Mga Dalanging Bahá’í - Ikalawang Bahagi

Katipunan ng mga Piling Dalangin na ipinahayag nina Bahá’u’lláh, ang Báb at ‘Abdu’l-Bahá

“Pinagpala ang lugar, at ang tahanan, at ang pook, at ang lunsod, at ang puso, at ang kabundukan, at ang kanlungan, at ang yungib, at ang kalambakan, at ang lupa, at ang dagat, at ang pulo, at ang parang na ang Diyos ay binanggit at ang Kanyang kapurihan ay niluwalhati” -- Bahá’u’lláh

© 2008 by the National Spiritual Assembly of the Bahá’ís of the Philippines, Inc. All Rights Reserved

Mga Nilalaman

MGA DALANGING PANGKALAHATANG GAMIT

PARA SA NATATANGING MGA PANAHON AT PANGANGAILANGAN


MGA DALANGING PANGKALAHATANG GAMIT

PAGTUTURO

O Ikaw na maawaing Panginoon! Purihin Ka sa pagpapakita Mo sa amin ng malawak na daan ng pamamatnubay, sa pagbubukas sa mga pinto ng Kaharian at sa pagpapahayag ng Iyong sarili sa pamamagitan ng Araw ng Katotohanan. Sa bulag ay nagkaloob Ka ng paningin; sa bingi ay nagbigay Ka ng pandinig; muli Mong binuhay ang patay; pinayaman Mo ang mahirap; ipinakita Mo ang daan sa mga naligaw; inakay Mo yaong may mga tigang na labi tungo sa bukal ng pamamatnubay; pinahintulutan Mong ang nauuhaw na isda ay makarating sa karagatan ng katotohanan at inanyayahan Mo ang nagsisigalang ibon sa halamanan ng rosas ng biyaya.

O Ikaw na Makapangyarihan sa Lahat! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod at Iyong mga dukha! Kami ay malayo at nagnanais na makasama Ka; kami’y nauuhaw sa tubig ng Iyong bukal; kami’y may sakit, nagnanais ng Iyong pagpapagaling. Kami’y lumalakad sa Iyong landas at walang layunin o pag-asa kundi ang maikalat ang Iyong mga kabanguhan upang ang mga kaluluwa ay isigaw ang: “O Diyos! Akayin kami sa tuwid na landas!” Nawa’y buksan nila ang kanilang mga mata sa pagmalas sa mga liwanag at maging malaya sila sa karimlan ng kamangmangan! Nawa’y lumakad silang palibot sa ilaw ng pamamatnubay! Nawa’y ang bawa’t walang bahagi ay tumanggap ng isang bahagi. Nawa’y ang mga pinagkaitan ay maging mga katapatang-lihim ng Iyong mga hiwaga!

O Makapangyarihan sa Lahat! Itunghay sa amin ang sulyap ng kahabagan! Pagkalooban kami ng makalangit na pagpapatibay! Ipagkaloob sa amin ang mga hininga ng banal na Espiritu, upang matulungan kami sa paglilingkod sa Iyo at tulad ng maningning na mga bituin ay sumikat kami sa mga pook na yaon sa liwanag ng Iyong pamamatnubay. Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, at Ikaw ang Madunong at ang Nakakikita! ‘Abdu’l-Bahá

¤

O aking Diyos! O aking Diyos! Nakikita Mo ako sa aking kababaan at kahinaan, na abala sa pinakadakilang gawain, nagtitikang itaas ang Iyong salita sa mga karamihan at ikalat ang Iyong mga turo sa Iyong mga tao. Paano ako magtatagumpay kung hindi Mo ako tutulungan sa pamamagitan ng hininga ng Banal na Espiritu, tulungan akong magtagumpay sa pamamagitan ng mga hukbo ng Iyong maluwalhating kaharian, at paulanin sa akin ang Iyong mga pagpapatibay, na sila lamang ang makapagpapabago ng niknik upang maging isang agila, isang patak ng tubig upang maging mga ilog at mga dagat, at ng isang atomo upang maging mga liwanag at mga araw? O aking Panginoon! Tulungan ako sa pamamagitan ng Iyong matagumpay at mabisang lakas, nang sa gayon ang dila ko ay bumigkas ng Iyong mga papuri at mga katangian sa lahat ng mga tao at ang kaluluwa ko ay umapaw sa alak ng Iyong pag-ibig at kaalaman.

Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat at ang Gumagawa ng anumang ninanais Mo.‘Abdu’l-Bahá

¤

O Panginoon, aking Diyos! Ang papuri at pasasalamat ay suma Iyo dahil sa pinamatnubayan Mo ako sa malawak na daan ng Kaharian, pinahintulutan akong lumakad sa tuwid at mahabang landas na ito, niliwanagan ang aking mata sa pagkamalas ng mga karingalan ng Iyong liwanag, hinayaan akong makinig sa mga awitin ng mga ibon ng kabanalan buhat sa Kaharian ng mga Hiwaga at inakit ang aking puso sa Iyong Pag-ibig sa piling ng mga nasa katuwiran.

O Panginoon! Pagtibayin ako sa Banal na Espiritu, upang makatawag ako sa Iyong Pangalan sa mga bansa at makapagbigay ng masasayang balita ng paghahayag ng Iyong Kaharian sa palibot ng mga tao.

O Panginoon! Ako ay mahina, palakasin ako ng Iyong lakas at kakayahan. Ang aking dila ay nauumid, pahintulutang mausal ko ang paggunita at pagpuri sa Iyo. Ako ay aba, parangalan ako sa pamamagitan ng pagpasok sa Iyong Kaharian. Ako ay nalalayo, hayaang makalapit ako sa pintuan ng Iyong pagkamahabagin. O Panginoon! Gawain akong isang makinang na ilawan at isang maningning na bituin at isang pinagpalang punong kahoy, napapalamutian ng mga bunga, ang mga sanga ay nakalilim sa lahat ng pook! Tunay, Ikaw ang Makapangyarihan, ang Malakas at ang Di-mapipigilan! ‘Abdu’l-Bahá

¤

O Diyos, O Diyos! Ito ay isang ibong may baling bagwis at ang kanyang paglipad ay napakabagal — tulungan siya upang makalipad tungo sa tugatog ng kasaganaan at pagkaligtas, bigyang bagwis siya sa kanyang landas na lakip ang pinakasukdulang tuwa at kaligayahan sa walang hangganang kalawakan, itaas ang kanyang awitin sa Iyong Kataastaasang Pangalan sa lahat ng pook, pasiglahin ang mga tainga sa tawag na ito, at paningningin ang mga mata sa pagkamalas sa mga tanda ng pamamatnubay!

O Panginoon! Ako’y walang kasama, nag-iisa at aba. Para sa akin, walang gabay kundi Ikaw, walang katulong liban sa Iyo at walang tagapagtaguyod kundi Ikaw. Pagtibayin ako sa paglilingkod sa Iyo, tulungan ako sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, pagtagumpayin ako sa pagpapalaganap ng Iyong Salita at itulot na maisaysay ko ang Iyong kadunungan sa Iyong mga nilalang. Tunay, Ikaw ang tagapagkupkop ng mga dukha at tagapagtanggol ng mga mumunti, at tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at ang Di-mapipigilan!‘Abdu’l-Bahá

¤

Luwalhatiin Ka, O aking Diyos! Ito ay Iyong mga tagapaglingkod, na naakit ng mga kabanguhan ng Iyong pagkamahabagin, pinagningas ng apoy na naglalagablab sa punong kahoy ng Iyong pagiging nag-iisa at ang kanilang mga mata ay pinakinang ng pagkamalas sa kaluningningan ng liwanag na kumikislap sa Sinai ng Iyong pagkaisa!

O Panginoon! Pakawalan ang kanilang mga dila sa paggunita sa Iyo sa nakapalibot na Iyong mga tao; tulutang maisaysay nila ang Iyong kapurihan sa pamamagitan ng Iyong pagtatangkilik at biyaya, tulungan sila sa pamamagitan ng mga pangkat ng Iyong mga anghel, palakasin ang kanilang mga balakang sa paglilingkod sa Iyo at gawain silang mga tanda ng Iyong pamamatnubay sa Iyong mga nilalang!

Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Maluwalhati, ang Tagapagpatawad at ang Mahabagin!‘Abdu’l-Bahá

¤

O Diyos, aking Diyos! Nakikita Mo ang mahinang ito na namamalimos ng makalangit na lakas sa Iyong Kaharian! Ang dukhang ito na humihiling ng mga kayamanan sa Iyong langit! Ang nauuhaw na ito na nagnanais ng bukal ng walang hanggang buhay! Ang maysakit na ito na nananabik sa Iyong ipinangakong pagpapagaling sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang kahabagan, na itinalaga Mo para sa Iyong mga piling tagapaglingkod sa Iyong Kataas-taasang Kaharian.

O Panginoon! Wala akong ibang katulong liban sa Iyo, walang kanlungan liban sa Iyo at walang ibang tagapagtaguyod maliban sa Iyo. Tulungan Mo ako sa pamamagitan ng Iyong mga anghel sa pagkakalat ng Iyong mga banal na kabanguhan at sa pagpapalaganap ng Iyong mga turo sa pinakapili sa Iyong mga tao!

O aking Panginoon! Tulutang makakalas ako sa anuman liban sa Iyo, makapangapit nang mahigpit sa laylayan ng Iyong biyaya; gawain akong matapat sa Iyong pananampalataya, matatag sa Iyong pag-ibig at namumuhay nang alinsunod sa iniutos Mo sa Iyong Aklat.

Tunay, Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan at Pinakamabisa. ‘Abdu’l-Bahá

¤

MGA PAMILYA

O Panginoon! Sa Pinakadakilang Dispensasyon na ito ay tinatanggap Mo na mamagitan ang mga anak sa ngalan ng kanilang mga magulang. Ito ay isa sa mga natatanging walang hanggang mga kaloob sa Dispensasyon na ito. Samakatwid, O Ikaw na mabuting Panginoon, tanggapin ang kahilingan nitong Iyong tagapaglingkod sa bungad ng Iyong kaisahan at itubog ang kanyang ama sa dagat ng Iyong pagpapala, sapagka’t ang anak na ito ay bumangon na upang maglingkod sa Iyo at nagsisikap sa lahat ng pagkakataon sa landas ng Iyong pagmamahal. Sa katunayan, Ikaw ang Nagbibigay, ang Nagpapatawad at ang Mabuti!‘Abdu’l-Bahá

O Diyos, aking Diyos! Itong Iyong babaeng naglilingkod ay tumatawag sa Iyo, nagtitiwala sa Iyo, nagbabaling ng kanyang mukha sa Iyo, nagsusumamo sa Iyo na padaluyin ang makalangit na biyaya sa kanya, at ihayag sa kanya ang Iyong mga espiritwal na himala, at ipaabot sa kanya ang mga liwanag ng Iyong pagka-Diyos.

O aking Panginoon! Gawaing makakita ang mga mata ng aking asawa. Pasayahin ang kanyang puso sa pamamagitan ng liwanag ng kaalaman tungkol sa Iyo, ibaling Mo ang kanyang isip sa maningning Mong kagandahan, pasiglahin Mo ang kanyang espiritu sa pamamagitan ng pagpapahayag sa kanya ng Iyong lantad na mga kaluwalhatian.

O aking Panginoon! Pawiin Mo ang lambong ng kanyang paningin. Paulanin Mo ang masaganang pagpapala sa kanya, langohin siya ng alak ng pagmamahal sa Iyo, gawain siyang isa sa Iyong mga anghel na ang mga paa ay lumalakad sa daigdig na ito habang ang kanilang mga kaluluwa ay pumapailanlang sa matataas ng mga kalangitan. Tulutan siyang maging kumikislap na lampara, nagniningning na liwanag ng Iyong dunong habang nasa kalagitnaan ng Iyong mga tao.

Sa katunayan, Ikaw ang Minimithi, ang Laging-Nagbibigay, ang Bukas ang Kamay.‘Abdu’l-Bahá

¤

Aking Panginoon! Aking Panginoon! Pinupuri Kita at pinasasalamatan Kita para doon sa mga bagay na pinagkaloob Mo sa Iyong mapagkumbabang kawaksing babae, ang Iyong tagapaglingkod na nagsusumamo at nagmamakaawa sa Iyo, sapagka’t sa katunayan ay inakay Mo siya sa Iyong malinaw na Kaharian at itinulot Mong marinig niya ang Iyong kataas-taasang Tawag sa lumilipas na mundong ito at upang mamalas niya ang Iyong mga Tanda na nagpapatunay sa pagdating ng Iyong matagumpay na pamamahala sa lahat ng mga bagay.

O aking Panginoon, inihahandog ko ang nasa aking sinapupunan sa Iyo. Kung gayon ay gawain siyang kapuri-puring bata sa Iyong Kaharian at isang mapalad sa pamamagitan ng Iyong biyaya at sa Iyong kagandahang-loob; upang umunlad at lumaki sa ilalim ng pamamatnubay ng Iyong pagtuturo. Sa katunayan, Ikaw ang Mapagpala! Sa katunayan, Ikaw ang Panginoon ng Dakilang- Biyaya.‘Abdu’l-Bahá

¤

PANGANGALAGA

O Diyos, aking Diyos! Ako ay lumabas buhat sa aking tahanan, na nakahawak nang mahigpit sa kuldon ng Iyong pag-ibig, at inilaan kong ganap ang aking sarili sa Iyong pag-iingat at sa Iyong pagtatanggol. Isinasamo ko sa Iyo, sa Iyong kapangyarihang ginamit Mo sa pagtatanggol sa Iyong mga minamahal laban sa nangaligaw at masasama, at sa bawa’t mapaghimagsik na manlulupig, at sa bawa’t nagsisigawa ng masama na nagsilayo sa Iyo, na ingatan akong ligtas sa pamamagitan ng Iyong pagpapala at ng Iyong biyaya. Loobin Mong makauwi ako sa aking tahanan sa pamamagitan ng Iyong lakas at kapangyarihan. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling Ganap. Bahá’u’lláh

¤

PAPURI AT PASASALAMAT

Lahat ng papuri, O aking Diyos ay suma Iyo nawa, Ikaw na Pinagmumulan ng lahat ng kaluwalhatian at kamahalan, ng kadakilaan at karangalan, ng paghahari at pamumuno, ng kataasan at biyaya, ng pagkamangha at kapangyarihan. Sinumang marapatin Mo ay niloloob Mong mapalapit sa Pinakadakilang Karagatan at sinumang naisin Mo ay pinagkalooban Mo ng karangalang makilala ang Iyong Lubhang Napakatandang Pangalan. Sa lahat ng nasa langit at lupa, walang sinumang makatututol sa pagsasakatuparan ng Iyong makapangyarihang Kalooban. Buhat sa lahat ng walang hanggan ay pinamahalaan Mo ang buong santinakpan, at magpakailan man ay magpapatuloy Kang mamahala sa lahat ng kinapal. Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang PinakaMaluwalhati, ang Malakas sa Lahat, and Marunong sa Lahat.

Tanglawan, O Panginoon, ang mga mukha ng Iyong mga tagapaglingkod, upang mamalas Ka nila; at linisin ang kanilang mga puso upang sila’y manumbalik sa liwasan ng Iyong mga panlangit na pagtatangkilik, at makilala nila Siya na Kapahayagan ng Iyong Sarili at Araw Bukal ng Iyong Diwa. Tunay na Ikaw ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Di-napipigilan, ang Nakasasakop sa Lahat.Bahá’u’lláh

¤

SANGKATAUHAN

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Nilalang Mo ang lahat ng sangkatauhan buhat sa iisang pinagmulan. Nilalayon Mong lahat ay mabilang sa iisang sambahayan. Sa Iyong Banal na Harapan, silang lahat ay Iyong mga tagapaglingkod at lahat ng sangkatauhan ay sumisilong sa lilim ng Iyong Tabernakulo; lahat ay naiipon sa Iyong hapag ng pagpapala at nagniningning sa liwanag ng Iyong pagkukupkop.

O Diyos! Ikaw ay mahabagin sa lahat, pinagkalooban Mo ang lahat, nililiman Mo ang lahat, binigyan Mo ng buhay ang lahat. Lahat ay binibigyan Mo ng talino at kakayahan; lahat ay nakalubog sa karagatan ng Iyong kaawaan.

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Pagkaisahin ang lahat. Hayaang magkasundo ang lahat ng pananampalataya, at gawaing iisa ang mga bansa upang makita nila ang isa’t-isa bilang iisang pamilya at ang buong daigdig ay iisang tahanan. Nawa’y mamuhay silang lahat nang sama-sama sa ganap na pagkakasunduan.

O Diyos! Itaas ang bandila ng pagiging isa ng sangkatauhan.

O Diyos! Itatag ang Pinakadakilang Kapayapaan.

Pagdikitin ang mga puso, O Diyos!

O Ikaw na mahabaging Ama, Diyos! Pasiglahin ang mga puso sa pamamagitan ng pabango ng Iyong pag-ibig. Paliwanagin ang mga mata sa pamamagitan ng tanglaw ng Iyong pamamatnubay. Pasayahin ang pandinig sa pamamagitan ng mga awit na Iyong Salita at kupkupin kami sa yungib ng Iyong pagpapala.

Ikaw ang Makapangyarihan at Malakas! Ikaw ang Mapagpatawad at Ikaw Siya na hindi pumapansin sa mga pagkukulang ng sangkatauhan. ‘Abdu’l-Bahá

¤

UMAGA

Nagising ako sa Iyong kanlungan, O aking Diyos, at marapat sa kanyang naghahanap ng kanlungan na ito na manahan sa loob na Santuwaryo ng Iyong pangangalaga at sa Kuta ng Iyong pagtatanggol. Tanglawan ang aking panloob na sarili, O aking Panginoon, ng mga karingalan ng Araw- Bukal ng Iyong Kapahayagan, gaya rin ng Iyong pagkakatanglaw sa aking panlabas na katauhan sa pamamagitan ng ilaw sa umaga ng Iyong pagtatangkilik.Bahá’u’lláh

¤

PARA SA YUMAO

(Ang Dalangin para sa Yumao ay ginagamit para sa mga Bahá’í na higit sa labinlimang gulang. Ito ay “ang natatanging panalanging Bahá’í na katungkulang bigkasin ng kongregasyon; ito ay dapat usalin ng isang mananampalataya samanta lang ang lahat ng naroroon ay tahimik na nakatayo. Nilinaw ni Bahá’u’lláh na ang Dalangin para sa Yumao ay kailangan lamang kung ang yumao ay nasa hustong gulang, na ang pag- usal ay dapat mauna sa paglilibing ng pumanaw, at hindi kinakailangang humarap sa Qiblih kapag inuusal ang panalanging ito.” — Ang Kitáb- i-Aqdas)

O aking Diyos! Ito ang Iyong tagapaglingkod at anak ng Iyong tagapaglingkod na nanalig sa Iyo at sa Iyong mga palatandaan, at nagbaling ng kanyang mukha sa Iyo, ganap na nakahiwalay sa lahat maliban sa Iyo. Ikaw, sa katunayan ang pinakamahabagin sa lahat ng nagpapakita ng habag.

Pakitunguhan siya, O Ikaw na nagpapatawad sa mga kasalanan ng tao at nagkukubli sa kanilang mga pagkakamali, na nararapat sa kalangitan ng Iyong biyaya at sa karagatan ng Iyong pagpapala. Pahintulutan siyang makahantong sa loob ng Iyong nangingibabaw na habag na naroon bago pa maitatag ang lupa at langit. Walang Diyos maliban sa Iyo, ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka-Bukas-Palad.

Hayaang pagkatapos nito, na ulitin nang anim na beses ang bati na “Alláh-u-abhá”, at pagkatapos ay ulitin ng labinsiyam na beses ang bawa’t isa sa sumu sunod na mga taludtod:

Kaming lahat, sa katunayan, ay sumasamba sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay yumuyuko sa harap ng Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay matapat sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay nagbibigay ng papuri sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos.

Kaming lahat, sa katunayan, ay mapagtiyaga sa Diyos.

(Kung ang yumao ay isang babae, hayaang sabihin niya: Ito ang Iyong tagapaglingkod na babae at anak ng Iyong tagapaglingkod na babae...) Bahá’u’lláh

¤

O aking Diyos! O Ikaw na nagpapatawad O ng mga kasalanan! Tagapagkaloob ng mga handog! Tagapawi ng mga paghihirap!

Tunay, Sumasamo ako sa Iyo na patawarin Mo ang mga pagkakasala ng mga nag-iwan ng pangkatawang saplot at umakyat na sa daigdig ng espiritu.

O aking Panginoon! Padalisayin Mo sila sa kanilang mga pagkakasala, pawiin ang kanilang mga kalungkutan, at palitan ng liwanag ang kanilang karimlan. Loobin Mong makapasok sila sa hardin ng kaligayahan, hugasan Mo sila sa pamamagitan ng pinakadalisay na tubig, at loobin Mong mamalas nila ang Iyong kadakilaan sa pinakamatayog na bundok.‘Abdu’l-Bahá

PARA SA NATATANGING MGA PANAHON AT PANGANGAILANGAN

ANG TABLETA NI AHMAD

“Ang pang araw- araw na mga dalanging ito na katungkulang isagawa, kasama ng ilan pang natutukoy, gaya ng Dalangin sa Pagpapagaling, ang Tableta ni Ahmad, ay pinagkalooban ni Bahá’u’lláh ng isang tanging bisa at kahalagahan, at sama katwid ay dapat na tanggaping gayon at usalin ng mga mananampala taya lakip ang walang alinlangang pananalig at pagtitiwala, na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon sila ng higit na mahigpit na pakikipagkaisa sa Diyos, at higit nilang masusunod ang Kanyang mga batas at mga alituntunin” — Shoghi Effendi

Siya ang Hari, ang Nakababatid ng Lahat, ang Madunong!

Masdan, ang Ruwinsenyor ng Paraiso ay umaawit sa mga sanga ng Punongkahoy ng Kawalang-hanggan, ng mga banal at matatamis na awitin, naghahayag sa mga matatapat ng nakapagpapagalak na mga balita ng pagkalapit ng Diyos, tumatawag sa mga mananampalataya sa banal na Kaisahan patungo sa liwasan ng Pagkamalas ng Magandang- loob, ipinatatalastas sa mga nahiwalay ang balitang inihayag ng Diyos, ang Hari, ang Maluwalhati, ang Walang Kahambing, na namamatnubay sa mga umiibig tungo sa luklukan ng kabanalan at sa maningning na Kagandahang ito.

Tunay na ito ang inihula na Pinakadakilang Kagandahan sa mga Aklat ng mga Tagapagbalita, na sa pamamagitan nito ang katotohanan ay makikilalang bukod sa pagkakamali at ang kawastuan ng bawa’t utos ay masusubok. Tunay na Siya ang Punongkahoy ng Buhay na namumunga ng mga bunga ng Diyos, ang Maluwalhati, ang Malakas, ang Dakila.

O Ahmad! Saksihan mo na tunay na Siya ay Diyos at walang ibang Diyos liban sa Kanya, ang Hari, ang Tagapagtanggol, ang Di- Mapapantayan, ang Makapangyarihan sa Lahat. At saksihan mo na Yaong isinugo Niya sa pangalang ‘Ali1 ay tunay na Isang buhat sa Diyos, na ang utos ay sinusunod nating lahat.

Sabihin: O mga tao, maging masunurin sa mga kautusan ng Diyos, na iniatas sa Bayán ng Maluwalhati, ang Madunong. Tunay na Siya ang Hari ng mga Tagapagbalita at ang Kanyang Aklat ay ang Inang Aklat kung iyo lamang nalalaman.

Sa ganyan inuusal ng Ruwisenyor ang Kanyang tawag sa iyo buhat sa bilangguang ito. Kanya lamang ihahatid ang malinaw na balitang ito. Sinumang naghahangad, hayaang siya’y pumihit mula sa payong ito, at sinumang naghahangad, hayaang piliin niya ang landas tungo sa kanyang Panginoon.

O mga tao, kung inyong itatanggi ang mga taludtod na ito, sa anong patunay naniwala kayo sa Diyos? Sabihin ninyo, O kalipunan ng mga bulaan.

Hindi, saksi Siya na sa Kanyang kamay ay naroroon ang aking kaluluwa, sila ay hindi, at hindi kailanman makagagawa ng ganito, kahima’t magsama-sama silang magtulungan sa isa’t-isa.

O Ahmad! Huwag limutin ang Aking mga pagpapala habang Ako ay nalalayo. Alalahanin ang Aking mga araw sa iyong mga araw, at ang Aking kapighatian at pagkapatapon sa malayong bilangguang ito. At ikaw ay magpakatatag sa Aking pagibig sa paraang ang puso ay hindi matitinag, kahima’t ang mga tabak ng mga kaaway ay ipagtataga sa iyo at lahat ng langit at ng lupa ay magbangon laban sa Iyo.

Maging tulad ka ng ningas ng apoy sa Aking mga kaaway at ilog ng walang hanggang buhay sa Aking mga minamahal, at huwag kang maging gaya ng nagsisipag-alinlangan.

At kung ikaw ay sapitin ng salaghati sa Aking landas, o pagkaaba alang-alang sa Akin, huwag kang mabagabag nito.

Manangan sa Diyos, ang iyong Diyos, at Panginoon ng iyong mga magulang. Sapagka’t ang mga tao ay nagsisigala sa mga landas ng maling akala, walang kapasiyahan upang makita ng kanilang sariling mga mata ang Diyos, o marinig ng kanilang sariling mga tainga ang Kanyang Awitin. Sa gayon ay natagpuan Namin sila, gaya ng nasasaksihan mo.

Kung kaya ang kanilang mga pamahiin ay naging mga lambong sa pagitan nila at ng kanilang sariling mga puso at inilayo sila sa landas ng Diyos, ang Maluwalhati, ang Dakila.

Dapat mong matiyak sa iyong sarili na sa katunayan ang siyang tumalikod sa Kagandahang ito ay tunay na tumalikod din sa mga Tagapagbalita ng nakaraan at nagpamalas na kapalaluan sa Diyos buhat sa lahat ng walang-hanggan hanggang sa lahat ng walang-hanggang.

Pag-aralang mabuti ang tabletang ito, O Ahmad. Dalitin ito sa iyong mga araw at huwag mong ilayo ang iyong sarili rito. Sapagka’t tunay na iniatas ng Diyos para sa dumadalit nito ang gantimpala ng sandaang martir at ang paglilingkod sa kapwa daigdig. Ang mga pagtatanging ito ay ipinagkaloob Namin sa iyo bilang pagpapala sa Aming bahagi at habag buhat sa Aming kinaroroonan, nang upang ikaw ay mabilang sa mga nagpapasalamat.

Saksi ang Diyos! Kung ang sinumang may salaghati o dalamhati ay babasa sa Tabletang ito nang buong katapatan, papawiin ng Diyos ang kanyang kalungkutan, lulutasin ang kanyang mga paghihirap at aalisin ang kanyang mga salaghati. Tunay, Siya ang Mahabagin, ang Maawain. Luwalhatiin ang Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig. Bahá’u’lláh

¤

PANINGIT NA MGA ARAW

Ang Paningit na mga Araw, Pebrero 26 hanggang Marso 1, ay mga araw ng paghahanda para sa Pag-aayuno, mga araw ng magiliw na pagtanggap sa mga panauhin, pagkakawang gawa at pagbibigay ng mga handog.

Aking Diyos, aking Apoy at aking Liwanag! Ang mga araw na pinangalanan Mong Ayyám-i Há sa Iyong Aklat ay nagsimula na, O Ikaw na Hari ng mga pangalan, at ang pag-aayunong iniatas ng Iyong pinakamaluwalhating Panulat sa lahat ng nasa kaharian ng Iyong santinakpan na kanilang ipangilin ay dumarating na. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa mga araw na ito at sa lahat na sa panahong ito ay nangapit sa kuldon ng Iyong mga kautusan at humawak sa ugit ng Iyong mga alituntunin, na loobing bawa’t kaluluwa ay mabigyan ng isang lugar sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at ng isang luklukan sa kapahayagan ng mga karilagan ng liwanag ng Iyong kaanyuhan.

Ang mga ito, O aking Panginoon, ay mga tagapaglingkod Mo na hindi nailayo ng masasamang hilig doon sa pinapanaog Mo sa Iyong Aklat. Iniyuko nila ang kanilang mga sarili sa harap ng Iyong Kapakanan, at tinanggap nila ang Iyong Aklat nang may pagtitika na alalaon baga’y galing sa Iyo, ginawa nila ang iniatas Mo sa kanila, at pinili nilang sundin yaong pinapanaog Mo.

Nakikita Mo, O aking Panginoon, kung paano nila kinilala at isinaysay ang anumang ipinahayag Mo sa Iyong mga Kasulatan. Tulutan Mo silang makainom, O aking Panginoon, sa mga kamay ng Iyong pagbibigay-biyaya ng mga tubig ng Iyong kawalang-hanggan. Isulat, kung gayon, para sa kanila ang bigay-palang iniatas sa mga nagsipagtubog ng sarili sa karagatan ng Iyong harapan, at nakaabot sa piling alak ng pakikipagtagpo sa Iyo.

Isinasamo ko sa Iyo, O Ikaw na Hari ng mga Hari at Mahabagin sa mga api, na iatas para sa kanila ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Isulat din para sa kanila yaong hindi natuklasan ng sinuman sa Iyong mga nilalang at ibilang sila sa mga nakapaligid sa Iyo at nagsisikilos na palibot sa Iyong trono sa bawa’t daigdig ng Iyong mga daigdig.

Ikaw, tunay, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Nakatatalos ng Lahat. Bahá’u’lláh

¤

ANG PAG-AAYUNO

Sinasabi ng Aqdas: “Inuutusan Namin kayo na manalangin at magayuno mula sa pagsapit sa hustong gulang (15 taon); ito ay iniuutos ng Diyos, ang inyong Panginoon at ang Panginoon ng inyong mga ninuno… Ang manlalakbay, ang may karamdaman, yaong nagdadalantao o nag papasuso, ay hindi nasasaklaw ng Pag-aayuno… Huwag kumain at uminom mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, at mag- ingat na baka ang hangarin ay pagkaitan kayo ng pagpapala na ito na itinakda sa Aklat.”

Ang panahon ng Pag-aayuno ay buhat sa Marso 2 hanggang Marso 20.

Purihin Ka, O Panginoon kong Diyos! Sumasamo ako sa Iyo sa Rebelasyon na ito na naging sanhi ng pagliliwanag ng karimlan, na sa pamamagitan niyon ay naitayo ang Templong Laging Dinadalaw, at naihayag ang Nakasulat na Tableta, at naalisan ng takip ang Rolyong Nakaladlad na ihulog sa akin at sa mga nasa aking piling yaong makatutulot na kami’y pumailanlang sa mga langit ng Iyong nangingibabaw na kaluwalhatian, at makapaghuhugas sa amin ng mantsa ng mga alinlangang nakahahadlang sa mga mapaghinala mula sa pagpasok sa tabernakulo ng Iyong kaisahan.

Ako ay siya, O aking Panginoon, na mahigpit na nakahawak sa kuldon ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at nakapangapit sa laylayan ng Iyong awa at tangkilik. Iatas Mo para sa akin at para sa aking mga mahal ang mabuti ng daigdig na ito at ng daigdig na darating. Pagkalooban sila, kung gayon, ng Tagong Handog na iniatas Mo para sa pinakatatangi sa Iyong mga nilalang.

Ito, O aking Panginoon, ang mga araw na ang Iyong mga tagapaglingkod ay inutusan Mong magsagawa ng pag-aayuno. Pinagpala siyang makapagsasagawa ng pag-aayuno alang-alang sa Iyo at nang may pagwalang-bahala sa lahat ng bagay liban sa Iyo. Tulungan ako at tulungan sila, O aking Panginoon, na makasunod sa Iyo at makapag-ingat sa Iyong mga panuntunan. Tunay na Ikaw ang may kapangyarihang makagawa ng Iyong nais.

Walang Diyos liban sa Iyo, ang Nakababatid ng Lahat, ang Madunong sa Lahat. Lahat ng pagpuri ay nauukol sa Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig.Bahá’u’lláh

¤

NAW-RÚZ

Ang Naw-Rúz, Marso 21, ay ang unang araw ng taon ng Bahá’í.

Purihin ka, O aking Diyos, sa pag-aatas Mo na ang Naw- Rúz ay maging isang kapistahan sa mga nagsasagawa ng pag-aayuno nang dahil sa pag-ibig sa Iyo at nagsilayo sa lahat ng kasuklamsuklam sa Iyo. Loobin, O aking Panginoon na ang apoy ng Iyong pag-ibig at ang init na nalikha ng pag-aayunong iniatas Mo ay makapagparubdob sa kanila sa Iyong Kapakanan, at gawain silang abala sa pagpuri sa Iyo at sa paggunita sa Iyo.

Yamang ginayakan Mo sila, O aking Panginoon, ng palamuti ng Pag-aayuno na iniatas Mo, gayakan mo rin sila ng palamuti ng Iyong pagtanggap sa pamamagitan ng Iyong biyaya at mapagpalang pagtatangkilik. Sapagka’t ang lahat ng gawa ng tao ay nananangan sa Iyong mabuting kasiyahan, at nababatay sa Iyong pag-aatas. Kung siyang naghinto ng pag-aayuno ay ituturing Mo bilang isang nakapagsagawa niyon, ang gayong tao ay ibibilang sa kanila na buhat sa kawalang-hanggan ay nagsasagawa ng pag-aayuno. At kung ipapasya Mo na siyang nagsagawa ng pagaayuno ay pumutol niyon, ang taong ito ay ibibilang sa yaong mga naging sanhi na ang Damit ng Iyong Rebelasyon ay marumihan ng alabok, at inilayo sa kristal na tubig ng buhay na Bukal na ito.

Ikaw Siya na namagitan sa pagkataas ng bandilang “Kapuri-puri Ka sa Iyong mga gawa,” at pagkaladlad ng watawat na “Sinusunod Ka sa Iyong pag-aatas.” Ipabatid Mo ang Iyong katayuang ito, O aking Diyos, sa Iyong mga tagapaglingkod, upang malaman nila na ang kagalingan ng lahat ng bagay ay nasa Iyong pag-aatas at Iyong Salita, at ang kabutihan ng bawa’t kilos ay batay sa Kanyang pahintulot at sa mabuting kasiyahan ng Kanyang kalooban, at nang makilala na ang mga ugit ng mga gawain ng tao ay nasa kamay ng Iyong pagtanggap at Iyong mga utos. Ipabatid Mo ito sa kanila, upang walang anumang makapaglingid sa kanila sa Iyong Kagandahan, sa mga araw na itong ipinahayag ni Kristo: “Lahat ng kaharian ay Iyo, O Ikaw na Nagsilang ng Espiritu1”, at inihayaw ng Iyong Kaibigan2: “Luwalhati sa Iyo, O Ikaw na Pinakaiibig, sapagka’t inalisan Mo ng takip ang Iyong Kagandahan, at isinulat para sa Iyong mga pinili yaong makapagpaparating sa kanila sa luklukan ng kapahayagan ng Iyong Pinakadakilang Pangalan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng tao ay nagsitaghoy maliban sa mga nagsihiwalay ng kanilang mga sarili sa lahat liban sa Iyo, at nagsipagukol ng kanilang sarili tungo sa Kanya na Tagapaghayag ng Iyong Sarili at kahayagan ng Iyong mga katangian.”

Siya na Iyong Sanga at lahat ng Iyong kasama, O aking Panginoon, ay huminto sa araw na ito ng kanilang pag-aayuno pagkaraang maisagawa iyon sa loob ng mga kapaligiran ng Iyong liwasan, at sa kanilang kasabikang mabigyan Ka ng kasiyahan. Iatas Mo para sa Kanya, at para sa kanila, at para sa lahat ng nagsipasok sa Iyong pagkamalas sa mga araw na ito, ang lahat na mabubuting itinakda Mo sa Iyong Aklat. Pagkalooban sila niyong pakikinabangan nila, maging sa buhay na ito at sa kabilang buhay.

Ikaw, sa katotohanan, ang Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.Bahá’u’lláh

¤

ANG TABLETA NG PAGDALAW

Ang Tabletang ito ay binabasa sa mga Dambana ni Bahá’u’lláh at ng Báb. Ito ay malimit ding gamitin sa paggunita sa Kanilang mga anibersaryo.

Ang papuring nagliwayway buhat sa Iyong kamahal-mahalang Sarili, at ang kaluwalhatiang sumikat buhat sa Iyong maningning na Kagandahan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kapahayagan ng Kamaharlikaan, at Hari ng Kawalang-hanggan, at Panginoon ng lahat ng nasa langit at nasa lupa! Pinatutunayan ko na sa pamamagitan Mo ang paghahari ng Diyos at ang Kanyang kaharian, at ang kamaharlikaan, ay nahayag, at ang mga Araw-Bituin ng matandang karilagan ay nagpalaganap ng kanilang ningning sa langit ng Iyong di-mababaling kautusan, at ang Kagandahan ng Di-nakikita ay sumikat sa itaas ng guhit sugpungan ng santinakpan. Higit dito ay pinatutunayan ko na sa isa lamang kilos ng Iyong Panulat ang Iyong utos na “Ikaw ay maging” ay naipatupad, at ang nakatagong Lihim ng Diyos ay naihayag, at lahat ng nilikhang bagay ay tinawag sa pagkabuhay, at lahat ng Kapahayagan ay ipinapanaog.

Higit dito ay pinatutunayan ko na sa pamamagitan ng Iyong kagandahan, ang kagandahan ng Sinasamba ay inalisan ng takip, at sa pamamagitan ng Iyong mukha, ang mukha ng Hinahangad ay sumikat, at sa pamamagitan ng isang salita buhat sa Iyo, nakapamili Ka sa lahat ng mga bagay na nilalang; yaong matatapat sa Iyo ay tinulutan Mong makaakyat sa tuktok ng kaluwalhatian, at ang mga walang pananampalataya ay mahulog sa pinakamalalim na bangin.

Pinatutunayan ko na ang naka kilala sa Iyo ay nakakilala sa Diyos, at ang nakarating sa Iyong harapan ay nakarating sa harapan ng Diyos. Dakila samakatwid, ang pagpapala niya na nanampalataya sa Iyo, at sa Iyong mga tanda, at nagpakababa sa harap ng Iyong kapangyarihan, at naging karangalan ang pakikipagtagpo sa Iyo, at nakaabot sa mabuting kasiyahan ng Iyong kalooban, at nakaligid sa Iyo, at nakatayo sa harap ng Iyong trono. Kapighatian ay mapapasa kanya na sumalansang sa Iyo, at tumanggi sa Iyo, at nagpawalang-saysay sa Iyong mga tanda, at tumutol sa Iyong paghahari, at nagbangon laban sa Iyo at nagpalalo sa harap ng Iyong mukha, at pinakipagtalunan ang Iyong kaharian, at nabilang sa mga walang pananampalataya na ang mga pangalan ay itinitik ng mga daliri ng Iyong utos sa Iyong mga banal na Tableta.

Itulak Mo kung gayon patungo sa akin, O aking Diyos at aking Mahal, buhat sa kanang kamay ng Iyong kahabagan at Iyong mapagmahal na kaawaan, ang mga banal na hininga ng Iyong mga pagtatangkilik, nang upang ako’y mailayo ng mga iyon sa aking sarili at sa daigdig patungo sa mga liwasan ng pagkalapit sa Iyo at pagkaharap sa Iyo. May kakayahan Kang gumawa ng ikinasisiya Mo. Tunay na Ikaw ay nakapangyayari sa lahat ng bagay.

Ang pag-alaala sa Diyos at ang pagpuri sa Kanya at ang kaluwalhatian ng Diyos at ang Kanyang karilagan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kanyang Kagandahan! Saksi ako na ang mata ng santinakpan ay di kailanman nakamalas ng isang pinagkasalahan na tulad Mo. Nakalubog Ka sa lahat ng araw ng Iyong buhay sa karagatan ng mga paghihirap. May isang panahong Ikaw ay nakatanikala; sa isa pang panahon ay pinagbantaan Ka ng mga tabak ng Iyong mga kaaway. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, iniutos Mo sa lahat ng tao na sundin yaong sa Iyo’y iniatas Niya na Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

Ang aking espiritu ay maging hain nawa sa mga kasamaang pinagdusa Mo, at ang aking kaluluwa ay maging panubos nawa sa mga kasawiang-palad na dinanas Mo. Sumasamo ako sa Diyos sa pamamagitan Mo at nila na ang mga mukha ay tinanglawan ng kaluningningan ng liwanag ng Iyong kaanyuan, at sila na sa pag-ibig sa Iyo ay nagsagawa ng lahat ng iniatas sa kanila, na alisin ang mga lambong na nakapagitan sa Iyo at sa Iyong mga nilalang, at dulutan ako ng mabubuting bagay sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Ikaw sa katotohanan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Katas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.

Pagpalain Mo, Panginoon kong Diyos, ang Banal na Punong-Lote at ang mga dahon niyon, at ang mga malalaking sanga niyon at ang mga maliliit na sanga niyon, at ang mga tangkay niyon, at ang mga supang niyon, hangga’t ang Iyong pinakamagagaling na pamagat at ang Iyong kamahal-mahalang mga katangian ay mananatili. Ipag-adya iyon, kung gayon, sa pamiminsala ng mapanunggali at sa mga pangkat ng manlulupig. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas. Pagpalain Mo rin, O Panginoon kong Diyos, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga kawaksing babae na nakarating sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang biyaya ay walang hanggan. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging- Nagpapatawad, ang Pinakamagandang-loob.Bahá’u’lláh

¤

[Ang dalanging ito, na inihayag ni ‘Abdu’l-Bahá, ay binabasa sa Kanyang Dambana. Ginagamit din ito sa pansariling panalangin.]

Sinumang umusal sa dalanging ito nang may kapakumbabaan at kataimtiman ay maghahatid ng galak at tuwa sa puso ng Tagapaglingkod na ito: ito ay magiging tulad na rin ng pakikipagtagpo sa Kanya nang harapan.

Siya ang Maluwalhati sa Lahat! O Diyos, aking Diyos! Mapagkumbaba at may luha, ako ay nagtataas ng aking nagsusumamong mga kamay sa Iyo at nagtatakip ng aking mukha sa alabok ng Pintuan Mong iyan, na higit na dakila kaysa kaalaman ng maalam, at sa papuri ng lahat ng lumuluwalhati sa Iyo. Malingap na itunghay Mo sa Iyong tagapaglingkod na hamak at aba sa Iyong pintuan, ang mga sulyap ng mga mata ng Iyong kahabagan at itubog Mo siya sa Karagatan ng Iyong walang hanggang biyaya.

Panginoon! Siya ay isang dukha at abang tagapaglingkod Mo, na nabighani at nagsusumamo sa Iyo, bihag sa Iyong kamay, mataimtim na dumadalangin sa Iyo, nagtitiwala sa Iyo, lumuluha sa harap ng Iyong mukha, tumatawag sa Iyo, at nagmamakaawa sa Iyo, nagsasabing:

O Panginoon, aking Diyos! Bigyan Mo ako ng Iyong biyaya nang upang makapaglingkod sa Iyong mga minamahal, palakasin ako sa aking paglilingkod sa Iyo, tanglawan ang aking noo ng liwanag ng pagsamba sa Iyong liwasan ng kabanalan, at ng dalangin sa Iyong maharlikang Kaharian. Tulungan Mo akong huwag maging makasarili sa makalangit na bungad ng Iyong pintuan, at tulungan ako na makahiwalay sa lahat ng mga bagay sa loob ng Iyong banal na mga kapaligiran. Panginoon! Painumin Mo ako sa kalis ng di-pagkamakasarili; damtan ako ng damit niyon. At sa karagatan niyon at itubog ako. Gawain akong tulad ng alabok sa linalakaran ng Iyong mga minamahal, at tulutang maihandog ko ang aking kaluluwa para sa lupang pinadakila ng mga bakas ng Iyong mga pinili sa Iyong landas, O Panginoon ng Kaluwalhatian sa Kataas-taasan.

Sa pamamagitan ng dalanging ito ay tumatawag sa Iyo ang tagapaglingkod Mo, sa bukang-liwayway at sa panahon ng magdamag. Bigyan-katuparan ang hangarin ng kanyang puso, O Panginoon. Tanglawan ang kanyang puso, pagalakin ang kanyang dibdib, paningasin ang kanyang tanglaw, nang upang mapaglingkuran niya ang Iyong Kapakanan at ang Iyong mga tagapaglingkod.

Ikaw ang Tagapagkaloob, ang Maawain, ang Pinakamapagpala, ang Mapagbigay-biyaya, ang Mahabagin, ang Madamayin! ‘Abdu’l-Bahá