaya sa Lahat.
(Kung nais ng sinuman na usalin, sa halip ng mahabang taludtod ang mga katagang ito: “Pinatutunayan ng Diyos na walang iba pang Diyos maliban sa Kanya, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap,” ito ay makasasapat. Gayundin, makasasapat na kung habang nakaupa ay usalin niya ang mga salitang ito: “Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkakaisa, na Ikaw ang Diyos, na walang iba pang Diyos liban sa Iyo.” - Bahá’u’lláh)
Sinumang nagnanais na umusal sa panalanging ito, hayaang siya ay tumindig at humarap sa Diyos, at habang siya ay nakatayo sa kanyang lugar, hayaang siya ay tumingin sa kanan at sa kaliwa, na waring naghihintay ng habag ng kanyang Panginoon, ang Pinaka Mahabagin, ang Madamayin. Pagkatapos, hayaang sabihin niya:
O Ikaw na Panginoon ng lahat ng mga pangalan at Lumikha ng mga kalangitan! Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan nila na mga Araw-bukal ng Iyong di-nakikitang Kalikasan, ang Pinaka Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat, na sa aking dalangin ay lumikha ng isang apoy na sisilab sa mga lambong na naglingid sa akin sa Iyong kagandahan, at ng isang liwanag na mag-aakay sa akin patungo sa karagatan ng pagkamalas sa Iyo.
Pagkatapos, hayaang itaas niya ang kanyang mga kamay sa pagsusumamo sa Diyos—pagpalain at luwalhatiin Siya— at sabihin:
O Ikaw na Mithiin ng daigdig at Minamahal ng mga bansa! Nakikita Mo akong bumabaling sa Iyo, at malaya sa lahat ng kaugnayan sa anuman maliban sa Iyo, at nangangapit sa Iyong kuldon, na sa paggalaw nito ang buong santinakpan ay napukaw. Ako ang Iyong tagapaglingkod, O aking Panginoon, at anak ng Iyong tagapaglingkod. Iyo akong masdan nang nakatayo at handang gawain ang Iyong kalooban at ang Iyong nais, at walang ibang hinahangad maliban sa Iyong mabuting kasiyahan. Isinasamo ko sa Iyo sa Karagatan ng Iyong kahabagan at sa Araw-Bituin ng Iyong biyaya na gawain sa Iyong tagapaglingkod ang Iyong niloloob at ikinasisiya. Saksi ang Iyong kapangyarihan na hindi makakayang abutin ng lahat ng pagbanggit at pagpuri! A numan ang Iyong ipinahayag ay ang hangarin ng aking puso at ang minamahal ng aking kaluluwa. O Diyos, aking Diyos! Huwag tingnan ang aking mga pag-asa at aking mga gawa, sa halip tingnan ang Iyong kalooban na pumapalibot sa mga kalangitan at kalupaan. Saksi ang Iyong Pinaka-Dakilang Pangalan, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng bansa! Ang tanging hangad ko ay ang Iyong hinahangad, at ang tanging pag-ibig ko ay ang Iyong iniibig.
Hayaang siya ay lumuhod, at nang nakayukod ang noo sa lupa, hayaang sabihin niya:
Ikaw ay dakila nang higit sa paglalarawan ng sinumam maliban sa Iyong Sarili, at pag-unawa ng sinumang iba pa liban sa Iyo.
Hayaang siya ay tumindig at sabihin:
Gawain ang aking dalangin, O aking Panginoon, na maging isang bukal ng mga buhay na tubig upang dito ako ay maaaring mabuhay habang nananatili ang Iyong paghahari, at maaaring banggitin Kita sa bawa’t daigdig ng Iyong mga daigdig.
Hayaang muling itaas niya ang kanyang mga kamay sa pagsusumamo, at sabihin:
O Ikaw na ang pagkalayo sa Iyo ay ikinatutunaw ng mga puso at kaluluwa, na sa pamamagitan ng apoy ng Iyong pag-ibig ay nagliyab ang buong daigdig! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong Pangalan na sumakop sa buong santinakpan, na huwag ipagkait sa akin yaong nasa sa Iyo, O Ikaw na naghahari sa lahat ng tao! Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang dayuhang ito na nagmamadaling patungo sa kanyang pinakadakilang tahanan sa lilim ng bubong ng Iyong kamahalan at sa loob ng mga bakuran ng Iyong kahabagan; at ang nagkasalang ito na hinahanap ang karagatan ng Iyong kapatawaran; at ang abang ito na hinahanap ang liwasan ng Iyong kaluwalhatian; at ang dukhang ito na hinahanap ang kinaroroonan ng Iyong kayamanan. Nasa Iyo ang kapangyarihan na mag-atas ng anumang Iyong niloloob. Saksi ako na Ikaw ay dapat purihin sa Iyong mga ginagawa, at dapat sundin ang Iyong mga utos, at dapat manatiling hindi napipigilan sa Iyong mga pag-uutos.
Hayaang itaas niya ang kanyang mga kamay at bigkasin nang tatlong ulit ang Pinaka-Dakilang Pangalan1. Hayaan siyang yumuko sa harap ng Diyos—pagpalain at luwalhatiin Siya—at, nang nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod, ay sabihin:
Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong ang aking espiritu ay ginising sa loob ng aking mga kamay at paa at mga bahagi ng aking katawan, sa paghahangad nitong sumamba sa Iyo, at sa pagnanasa nitong gunitain Ka at luwalhatiin Ka; kung papaanong pinatutunayan nito yaong pinatunayan ng Dila ng Iyong Kautusan sa kaharian ng Iyong pananalita at sa kalangitan ng Iyong kaalaman. Ninanais ko, sa ganitong kalagayan, O aking Panginoon, na hilingin sa Iyo ang lahat ng nasa Iyo, upang maipakita ko ang aking karukhaan at mapalaki ang Iyong pagpapala at ang Iyong mga kayamanan, at maipahayag ang aking kawalang-kakayahan, at maipakita ang Iyong lakas at Iyong kapangyarihan.
Hayaang siya ay tumayo at dalawang ulit na itaas sa pagsusumamo ang kanyang mga kamay, at sabihin:
Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nagtatadhana sa simula at sa wakas. O Diyos, aking Diyos! Ang Iyong pagpapatawad ay nakapagpatapang sa akin, at ang Iyong habag ay nakapagpalakas sa akin, at ang Iyong panawagan ay nakapukaw sa akin, at ang Iyong biyaya ay nakapagpabangon sa akin, at umakay sa akin tungo sa Iyo. Sino, kung gayon, ako na magtatangkang tumayo sa pintuan ng lunsod ng Iyong pagkakalapit, o iharap ang aking mukha sa mga liwanag na nagniningning sa langit ng Iyong kalooban? Iyong nakikita, O aking Panginoon, ang hamak na nilikhang ito na kumakatok sa pintuan ng Iyong pagpapala, at ang napaparam na kaluluwang ito na naghahanap sa ilog ng walang hanggang buhay buhat sa mga kamay ng Iyong pagpapala. Nasa Iyo ang pag-uutos sa lahat ng panahon, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng pangalan; at nasa akin ang pagtanggap at handang pagpapasailalim sa Iyong kalooban, O Maylikha ng mga kalangitan!
Hayaang itaas niya nang tatlong ulit ang kanyang mga kamay at sabihin:
Higit na dakila ang Diyos kaysa bawa’t ibang dakila!
Hayaang lumuhod siya, at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:
Ikaw ay napakataas para sa papuri ng mga malapit sa Iyo upang makaakyat sa kalangitan ng Iyong pagkamalapit, o para sa mga ibon ng mga puso ng matatapat sa Iyo upang makarating sa bungad ng Iyong pintuan. Pinatutunayan ko na Ikaw ay pinagpala nang higit sa lahat ng mga katangian at banal sa lahat ng mga pangalan. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinaka-Dakila, ang Maluwalhati sa Lahat.
Hayaang umupo siya at sabihin:
Pinatutunayan ko yaong pinatunayan ng lahat ng nilalang na bagay, at ng Kalipunan sa itaas, at ng mga nananahan sa Paraiso ng pinakamataas sa lahat, at sa kabila ng mga iyon ay ang Dila ng Kamaharlikaan mismo mula sa maluwalhati sa lahat na Sugpungang-guhit, na Ikaw ang Diyos, na walang Diyos maliban sa Iyo, at Siya na inihayag ay ang Natatagong Hiwaga, ang Pinaka-iingatang Sagisag, na sa pamamagitan Niya ang mga pantig na Ma at Ging (Maging) ay napagkabit at napagsama. Pinatutunayan ko na Siya yaong ang pangalan ay isinulat ng Panulat ng Pinaka-Mataas, at Siya yaong binanggit sa mga Aklat ng Diyos, ang Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba.
Hayaang tumindig siya nang tuwid at sabihin:
O Panginoon ng lahat ng nilalang at Nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita! Iyong nakikita ang aking mga luha at naririnig ang aking mga buntung-hininga; at napakikinggan ang aking pagdaing, at ang aking pagtangis, at ang paghihinagpis ng aking puso. Saksi ang Iyong Kapangyarihan! Ang aking mga pagkakamali ay nakapigil sa akin sa paglapit sa Iyo; at ang aking mga pagkakasala ay nakapaglayo sa akin sa liwasan ng Iyong kabanalan. Ang Iyong pag-ibig, O aking Panginoon, ay nagpayaman sa akin, at ang pagkahiwalay sa Iyo ay nakawasak sa akin, at ang pagkalayo sa Iyo ay nakatupok sa akin. Isinasamo ko sa Iyo sa pamamagitan ng mga bakas ng Iyong paa sa kagubatang ito, at sa pamamagitan ng mga salitang “Narito Ako. Narito Ako,” na binigkas ng Iyong mga pinili sa kalawakang ito, at sa mga hininga ng Iyong Rebelasyon, at sa malulumanay na hangin ng Pagbubukang-liwayway ng Iyong Kahayagan, na itadhana na mamalas ko ang Iyong kagandahan at sundin ang anumang nasa Iyong Aklat.
Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan at yumuko nang nakapatong sa mga tuhod ang mga kamay at sabihin:
Luwalhati sa Iyo, O aking Diyos, na ako ay Iyong tinulungan upang Ikaw ay gunitain at Ikaw ay purihin, at Iyong ipinabatid sa akin Siya na Araw-Bukal ng Iyong mga palatandaan, at naging sanhi upang ako ay yumuko sa harap ng Iyong Pagka-Panginoon, at magpakumbaba ng aking sarili sa harap ng Iyong Pagka-Diyos, at tanggapin yaong binanggit ng Dila ng Iyong kamaharlikaan.
Hayaang siya ngayon ay tumayo at sabihin:
O Diyos, aking Diyos! Ang aking likod ay nabaluktot sa bigat ng aking mga pagkakasala, at ang aking kapabayaan ay sumira sa akin. Kailanmang limiin ko ang aking mga ginagawang masama at ang Iyong kabaitan, ang aking puso ay natutunaw sa loob ng aking sarili, at ang aking dugo ay kumukulo sa aking mga ugat. Saksi ang Iyong Kagandahan, O Ikaw na Mithiin ng daigdig! Namumula ako sa hiya kung ako ay magtataas ng mukha sa Iyo, at ang aking nananabik na mga kamay ay napapahiyang umunat tungo sa kalangitan ng Iyong pagpapala. Iyong nakikita, O aking Diyos, kung papaanong pinipigilan ako ng aking mga luha sa paggunita sa Iyo at sa pagbibigay-puri sa Iyong mga katangian, O Ikaw na Panginoon ng Trono sa kaitaasan at ng daigdig sa ibaba! Sumasamo ako sa Iyo sa pamamagitan ng mga palatandaan ng Iyong Kaharian at sa mga hiwaga ng Iyong Kapangyarihan na gawain sa Iyong mga minamahal ang sang-ayon sa Iyong pagpapala, O Panginoon ng lahat ng nilalang, at yaong karapat-dapat sa Iyong pagpapala, O Hari ng nakikita at ng di-nakikita!
Hayaang ulitin niya nang tatlong ulit ang Pinakadakilang Pangalan, at lumuhod at habang nakayukod ang ulo sa lupa ay sabihin:
Purihin Ka nawa, O aming Diyos, pagka’t Iyong inihulog sa amin yaong naglalapit sa amin sa Iyo, at Iyong ipinagkaloob sa amin ang bawa't mabuting bagay na Iyong ipinadala sa Iyong mga aklat at sa Iyong mga banal na kasulatan. Iyo kaming iligtas, sumasamo kami sa Iyo, O aking Panginoon, sa mga hukbo ng mga walang kabuluhang mga isipan at walang saysay na mga guni-guni. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid ng Lahat.
Hayaang itaas niya ang kanyang ulo, iupo ang kanyang sarili at sabihin:
Pinatutunayan ko, O aking Diyos, yaong pinatunayan ng Iyong mga hinirang, at tinatanggap yaong tinanggap ng mga nanananhan sa pinakamataas sa lahat na Paraiso at yaong mga tinanggap ng mga lumilibot sa Iyong makapangyarihang Trono. Ang mga kaharian ng kalupaan at kalangitan ay Iyo, O Panginoon ng mga daigdig!
O aking Panginoon at aking Pag-asa! Tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na maging matatag sa Iyong matibay na Banal na Kasunduan, na manatiling matapat sa Iyong malinaw na Kapakanan, at isakatuparan ang mga utos na Iyong sadyang itinalaga para sa kanila sa Iyong Aklat ng mga Karilagan; nang sila ay maging mga bandila ng patnubay at mga ilawan ng Kapulungan sa Itaas, bukal ng Iyong walang hanggang dunong, at mga bituing gumagabay nang wasto, habang sila ay sumisikat sa lupa mula sa kalangitan ng Diyos. Sa katunayan, Ikaw ang Hindi Malulupig; ang Pinakamalakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.
¤
O Diyos! Palakihin ang munting sanggol na ito sa sinapupunan ng Iyong pag-ibig at bigyan ito ng gatas buhat sa dibdib ng Maykapal. Alagaan ang sariwang halamang ito sa hardin ng rosas ng Iyong pag-ibig at tulungan itong lumaki sa pamamagitan ng mga ambon ng Iyong pagpapala. Gawain itong isang anak ng Kaharian at akayin ito tungo sa Iyong banal na daigdig. Ikaw ay makapangyarihan at maawain, at Ikaw ang Tagapagbigay, ang Tagapagkaloob, na ang mga pagpapala ay higit sa lahat!
¤
Siya ay Diyos! O Diyos, aking Diyos! Pagkalooban Mo ako ng isang dalisay na puso, na tulad ng isang perlas.
¤
Diyos, patnubayan Mo ako, pangalagaan Mo ako, pagningasin ang tanglaw ng aking puso at gawain Mo akong isang maningning na bituin. Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan.
¤
Likhain Mo sa akin ang isang pusong dalisay, O aking Diyos, at gawain Mong panibago ang isang payapang budhi sa loob ng aking sarili, O aking Pag-asa! Sa pamamagitan ng espiritu ng lakas, pagtibayin Mo ako sa Iyong Kapakanan, O aking Pinakamamahal, at sa pamamagitan ng liwanag ng Iyong kaluwalhatian, ihayag Mo sa akin ang Iyong landas, O Ikaw na Hantungan ng aking hangarin! Sa pamamagitan ng lakas ng Iyong nangingibabaw na mauring kapangyarihan, itaas Mo ako patungo sa langit ng Iyong kabanalan, O Mula ng aking pagkatao, at sa pamamagitan ng mga simoy ng Iyong kawalang hanggan, bigyang kagalakan Mo ako, O Ikaw na aking Diyos! Tulutang ang Iyong walang hanggang mga awitin ay sumimoy ang katiwasayan sa akin, O aking Kasama, at tulutang ang mga kayamanan ng Iyong napakatandang kaanyuan ay maglayo sa akin sa lahat liban sa Iyo, O aking Panginoon, at tulutang ang mga balita ng kapahayagan ng Iyong di-nasisirang Diwa ay maghatid sa akin ng lugod, O Ikaw na pinakahayag sa lahat ng hayag at pinakatago sa lahat ng natatago!
¤
O Diyos, panariwain at bigyang galak ang O aking espiritu. Dalisayin ang aking puso. Tanglawan ang aking mga kakayahan. Lahat ng aking mga gawain ay ipinagkakatiwala ko sa Iyong kamay. Ikaw ang aking Patnubay at ang aking Kanlungan. Hindi na ako malulungkot at magdadalamhati pa, ako ay magiging isang nilalang na maligaya at lipos ng tuwa. O Diyos, hindi na ako mapupuspos ng bagabag, ni hindi ko na tutulutang pahirapan pa ako ng mga kaguluhan. Hindi ko na pagkakaabalahan ang hindi kasiyasiyang mga bagay sa buhay.
O Diyos, Ikaw ay higit na kaibigan sa akin kaysa ako sa aking sarili. Inihahandog ko ang aking sarili sa Iyo, O Panginoon.
¤
Paano ko mapipiling tumulog, O Diyos, aking Diyos, samantalang ang mga mata nilang naghahangad sa Iyo ay gising dahil sa kanilang pagkahiwalay sa Iyo; at paano ako makahihiga upang mapahingalay samantalang ang mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo ay labis na naghihirap sa kanilang pagkalayo sa Iyong harapan?
Naipagkatiwala ko, O aking Panginoon, ang aking espiritu at ang aking buong sarili sa kanang kamay ng Iyong kapangyarihan at ng Iyong pagkukupkop, at inihihimlay ko ang aking ulo sa aking unan sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at ibinabangon iyon ayon sa Iyong kalooban at sa Iyong mabuting kasiyahan. Tunay na Ikaw ang Tagapagligtas, ang Tagapagkupkop, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.
Saksi ang Iyong kapangyarihan! Wala akong hinihiling, tulog o gising man, kundi yaong ninanais Mo. Ako ay Iyong tagapaglingkod at sumasaiyong mga kamay. Buong kahabagang tulungan Mo ako na makagawa ng makapagdadaloy sa kabanguhan ng Iyong kasiyahan. Tunay na ito ang aking pag-asa at ang pag-asa nilang nagtatamasa ng pagkakalapit sa Iyo. Purihin Ka, O Panginoon ng mga daigdig!
¤
O naghahanap ng Katotohanan! Kung ninanais mong buksan ng Diyos ang iyong (espiritwal na) mata, magsumamo ka sa Diyos, dumalangin at makiisa sa Kanya sa hatinggabi, sa pagsasabing:
O Panginoon, ibinaling ko ang aking mukha sa Iyong Kaharian ng Pagkaisa at ako’y nalulunod sa dagat ng Iyong kahabagan! O Panginoon, liwanagin ang aking paningin sa pamamagitan ng pagmalas sa Iyong mga tanglaw sa madilim na gabing ito, at paligayahin ako sa pamamagitan ng alak ng Iyong pag-ibig sa kahanga-hangang panahong ito! O Panginoon, bayaan na marinig ko ang Iyong tawag, at buksan sa harap ng aking mukha ang mga pinto ng Iyong kalangitan, upang makita ko ang liwanag ng Iyong kaluwalhatian (Bahá) at maakit ako sa Iyong kagandahan!
Tunay, Ikaw ang Tagapagbigay, ang Magandang-loob, ang Mahabagin, ang Mapagpatawad.
¤
Lahat ng mga kaibigan ng Diyos ... ay dapat na magbigay ng kanilang abot-kaya, gaanuman kaliit ang kanilang handog. Ang Diyos ay hin di nagpapapasan ng higit sa kakayahan ng bawa’t kaluluwa. Ang mga abuloy na ito ay dapat na magbuhat sa lahat ng mga sentro at sa lahat ng mga mananampalataya . . . O mga Kaibigan ng Diyos! Tiyakin na bilang kapalit ng mga ambag na ito, ang inyong agrikultura, ang inyong industriya at ang inyong panganga lakal ay pagpapalain ng maraming karagdagan, at mga mabubuting mga biyaya at mga kaloob. Sinu mang gumawa ng isang mabuting bagay ay tatanggap ng sampung- ulit na gantimpala. Walang alinlangan na ang buhay na Panginoon ay bukas palad na magpapatibay doon sa mga gumugugol ng kanilang kayamanan para sa Kanyang landas.
O Diyos, aking Diyos! Paliwanagin ang mga noo ng Iyong tunay na mga mangingibig, at itaguyod sila sa pamamagitan ng malaanghel na hukbo ng tiyak na tagumpay. Pagtibayin ang kanilang mga yapak sa Iyong tuwid na landas, at mula sa isang sinaunang pagpapala, buksan Mo sa kanila ang mga pintuan ng Iyong mga biyaya; dahil ginugugol nila para sa Iyong landas ang Iyong pinagkaloob sa kanila, pinangangalagaan ang Iyong Pananampalataya, inilalagay ang buong pagtitiwala sa pag-alaala sa Iyo, inihahandog ang kanilang mga puso alang-alang sa pagmamahal sa Iyo, at di-pinagkakait ang kanilang mga pag-aari sa pagsamba sa Iyong kagandahan at sa kanilang paghanap ng mga paraang makasisiya sa Iyo.
O aking Panginoon! Pagkalooban sila ng masaganang bahagi, ng nakatakdang pakinabang at tiyak na gantimpala.
Tunay na Ikaw ang Nagbibigay Lakas, ang Tagatulong, ang Magandang- loob, ang Mapagbigay Biyaya, ang Walang hanggang Nagkakaloob.
¤
Nakikita Mo ako, O aking Panginoon, na ang aking mukha ay nakabaling sa langit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong tangkilik, hiwalay sa lahat ng iba pa liban sa Iyo. Hinihiling ko sa Iyo, sa pamamagitan ng mga kaningningan ng Araw ng Iyong rebelasyon sa Sinai, at sa pamamagitan ng sinag ng Buntala ng Iyong biyaya na sumisikat sa sugpungang guhit ng Iyong Pangalan, ang Laging Nagpapatawad, na ipagkaloob sa akin ang Iyong patawad at magkaroon Ka ng habag sa akin. Ilagda para sa akin sa pamamagitan ng Iyong panulat ng kaluwalhatian yaong magtataas sa akin sa pamamagitan ng Iyong Pangalan sa daigdig ng mga nilalang. Tulungan Mo ako, O aking Panginoon, na magukol ng aking sarili sa Iyo, at duminig sa tinig ng Iyong mga minamahal, na hindi pinahina ng mga kapangyarihan sa lupa, at hindi nailayo sa Iyo ng mga kaharian ng mga bansa, at silang sa paglapit sa Iyo ay nagsabi: “Ang Diyos ang aming Panginoon, ang Panginoon ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa!”
¤
O Panginoon kong Diyos! Tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na maging matatag sa Iyong Pananampalataya, na makapanunton sa Iyong mga landas, na makapanatili sa Iyong Kapakanan. Ipagkaloob Mo sa kanila ang Iyong biyaya upang mapaglabanan nila ang udyok ng sarili at kapusukan, upang masundan ang liwanag ng Banal na Pamamatnubay. Ikaw ang Malakas, ang Mapagbigay-biyaya, ang Sariling Ganap, ang Tagapagkaloob, ang Mahabagin, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Mapagpala sa Lahat.
¤
“Ang pag- iisang dibdib ng Bahá’í ay ang pagbubuklod at magalang na pagmamahal sa pag-itan ng dalawang panig. Gayunman, dapat silang gumamit ng sukdulang ingat at makilala ang pag- uugali ng isa’t-isa. Itong di-magmamaliw na pagkakaugnay sa kanila ay dapat pagtibayin ng matatag na kasunduan, at ang kanilang layunin ay upang patibayin ang pagkakasundo, pagkakaibigan, pagkakaisa at upang matamo ang buhay na walang hanggan.”
Ang sumpa ng pag-iisang dibdid, ang pariralang magkasunod na bibigkasin ng nobya at nobyo sa harap ng dalawa man lamang saksi na tinatanggap ng Spiritual Assembly, sang-ayon sa nakasaad sa Kitáb-i-Aqdas, ay:
“Lahat kami, sa katunayan, ay susunod sa Kalooban ng Diyos.”
Siya ang Tagapagkaloob, ang Mapagpala!
Purihin ang Diyos, ang Napakatanda, ang Laging Nananahan, ang Walang Pagbabago, ang Walanghanggan! Siya na nagpatunay sa Kanyang Sarili na tunay na Siya ang Iisa, ang Nag-iisa, ang Hindi Nasasagkaan, ang Maluwalhati. Saksi kami na tunay na walang Diyos kundi Siya; tinatanggap ang Kanyang kaisahan, pinatutunayan ang Kanyang pagiging iisa. Siya kailanman ay nananahan sa di-mararating na mga kataasan, sa mga tugatog ng Kanyang katayugan, malayo sa pagbanggit ng sinuman liban sa Kanyang Sarili, hindi mailalarawan ng sinuman liban sa Kanya.
At nang naisin Niyang magpakita ng biyaya at pagpapala sa tao, at isaayos ang daigdig, nagpahayag Siya ng mga dapat isagawa at lumikha ng mga batas; kabilang sa mga ito, itinatag niya ang batas sa pagiisang dibdib, ginawa itong gaya ng isang moog sa ikabubuti at kaligtasan, at iniutos ito sa atin doon sa pinapanaog Niya buhat sa langit ng kabanalan sa Kanyang Pinakabanal na Aklat. Sabi Niya, dakila ang Kanyang kaluwalhatian; “Magsipagasawa, O mga tao, upang harinawa ay magsilang kayo noong babanggit sa Akin na kasama ng Aking mga tagapaglingkod. Ito ang Aking utos sa inyo; mangapit nang mahigpit dito bilang tulong sa inyong mga sarili.”
¤
O aking Diyos! O aking Diyos! Pagkaisahin ang mga puso ng Iyong mga tagapaglingkod, at ihayag sa kanila ang Iyong dakilang layunin. Nawa’y manalunton sila sa Iyong mga kautusan at manatili sa Iyong batas. Tulungan sila, O Diyos, sa kanilang pagsisikap, at pagkalooban sila ng lakas na maglingkod sa Iyo. O Diyos! Huwag Mo silang iiwan sa kanilang mga sarili, kundi patnubayan Mo ang kanilang mga hakbag sa liwanag ng Iyong kaalaman at bigyang galak ang kanilang mga puso ng Iyong pag-ibig. Tunay na Ikaw ang kanilang Tulong at ang kanilang Panginoon.
¤
Purihin nawa ang Iyong Pangalan, O aking P Diyos! Isinasamo ko sa Iyo sa mga halimuyak ng Kasuotan ng Iyong biyaya na sa Iyong pag-aatas at sa pag-alinsunod ng Iyong hangarin ay lumaganap sa buong santinakpan, at sa Araw Bituin ng Iyong kalooban na sumikat nang maliwanag, sa pamamagitan ng lakas ng Iyong kapangyarihan at ng Iyong paghahari sa itaas ng sugpungang- guhit ng Iyong kahabagan, na burahin sa aking puso ang lahat ng walang katuturang isipan at walang saysay na guni-guni upang buong pag-ibig na makabaling ako sa Iyo, O Ikaw na Panginoon ng lahat ng tao!
Ako ay Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod, O aking Diyos! Humawak ako sa ugit ng Iyong biyaya, at nangapit sa kuldon ng Iyong masuyong kahabagan. Iatas Mo para sa akin ang mabubuting bagay na nasa Iyo, at pakainin Mo ako sa hapag na ipinapanaog Mo buhat sa mga alapaap ng Iyong pagpapala at sa langit ng Iyong pagtatangkilik.
Ikaw, sa katotohanan, ang Panginoon ng mga daigdig, at ang Diyos ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa.
¤
Ang Iyong Pangalan ang makapagpapagaling sa akin, O aking Diyos, at ang Iyong gunita ang aking lunas. Ang pagkalapit sa Iyo ang aking pag-asa, at ang pag-ibig sa Iyo ang aking kasama. Ang awa Mo sa akin ang siya kong lunas at timbulan sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, ang Nakababatid sa Lahat, ang Madunong sa Lahat.
¤
O aking Diyos! O aking Diyos! Tunay na ang mga tagapaglingkod na ito ay nagbabaling sa Iyo, nananawagan sa Iyong kaharian ng kahabagan. Tunay na sila ay naaakit ng Iyong kabanalan at pinagniningning ng apoy ng Iyong pagibig, naghahanap ng katiyakan sa Iyong kahanga-hangang Kaharian at umaasang makararating sa Iyong makalangit na lupain. Tunay na hinahangad nila ang pagpanaog ng Iyong kaloob, hinahangad ang tanglaw ng Araw ng Katotohanan. O Panginoon! Gawain silang maniningning na mga ilawan, mahabaging mga tanda, mabubungang punong kahoy at maluningning na mga bituin. Nawa’y magsipaglingkod sila sa Iyo at maugnay sa Iyo sa pamamagitan ng mga bigkis at tali ng Iyong pag-ibig, naghahangad ng mga liwanag ng Iyong pagtatangkilik. O Panginoon! Gawain silang mga tanda ng pamamatnubay, mga bandila ng Iyong walang kamatayang Kaharian, mga alon ng dagat ng Iyong kahabagan, mga salamin ng liwanag ng Iyong kamahalan.
Tunay na Ikaw ang Magandangloob! Tunay na Ikaw ang Mahabagin! Tunay na Ikaw ang Katangitangi, ang Mahal!
¤
Dakilain ang Iyong pangalan, O aking Diyos, sapagka’t ipinamalas Mo ang Araw na Siyang Hari ng mga Araw, ang Araw na ipinahayag mo sa Iyong mga Hinirang at mga Propeta sa Iyong pinakamagaling na mga tableta, ang Araw na dito’y ibinubuhos Mo ang liwanag ng luwalhati ng lahat ng nilikhang mga bagay. Napakalaki ng kanyang biyaya sinumang sinaayos ang kanyang sarili patungo sa Iyo, at pumasok sa Iyong kinaroroonan, at naulinigan ang mga himig ng Iyong boses.
Ako ay sumasamo sa Iyo, O aking Panginoon, sa ngalan Niya na Siyang nililibutan sa pagsamba ang kaharian ng Iyong mga pangalan, na magiliw Mong tutulungan silang malapit sa Iyo, na luwalhatiin ang Iyong salita sa Iyong mga tagapaglingkod at ikalat sa ibayong lugar ang pagpuri sa Iyo sa Iyong mga nilikha, upang ang mga lubos na kagalakan ng Iyong Rebelasyon ay mapuspos ang mga kaluluwa ng lahat ng naninirahan sa Iyong sangkalupaan.
Ngayon na pinatnubayan Mo sila, O aking Panginoon, patungo sa mga buhay ng tubig ng Iyong pagpapala, ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong biyaya, na hindi sila mailayo sa Iyo; at ngayong ipinatawag Mo na sila sa kinaroroonan ng Iyong trono, huwag Mo silang palayasin sa Iyong harapan, sa pamamagitan ng Iyong mapagmahal na kabaitan. Ipadala Mo sa kanila yaong buong makapaglalayo sa kanila sa lahat maliban sa Iyo, at pahintulutan silang pumailanlang sa kalawakan ng Iyong kalapitan, sa isang paraan na kahit na ang tagumpay ng manlulupig o ang mga sulsol nila na mga hindi naniniwala sa Iyong pinakadakila at pinakamalakas na Sarili ay di-magkakaroon ng bisa na ilayo sila sa Iyo.
¤
Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong Pangalan na walang sinumang tunay na nakakilala at ang kahalagahan ay hindi natarok ng sinumang kaluluwa; isinasamo ko sa Iyo, sa Kanya na Siyang Ulongbukal ng Iyong Rebelasyon at Araw- Bukal ng Iyong mga tanda, na ang aking puso ay gawaing isang sisidlan ng Iyong pag-ibig at ng gunita sa Iyo. Ihabi Mo ito, kung gayon, sa Iyong pinakadakilang Karagatan, upang dumaloy buhat doon ang buhay na tubig ng Iyong kadunungan at ang mga kristal na daloy ng pagluwalhati at pagpupuri sa Iyo.
Ang aking mga paa at kamay ay saksi sa Iyong kaisahan, at ang aking buhok ay nagpapahayag ng lakas ng Iyong paghahari at kapangyarihan. Tumayo ako sa pintuan ng Iyong biyaya nang buong kaabahan, at walang pahalaga sa sarili, at nangapit sa laylayan ng Iyong pagpapala, at nagpako ng aking mga mata sa sugpungang- guhit ng Iyong mga handog.
Gawain Mong hantungan ko, O aking Diyos, yaong karapat-dapat sa kadakilaan ng Iyong kamahalan, at tulungan Mo ako, sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, na maituro ang Iyong Kapakanan upang ang mga patay ay magmadaling palabas sa kanilang mga libingan, at magsidagsang patungo sa Iyo, nagtitiwalang ganap sa Iyo, at nagpapako ng kanilang paningin sa silangan ng Iyong Kapakanan, at sa pook-liwayway ng Iyong Rebelasyon.
Ikaw, tunay, ang Pinakamalakas, ang Kataas-taasan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
¤
Luwalhatiin Ka, O Ikaw na Diyos ng daigdig at Hangarin ng mga bansa, O Ikaw na nahayag sa Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ay nagsilitaw ang mga perlas ng kadunungan at pananalita buhat sa mga kabibi ng malaking dagat ng Iyong kaalaman, at ang mga langit ng banal na rebelasyon ay napalamutihan ng liwanag ng paglitaw ng araw ng Iyong kaanyuan!
Isinasamo ko sa Iyo, sa Salitang yaon na sa pamamagitan nito ang Iyong patunay ay ginawang ganap sa piling ng Iyong mga nilalang at ang Iyong pagsasaksi ay natupad sa Iyong mga tagapaglingkod, na palakasin ang Iyong mga tao sa isang paraang ang mukha ng Kapakanan ay magliliwanag sa Iyong nasasakupan at ang mga bandila ng Iyong pamamatnubay ay maitatatag sa kabuuan ng Iyong mga lupain sa Iyong mga tagapaglingkod.
O aking Diyos! Namamalas Mo silang nakapangapit sa lubid ng Iyong biyaya at mahigpit na nakahawak sa laylayan ng tapis ng Iyong pagpapala. Iatas Mo para sa kanila yaong makapaglalapit sa kanila sa Iyo, at ilayo Mo sila sa lahat ng iba pa liban sa Iyo.
Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng pagkabuhay at tagapagtanggol ng nakikita at di-nakikita, na ang sinumang magbangon upang maglingkod sa Iyong Kapakanan ay gawain Mong tulad ng isang dagat na pinakikilos ng Iyong hangarin; naglalagablab sa apoy ng Iyong Banal na Punongkahoy, sumisikat buhat sa sugpungang-guhit ng langit ng Iyong kalooban. Tunay na Ikaw ang Siyang Makapangyarihan, na kapwa hindi mapanlupaypay ng puwersa ng lahat sa daigdig ni ng lakas ng mga bansa. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Isa, ang Nag-iisa, ang Tagapagtanggol, ang Sariling Ganap!
¤
O Diyos, na May-Akda ng Lahat ng Kahayagan, at Pinagmulan ng lahat ng mga Pinagmulan, na Ulong-Bukal ng lahat ng Rebelasyon, at Pinagbubukalan ng lahat ng mga Liwanag! Sumasaksi ako na sa Iyong Pangalan ang langit ng pangunawa ay pinalamutihan, at ang karagatan ng pananalita ay dumaluyong, at ang mga kaloob ng Iyong pagpapala ay pinalaganap sa mga tagasunod ng lahat ng relihiyon.
Isinasamo ko sa Iyo na payama nin Mo ako nang upang hindi na umasa sa lahat liban sa Iyo, at upang maging malaya ako sa anuman liban sa Iyong Sarili. Paulanin Mo, kung gayon, sa akin buhat sa mga alapaap ng Iyong pagpapala yaong pakikinabangan ko sa bawa’t daigdig ng Iyong mga daigdig. Tulungan Mo ako, kung gayon sa pamamagitan ng Iyong nagpapalakas na biyaya, upang makapaglingkod sa Iyong Kapakanan sa piling ng Iyong mga tagapaglingkod at nang maipakita ko yaong magtutulot na ako’y maalaala habang nananatili ang Iyong sariling Kaharian at nabubuhay ang Iyong mga sakop.
Ito ang Iyong mga tagapaglingkod, O aking Panginoon, na nagbaling ng kanilang buong katauhan sa sugpungang guhit ng Iyong pagpapala at sa karagatan ng Iyong biyaya at sa langit ng Iyong mga kaloob. Gawain Mo sa akin, kung gayon, ang minamarapat ng Iyong kamahalan, at ng Iyong kaluwalhatian at ng Iyong pagpapala, at ng Iyong biyaya.
Ikaw, sa katotohanan, ang Diyos ng lakas at kapangyarihan, na nakatutugon sa lahat ng nagsisidalangin sa Iyo. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.
¤
O aking Diyos, tulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod na itaguyod ang Salita, at pabulaanan ang kapalaluan at kasinungalingan, itatag ang katotohanan, ipalaganap ang mga banal na taludtod sa ibayong lugar, ipahayag ang mga kaluwalhatian, at gawain ang liwanag ng umaga na mamitak sa mga puso ng mga matuwid na Kapulungan sa kaitaasan.
Ikaw, sa katunayan, ang Mapagbigay, ang Mapagpatawad.
¤
O Diyos, aking Diyos! Tulungan Mo ang Iyong pinagkakatiwalaang mga tagapaglingkod na magkaroon ng mapagmahal at mahabanging mga puso. Tulungan Mo silang ipalaganap, sa mga bansa sa sangkalupaan, ang liwanag ng patnubay na galing sa Samahan sa Kaitaasan. Sa katunayan, Ikaw ang Matibay, ang Makapangyarihan, ang Napakalakas, ang Sumusugpo sa lahat, ang Laging Nagkakaloob. Sa katunayan, Ikaw ang Mapagbigay, ang Mahinahon, ang Mahabagin, ang Pinakamasagana.
¤
Nakikita Mo ako, o aking Diyos, na nakayukod sa kababaan, nagpapakumbaba sa harap ng Iyong mga utos, nagpapasaklaw sa Iyong kapangyarihan, nanginginig sa lakas ng Iyong pamamahala, patakbong lumalayo sa Iyong galit, nagsusumamo sa Iyong pagpapala, umaasa sa Iyong pagpapatawad, nangangatal sa pagkasindak sa Iyong matinding galit. Nagsusumamo ako sa Iyo nang may malakas na tibok ng puso, nang may umaagos na mga luha, at nananabik na kaluluwa at buong pagkawalay sa lahat ng mga bagay, na gawain ang Iyong mga mangingibig na tulad ng silahis ng liwanag sa kalawakan ng Iyong mga nasasakupan, at tulungan ang Iyong hinirang na mga tagapaglingkod na parangalan ang Iyong Salita, nang ang kanilang mga mukha ay maging magaganda at maliliwanag na may luningning, nang ang kanilang mga puso ay mapuspos ng hiwaga, nang ang bawa’t kaluluwa ay maibaba ang pasanin ng kasalanan nito. Pangalagaan sila kung gayon sa mga mananalakay, sa kanya na nawalan na ng hiya at lapastangan sa Diyos na gumagawa ng kamalian.
Sa katunayan, ang Iyong mga mangingibig ay nauuhaw, O aking Panginoon; akayin sila sa pinagbubukalan ng biyaya at pagpapala. Sa katunayan, sila ay gutom, ipadala Mo sa kanila ang Iyong makalangit na habag. Sa katunayan, sila ay hubad; bihisan Mo sila sa mga damit ng pagkatuto at kaalaman.
Mga bayani sila, O aking Panginoon, akayin Mo sila sa larangan ng digmaan. Tagapatnubay sila, pasalitain Mo sila nang may mga katuwiran at katibayan. Mga tumutulong na tagapaglingkod sila, mangyaring ipaabot nila sa lahat ng nakalibot ang kopa na punong-puno ng alak ng katiyakan. O aking Diyos, gawain silang manganganta na umaawit sa mga magagandang hardin, gawain silang mga leon na naninirahan sa masukal na lugar, mga balyena na sumisisid sa malawak na kailaliman.
Sa katunayan, Ikaw yaong may walang hanggang pagpapala. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Laging Nagbibigay.
¤
O Ikaw na walang kahambing na Diyos! O Ikaw na Panginoon ng Kaharian! Ang mga kaluluwang ito ang Iyong hukbo sa langit. Tulungan sila at sa pamamagitan ng mga pangkat ng Kataas-taasang KaO lipunan ay pagtagumpayin sila; upang ang bawa’t isa sa kanila ay maging tulad ng isang rehimyento at masakop ang mga bansang ito sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos at pagtanglaw ng mga banal na aral.
O Diyos! Ikaw ang maging tagatangkilik at katulong nila, at sa ilang, sa bundok, sa kalambakan, sa mga gubat, sa malalawak na damuhan at sa mga dagat, Ikaw ang kanilang maging katapatang lihim — upang sila’y makasigaw sa pamamagitan ng kapangyarihan at hininga ng Banal na Espiritu!
Tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Nakababatid ng Lahat, at Ikaw ang Madunong, ang Nakaririnig at ang Nakakikita.
¤
O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo akong nababalani at naaakit sa Iyong kaharian, ang El-Abhá, pinagniningas ng apoy ng Iyong pagibig sa sangkatauhan, isang tagapagbalita ng Iyong Kaharian sa malapad at malawak na mga bansang ito, hiwalay sa anuman liban sa Iyo, nananangan sa Iyo, nag-iwan ng kapahingahan at kaginhawahan, malayo sa aking sariling tahanan, isang lagalag sa mga pook na ito, isang dayuhang nabuwal sa lupa, hamak sa harap ng Iyong maluwalhating pintuan, mapagkumbaba sa Iyong pinakamataas na lupain, nagsusumamo sa Iyo sa kalaliman ng gabi at sa pagbubukang-liwayway, namamanhik at nananawagan sa Iyo sa umaga at gabi upang buong giliw na tulungan Mo ako sa paglilingkod sa Iyong Kapakanan, sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo at sa pagluwalhati sa Iyong Salita sa kabuuan ng Silangan at ng Kanluran.
O Panginoon! Palakasin ang aking likod at pagtibayin ako sa aking paglilingkod na lakip ang lahat kong pagsisikap, at huwag Mo akong iwanang walang kasama, nagiisa at walang kakayahan sa mga rehiyon na ito.
O Panginoon! Pagkalooban ako ng pakikipag-niig sa Iyo sa aking pag-iisa at samahan ako sa aking mga paglalakbay sa banyagang mga lupang ito.
Tunay na Ikaw ang Tagapagpatibay ng sinumang loobin Mo sa anumang Iyong hinahangad, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan sa Lahat.
¤
O Diyos, O Diyos! Nakikita Mo ang aking kahinaan, kababaan at pagkahamak sa harap ng Iyong mga nilalang; gayon man ay nagtiwala ako sa Iyo at nagbangon sa pagpapalaganap ng Iyong mga Turo sa Iyong malalakas na tagapaglingkod, nananangan sa Iyong lakas at kapangyarihan!
O Panginoon! Ako ay isang ibong may baling bagwis at nagnanais na lumipad dito sa Iyong kalawakang walang hanggan. Paano ko magagawa ito kung hindi sa pamamagitan ng Iyong pamamatnubay at biyaya, ng Iyong pagpapatibay at pagtulong!
O Panginoon! Maawa sa aking kahinaan at palakasin ako sa pamamagitan ng Iyong lakas!
O Panginoon! Maawa sa aking kawalang-kakayahan at tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at kamahalan!
O Panginoon! Kung ang mga hininga ng Banal na Espiritu ay magpapatibay sa pinakamahina sa mga nilalang, siya ay makararating sa pinakamataas na himpilan ng kadakilaan at magtatamo ng anumang kanyang naisin. Tunay, tinulungan Mo ang Iyong mga tagapaglingkod sa nakaraan, at sila ay pinakamahina sa Iyong mga nilalang, pinakaaba sa Iyong mga tagapaglingkod at pinakawalang-katuturan sa lahat ng nabuhay sa lupa; nguni’t sa pamamagitan ng Iyong pagpapahintulot at bisa ay nauna sila sa pinakamaluwalhati sa Iyong mga tao at pinakadakila sa Iyong sangkatauhan. Bagama’t sila’y dating tulad ng mga gamu-gamu, sila’y naging maharlikang mga falcon , at bagama’t sila’y dating tulad ng mga batis sila’y naging mga dagat. Sa pamamagitan ng Iyong kaloob, Iyong habag at Iyong pinakadakilang pagtatangkilik, sila’y naging mga bituing nagniningning sa sugpungang guhit ng pamamatnubay, mga ibong nagsisiawit sa mga hardin ng rosas ng kawalang-kamatayan, mga leon na nagsisiatungal sa mga gubat ng kaalaman at kadunungan at mga balyenang nagsisilangoy sa mga karagatan ng buhay.
Tunay na Ikaw ang Mapagbigay, ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Pinakamahabagin sa mga mahabagin!
¤
O Diyos! O Diyos! Nakikita Mo na ang maitim na karimlan ay kumukubkob sa lahat ng pook, lahat ng bansa ay nasisilab sa sunog ng kasuwailan at ang apoy ng digmaan at pagpatay ay nagsiklab sa mga silangan ng lupa at mga kanluran niyon. Ang dugo ay nabububo, at ang mga bangkay ay nagratay sa lupa at ang mga pugot na ulo ay nagsibagsakan sa alabok ng larangan ng digmaan.
O Panginoon! Magdalang habag sa mga walang muwang na ito, itunghay sa kanila ang mata ng pagpapaumanhin at pagpapatawad. Subhan ang apoy na ito upang ang mapapanglaw na ulap na nakatakip sa sugpungang guhit ay maikalat; ang Araw ng Katotohanan ay makasikat na taglay ang mga sinag ng pagkakasundo; ang karimlang ito ay mapunit at lahat ng bansa ay matanglawan ng mga liwanag ng kapayapaan.
O Panginoon! Hanguin sila buhat sa mga kalaliman ng dagat ng pagkamuhi at pakikipag-away, at iligtas sila sa di mapasok na kadilimang ito, pagkaisahin ang kanilang mga puso at liwanagan ang kanilang mga mata sa pamamagitan ng ilaw ng kapayapaan at pagkakasundo.
O Panginoon! Iligtas sila buhat sa mga kalaliman ng digmaan at pagdanak ng dugo, at palayain sila buhat sa dilim ng pagkakamali, punitin ang lambong sa kanilang mga mata, paningningin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng liwanag ng pamamatnubay, pakitunguhan sila sa pamamagitan ng Iyong masuyong habag at pakikiramay, at sila’y huwag pakitunguhan ayon sa Iyong katarungan at galit na pinangatal ang mga kamay at paa ng mga makapangyarihan!
O Panginoon! Tunay na ang mga digmaan ay tumagal, ang mga kapahamakan ay dumami, at bawa’t gusali ay naguho.
O Panginoon! tunay na ang mga dibdib ay balisa at ang mga kaluluwa ay namimilipit sa sakit. Mahabag sa mga kaawa-awang mga kaluluwa na ito at huwag silang pabayaan sa mga kalabisan ng kanilang sariling mga kagustuhan!
O Panginoon! Gawaing hayag sa Iyong mga bansa ang mapagkumbaba at mapagpahinuhod na mga kaluluwa, ang kanilang mga mukha ay naliliwanagan ng mga sinag ng pamamatnubay, hiwalay sa daigdig, dinadakila ang Iyong Pangalan, bumibigkas ng Iyong papuri, at nagpapalaganap ng Iyong mga banal na kabanguhan sa sangkatauhan!
O Panginoon! Palakasin ang kanilang mga likod, palakasin ang kanilang mga balakang at papintigin ang kanilang mga puso sa mga tanda ng Iyong pinakadakilang pagibig.
O Panginoon! Tunay na sila’y mahina at Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan; at sila’y walang kakayahan at Ikaw ang Tumutulong at ang Mahabagin!
O Panginoon! Tunay na ang dagat ng pagsalansang ay umaalon nang mataas at ang mga unos na ito ay hindi mapapayapa liban sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang biyaya na sumasaklaw sa lahat ng mga dako!
O Panginoon! Tunay na ang mga tao ay nasa malalim na bangin ng pagnanasa at walang makapagliligtas sa kanila liban sa Iyong walang hanggang mga pagpapala.
O Panginoon! Pawiin ang mga karimlan nitong balakyot na mga hangarin at liwanagan ang mga puso ng tanglaw ng Iyong pag-ibig, na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng mga bansa. Pagtibayin, gayundin, ang Iyong mga minamahal, yaon na lumisan sa kanilang mga bansa, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilang mga anak, naglalakbay sa mga banyagang lupa nang dahil sa pagibig sa Iyong kagandahan, sa pagkakalat ng Iyong mga kabanguhan, at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo. Ikaw ang maging kasama nila sa kanilang pangungulila, katulong nila sa isang banyagang lupa, tagapawi ng kanilang kalungkutan, kanilang taga-aliw sa kalamidad. Ikaw ay maging tagatighaw ng kanilang pagkauhaw, tagapagpagaling ng kanilang karamdaman at pang-alo ng apoy ng kanilang paghahangad.
Tunay na Ikaw ang Pinaka Bukas Palad, ang Panginoon ng Masaganang Biyaya, at tunay na Ikaw ang Madamayin at ang Mahabagin.
¤
O Ikaw na maawaing Panginoon! Purihin Ka sa pagpapakita Mo sa amin ng malawak na daan ng pamamatnubay, sa pagbubukas sa mga pinto ng Kaharian at sa pagpapahayag ng Iyong sarili sa pamamagitan ng Araw ng Katotohanan. Sa bulag ay nagkaloob Ka ng paningin; sa bingi ay nagbigay Ka ng pandinig; muli Mong binuhay ang patay; pinayaman Mo ang mahirap; ipinakita Mo ang daan sa mga naligaw; inakay Mo yaong may mga tigang na labi tungo sa bukal ng pamamatnubay; pinahintulutan Mong ang nauuhaw na isda ay makarating sa karagatan ng katotohanan at inanyayahan Mo ang nagsisigalang ibon sa halamanan ng rosas ng biyaya.
O Ikaw na Makapangyarihan sa Lahat! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod at Iyong mga dukha! Kami ay malayo at nagnanais na makasama Ka; kami’y nauuhaw sa tubig ng Iyong bukal; kami’y may sakit, nagnanais ng Iyong pagpapagaling. Kami’y lumalakad sa Iyong landas at walang layunin o pag-asa kundi ang maikalat ang Iyong mga kabanguhan upang ang mga kaluluwa ay isigaw ang: “O Diyos! Akayin kami sa tuwid na landas!” Nawa’y buksan nila ang kanilang mga mata sa pagmalas sa mga liwanag at maging malaya sila sa karimlan ng kamangmangan! Nawa’y lumakad silang palibot sa ilaw ng pamamatnubay! Nawa’y ang bawa’t walang bahagi ay tumanggap ng isang bahagi. Nawa’y ang mga pinagkaitan ay maging mga katapatang-lihim ng Iyong mga hiwaga!
O Makapangyarihan sa Lahat! Itunghay sa amin ang sulyap ng kahabagan! Pagkalooban kami ng makalangit na pagpapatibay! Ipagkaloob sa amin ang mga hininga ng banal na Espiritu, upang matulungan kami sa paglilingkod sa Iyo at tulad ng maningning na mga bituin ay sumikat kami sa mga pook na yaon sa liwanag ng Iyong pamamatnubay. Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, at Ikaw ang Madunong at ang Nakakikita!