Bahá’u’lláh


Si Bahá’u’lláh, na ang pangalan ay Mírzá Ḥusayn-‘Alí, ay ipinanganak noong ika-12 ng Nobyembre 1817 sa Ṭihrán, ang punong-lunsod ng Persia. Ang Kanyang ama, si Mírzá Buzurg, ay isang tanyag na maharlikang tao, na may isang mataas na tungkulin sa korte ng hari ng Persia. Mula pa sa murang gulang, nagpakita na si Bahá’u’lláh ng mga tanda ng kadakilaan at nagpamalas ng hindi pangkaraniwang kaalaman at karunungan. Hindi Siya nag-aral sa pangkaraniwang paaralan at tumanggap lamang ng ilang mga turo sa tahanan.

Tungkol sa Kanyang pagkabata, sinabi ni ‘Abdu’l-Bahá na:

Ang Pinagpalang Kaganapan, si Bahá’u’lláh, ay nabibilang sa maharlikang angkan ng Persia. Mula sa Kanyang pinakamaagang pagkabata, Siya ay natatangi sa Kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Ang sabi nila, ‘Ang batang ito ay mayroong hindi pangkaraniwang kapangyarihan.’ Sa karunungan, talino at bilang pinagmumulan ng bagong kaalaman, Siya ay higit na nauuna kaysa sa Kanyang edad at higit na mataas sa Kanyang mga kapaligiran. Lahat ng nakakikilala sa Kanya ay nagugulat sa Kanyang maagang katalinuhan. Naging pangkaraniwan na sabihin nila na, ‘Ang batang ito ay hindi mabubuhay,’ dahilan sa paniniwala ng karamihan na ang mga batang mabilis sumulong ay hindi aabot sa hustong gulang.”1

Sa isang Tableta, si Bahá’u’lláh ang mismong nagsalaysay ng isang kwento mula sa Kanyang pagkabata tungkol sa isang pagkakataon kung kailan dumalo Siya sa pagdiriwang ng kasal ng isa sa Kanyang mga kapatid sa Ṭihrán. Tulad ng kinaugalian noon sa Ṭihrán, idinaos ang isang malaking pagdiriwang na tumagal ng pitong araw at gabi. Sa huling araw, nagkaroon ng isang palabas ng napagagalaw na mga manikà tungkol sa isang bantog na hari bilang pang-aliw sa mga panauhing pandangal. Nakaupo si Bahá’u’lláh sa isang silid sa itaas na mula doon natatanaw ang liwasan na kung saan may isang toldang itinayo para sa palabas.

Sinasabi Niya na nagsimula ang dula sa pagpasok ng ilang maliliit na mga manikà na nagbabalita na ang hari ay dumarating. Sumunod ang ilan pang mga manikà. Ang ilan ay nagwawalis, at ang iba ay nagwiwisik ng tubig bilang paghahanda sa pagdating ng hari. Hindi naglaon, ang tagapagtalastas ng bayan ay pumasok sa eksena at sinabi sa mga tao na magtipon sila upang pakinggan ang hari. Ilang pangkat ng mga manikà ang lumitaw at nagpunta sa kani-kanilang mga lugar. Sa wakas, dumating ang maringal na pagpasok ng hari. Suot ang korona sa kanyang ulo, marahan at may kamaharlikaan siyang lumakad at umupo sa kanyang trono. Ang mga baril ay pinaputok; ang mga trumpeta ay pinatunog, at ang tolda ay napuno ng usok.

Nang mapawi na ang usok, ang hari na nakaupo pa rin sa kanyang trono, ay napapalibutan ng mga ministro, mga prinsipe at mga pinuno ng bansa, na ang lahat ay nakatayo at nakatuon ang kanilang pansin sa kanyang harapan. Sa panahong iyon, ihinarap ang isang magnanakaw sa hari, at iniutos ng hari na pugutan siya ng ulo. Kaagad na isinagawa ng punong-tagapagbitay ang kanyang utos. Pagkatapos ng pagbitay, nakipag-usap ang hari sa kanyang mga ministro at mga pinuno. Biglang dumating ang balita na nagsimula ang isang paghihimagsik sa isa sa mga hanggahan ng kaharian. Agad na nagpapunta ng mga kawal upang sugpuin ang himagsikan. Pagkalipas ng ilang mga minuto, narinig mula sa likuran ang tunog ng mga kanyon, at sinabi sa mga manunuod na ang mga kawal ng hari ay nakikipaglaban sa mga rebelde.

Sa ganoon, nagpatuloy ang dula. Naging palaisipan kay Bahá’u’lláh ang kahulugan ng palabas. Nang matapos na ito at ang kurtina ay ibinaba na, nakita Niya ang isang tao na lumabas mula sa likuran ng tolda na may kahon na naka-ipit sa kanyang braso.

Ano ang kahon na ito?” ang tanong ni Bahá’u’lláh sa kanya, at ano ba ang kahulugan ng palabas?”

Ang lahat ng marangyang gayak,” ang sagot niya, ang hari, ang mga prinsipe, at ang mga ministro, ang kanilang mga karangyaan at kaluwalhatian, ang kanilang lakas at kapangyarihan, ang lahat ng iyong nakita, ang ngayon ay nasa loob ng kahon na ito.”2 Ang mga salitang ito ay nag-iwan ng malalim na impresyon kay Bahá’u’lláh, at sinabi Niya na:

. . . buhat nang araw ng iyon, ang lahat ng mga kagayakan ng daigdig, sa mga mata nitong Kabataan, ay naging katulad ng palabas na iyon. Ang mga ito kailanman ay hindi nagkaroon ni hindi magkakaroon ng anumang halaga, na kahit kasing bigat ng isang butil ng mustasa. . . . Hindi magtatagal itong panlabas na mga gayak, itong tinipong mga kayamanan, itong makalupang mga karangyaan, itong nagsama-samang mga batalyon, itong napakarilag na pananamit, itong mapagmataas at hambog na mga kaluluwa — ang lahat ng mga ito ay mapupunta sa loob ng libingan, tulad ng isinilid sa loob ng kahon na iyon. Sa mga mata ng mga nakauunawa, lahat nitong labanan, pagtatalo at kahambugan ay naging, at laging magiging, tulad ng laro ng mga bata.”3

Isa pang kwento kaugnay sa pagkabata ni Bahá’u’lláh ay tungkol sa isang panaginip ng Kanyang ama na kung saan si Bahá’u’lláh ay nakikitang:

. . . lumalangoy sa isang malawak, na walang hanggang karagatan. Ang katawan Niya ay kumikinang sa tubig nang maningning na nagbibigay-liwanag sa dagat. Sa paligid ng ulo Niya, na maliwanag na nakikita sa ibabaw ng tubig, ay nakasabog, sa lahat ng dako, ang mahaba at maitim na buhok Niya, na nakalutang nang buong sagana sa ibabaw ng mga alon. . . . isang malaking kawan ng mga isda ang nagtipon sa paligid Niya, bawa’t isa ay nakakapit sa bawa’t dulo ng buhok. Nahahalina sa ningning ng mukha Niya, sinusundan nila Siya saan dako man Siya lumangoy. Napakalaki ang kanilang bilang, at kahit na anong higpit ang kanilang pagkapit sa mga hibla ng buhok Niya, wala ni isa mang hibla ng buhok ang waring natanggal sa ulo Niya, o wala kahit na anong pinsala ang nangyari sa katauhan Niya. Malaya at hindi mapigil, Siya ay lumangoy sa ibabaw ng tubig at lahat sila ay sumunod sa Kanya.”4

Nabagabag ng panaginip na ito, nagpatawag ang ama ni Bahá’u’lláh ng isang taong kilala sa kanyang malalim na pang-unawa upang ipaliwanag ang kahulugan ng panaginip. Ang taong ito, na waring binigyang-sigla ng isang pangitain ng kaluwalhatian ni Bahá’u’lláh sa hinaharap, ay nagsabi ng:

Ang walang hanggang karagatan na nakita mo sa iyong panaginip, ay walang iba kundi ang daigdig ng sangkatauhan.

Nang walang katulong at nag-iisa, ang iyong anak ay magtatamo ng ganap na pangingibabaw dito. Anuman ang naisin Niya, ito ay matatamo Niya nang walang sagabal. Walang sinuman ang makapipigil sa paglakad Niya, walang sinuman ang makapipigil sa pagsulong Niya.

Ang malaking kawan ng isda ay nangangahulugan ng kaguluhan na gigisingin Niya sa mga tao at mga kaanak ng daigdig. Sa paligid Niya sila ay magtitipon, at sa Kanya sila ay mangangapit.

Nang nakatitiyak sa hindi nabibigong pangangalaga ng Makapangyarihan sa Lahat, ang kaguluhan na ito ay hindi kailanman makapipinsala sa katauhan Niya, ni hindi manganganib ang kaligtasan Niya sa pag-iisa Niya sa karagatan ng buhay.”5

Ang mga Banal na Kahayagan ay may likas na kaalaman at hindi nangangailangang mag-aral sa mga paaralan at mga pamantasan. Sila ang mga nagtuturo, hindi Sila ang tinuturuan. Sinasabi ni Bahá’u’lláh na:

Ang Pinagkasalaang ito ay hindi namalagi sa anumang paaralan, ni hindi nakilahok sa mga tunggalian ng mga paham. Saksi ang Aking buhay! Hindi sa Aking sariling kagustuhan na pinahayag Ko ang Aking sarili, subali’t ang Diyos, sa Kanyang sariling kagustuhan, ang naghayag sa Akin.”6

Tungkol sa likas na kaalaman ni Bahá’u’lláh, sinasabi ni ‘Abdu’l-Bahá na:

Walang sinuman ang pumasok sa Kanyang harapan na hindi nasindak sa Kanyang kapangyarihan. Ang mga paham na lumapit sa Kanya ay namangha sa Kanyang kaalaman, subali’t hindi Siya kailanman pumasok sa paaralan ni tinuruan ng tao. Ang Kanyang mga kaibigan at ang Kanyang pamilya lahat ay sumasaksi dito, subali’t ang Kanyang mga Turo ay ang kaluluwa ng panahong ito.

Ang araw ay nagmumula sa sarili nito at hindi ito kumukuha ng liwanag buhat sa ibang mga pinagmumulan. Ang mga Banal na Tagapagturo ay may likas na liwanag; Sila ay may kaalaman at pang-unawa sa lahat ng bagay sa sanlibutan; ang lahat ng iba pa sa daigdig ay tumatanggap ng liwanag mula sa Kanila at sa pamamagitan Nila ang mga sining at mga agham ay muling nagkakabuhay sa bawa’t panahon.”7

Habang lumalaki si Bahá’u’lláh, ang mga tanda ng Kanyang kadakilaan ay lalong nagiging hayag. Sa panahon na Siya ay isang kabataan, naging bantog na Siya dahil sa Kanyang matalas na talino, sa Kanyang napakahusay na ugali, sa Kanyang kagandahang-loob at pagiging madamayin. Siya ay may kakayahang lutasin ang pinakamahirap na mga suliranin at sagutin ang pinakamasalimuot at malalalim na mga tanong. Sa kabila ng Kanyang hindi pangkaraniwang mga kapangyarihan, Siya kailanman ay hindi naghangad ng tungkulin o kabantugan. Nang sumakabilang-buhay ang Kanyang ama, si Bahá’u’lláh ay inanyayahang sumunod sa kanyang mga yapak at manungkulan sa kanyang tungkulin sa korte ng hari. Nguni’t tinanggihan Niya ito. Hindi Niya inalintana ang mga titulo at mga karangalan ng daigdig na ito. Ang Kanyang interes ay nasa pagtatanggol ng mahihirap at sa pangangalaga sa mga maralita. Sa gulang ng labing-walo, ikinasal si Bahá’u’lláh kay Ásíyih Khánum at ang kanilang tahanan ay naging isang kanlungan sa lahat. Walang sinuman ay pinagkaitan ng kanilang kagandahang-loob.

Dalawampu’t-pitong gulang si Bahá’u’lláh nang ipahayag ng Báb ang Kanyang Misyon kay Mullá Ḥusayn sa Shíráz noong ika-23 ng Mayo 1844. Halos tatlong buwan pa lamang pagkalipas ng makasaysayang pangyayari na ito nang tumanggap si Bahá’u’lláh ng isang nakabalumbong liham o pergamino mula sa Báb na naglalaman ng ilan sa Kanyang mga Kasulatan. Agad Siyang sumaksi sa katotohanan ng Rebelasyon ng Báb at bumangon upang itaguyod ang Kanyang mga Turo. Ang kasaysayan ng pagtanggap ni Bahá’u’lláh ng pergamino na iyon ay ang sumusunod.

Hindi nagtagal matapos hirangin ng Báb ang Kanyang mga piniling disipulo, ang labing-walong Titik ng Nabubuhay, tinawag Niya sila sa Kanyang harapan at inatasan silang humayo at ituro ang Kanyang Pananampalataya. Binigyan Niya ang bawa’t isa ng tanging gawain, itinalaga sa ilan sa kanila ang kani-kanilang sariling mga lalawigan bilang larangan ng kanilang mga pagpupunyagi. Mula sa labing-walong pinagpalang kaluluwa, pinili si Quddús upang sumama sa Kanya sa Kanyang peregrinasyon sa Mecca, na kung saan ipapahayag Niya ang Kanyang Misyon.

Kay Mullá Ḥusayn, ang unang naniwala sa Kanya, sinabi Niya ang mga salitang ito: Huwag malumbay na hindi ikaw ang napili upang sumama sa Akin sa Aking peregrinasyon sa Hijáz. Sa halip ay ituturo Ko ang iyong mga hakbang doon sa lunsod na iyon na nagdadambana sa isang Hiwaga na ang nangingibabaw na kabanalan ay hindi maaasahang maagaw ng Hijáz o ng Shíráz.”8

Binigyan Niya si Mullá Ḥusayn ng isang pergamino at inatasan siya na magtungo sa Ṭihrán. Sinabi Niya na sumamo siya sa Diyos upang siya ay mabigyan ng kakayahang makilala ang karingalan ng lihim na nakatago sa lunsod na iyon at marating ang harapan ng Minamahal.

Nagsimula si Mullá Ḥusayn sa kanyang misyon at pagkatapos dumaan sa ilang mga lunsod, dumating siya sa Ṭihrán. Doon ay nanuluyan siya sa isang seminaryo at doon ay mayroon siyang sariling silid. Ang isa sa una niyang ginawa ay ipahayag ang Kalatas ng Báb sa pinuno ng seminaryo, na itinatwa ito nang buong pagmamataas.

Subali’t narinig ng isang kabataang mag-aaral sa seminaryo ang kanilang usapan at labis siyang napukaw ng mga salita ni Mullá Ḥusayn. Ipinasiya niyang dalawin si Mullá Ḥusayn sa oras ng hating-gabi at alamin pa ang tungkol sa Kalatas na ipinahayag niya nang may ganoong sigla. Tinanggap ni Mullá Ḥusayn ang kabataan at kinausap siya nang may malaking paggalang at kabaitan. Sinabi niya sa kanya na naunawaan na niya ang dahilan kung bakit siya nagpunta sa lugar na iyon. Buong-paghamak na tinanggihan ng pinuno ng seminaryo ang Kalatas na taglay niya.

Umaasa ako,” ang wika ni Mullá Ḥusayn, na ang kanyang tinuturuan, hindi katulad ng kanyang guro, ay makikilala ang katotohanan nito.”9 Sa kanilang pag-uusap, tinanong ni Mullá Ḥusayn ang mag-aaral kung taga-saan siya. Sumagot siya na siya ay galing sa distrito ng Núr, sa lalawigan ng Mázindarán.

Sabihin mo sa akin,” itinanong ni Mullá Ḥusayn, mayroon ba ngayon sa pamilya ng yumaong Mírzá Buzurg-i-Núrí, na kilalang-kilala dahilan sa kanyang mabuting kaugalian, sa kanyang panghalina, at masining at matalinong kakayahan, ang sinumang napatunayan ang kanyang sarili na may kakayahang mapanatili ang mataas na mga kaugalian ng bantog na tahanang iyon?”10

Oo,” tugon niya, sa kanyang mga anak na nabubuhay ngayon, ang isa ay itinangi ang Kanyang sarili sa mga katangian ring iyon na ikinabantog ng Kanyang ama. Sa pamamagitan ng Kanyang banal na buhay, ng Kanyang matataas na kakayahan, ng Kanyang mapagkandiling pagmamahal at pagkamatulungin, pinatunayan Niya ang sarili Niya na isang dakilang anak ng isang dakilang ama.”

Ano ang ginagawa Niya?” tanong ko sa kanya.

Pinasasaya Niya ang nalulumbay at pinakakain ang nagugutom,” tugon niya.

Ano ang katayuan Niya at ang katungkulan Niya?”

Siya ay walang katungkulan,” sagot niya, maliban sa kaibiganin ang mga dukha at dayuhan.”

Ano ang pangalan Niya?”

Ḥusayn ‘Alí.”11

Sa bawa’t sagot, si Mullá Ḥusayn ay lalong napuno ng tuwa. “Paano Niya ginugugol ang mga oras Niya?”

Siya ay naglilibot sa kagubatan at nalulugod sa mga kagandahan ng kabukiran.”

Ilang taon na Siya?”

Dalawampu’t-walo.”

Ang mukha ni Mullá Ḥusayn ay kumikinang sa kasiyahan at galak noong kanyang tinanong ito: “May palagay ako na Siya ay madalas mong makita?”

Madalas akong dumalaw sa tahanan Niya,” ang tugon niya.

Maaari bang ibigay mo mismo sa Kanyang mga kamay ang isang ipinagkatiwala sa akin?”

Ikaw ay ganap na makatitiyak,” ang kanyang sagot. Ibinigay ni Mullá Ḥusayn sa kanya ang isang pergamino na nakabalot sa isang pirasong tela, at hiniling sa kanya na ibigay ito kay Bahá’u’lláh kinabukasan sa oras ng bukang-liwayway.

Kung mamarapatin Niya na sagutin ako, sa kagandahang-loob mo, maaari bang sabihin sa akin ang tugon Niya?”12 Tinanggap ng mag-aaral ang pergamino, at nang bukang-liwayway, ay bumangon upang tuparin ang hiling ni Mullá Ḥusayn.

Habang nalalapit siya sa bahay ni Bahá’u’lláh, nakita niya ang Kanyang kapatid na lalake, si Mírzá Músá, na nakatayo sa bukana at ipinaliwanag niya sa kanya ang dahilan ng kanyang pagdalaw. Sinamahan ni Mírzá Músá ang kabataan sa harapan ni Bahá’u’lláh, at ibinigay sa Kanya ang pergamino. Pinaupo sila ni Bahá’u’lláh. Habang binubuklat ang pergamino, sinimulan Niyang basahin nang malakas ang ilan sa mga sipi nito. Isang pahina pa lamang ang nababasa Niya nang bumaling Siya sa Kanyang kapatid at nagwikang:

Músá, ano ang masasabi mo? Tunay na sinasabi Ko, sinuman ang naniniwala sa Qur’án at nakikilala na ang pinanggalingan nito ay Banal, at mag-aatubili, kahit na isang saglit, na tanggapin ang nakapupukaw sa kaluluwa na mga salita na ito na pinagkalooban ng gayunding nakabubuhay na kapangyarihan, ay tiyak na nagkamali sa kanyang paghatol at naligaw nang malayo sa landas ng katarungan.”13

Habang pinapayagang umalis ang kabataan sa Kanyang harapan, hiniling ni Bahá’u’lláh na dalhin niya kay Mullá Ḥusayn, bilang isang handog buhat sa Kanya, ang isang balot na asukal at isang balot ng tsaa, at ipaabot sa kanya ang pagkalugod at pagmamahal Niya.

Tigib ng kaligayahan, ang binata ay tumayo at nagmadaling bumalik kay Mullá Ḥusayn. Ibinigay niya ang handog at pasabi ni Bahá’u’lláh. Hindi mailalarawan ng mga salita ang galak ni Mullá Ḥusayn sa pagtanggap nito. Tinanggap niya nang nakayuko ang ulo ang handog at taimtim na hinalikan ito. Pagkatapos ay niyakap niya ang binata, hinagkan ang kanyang mga mata, at nagsabi ng:

Aking pinakamamahal na kaibigan! Nananalangin ako na tulad ng pagpapaligaya mo sa aking puso, harinawang ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang walang hanggang kaligayahan at puspusin ang iyong puso ng walang kamatayang kasiyahan.”14

Ang binata ay namangha sa ginawi ni Mullá Ḥusayn. Inisip niya sa sarili niya, anong uri ng bigkis ang nagbubuklod sa dalawang kaluluwa na ito? Ano ang nagpaalab sa gayong kainit na pagkakaibigan ng dalawang kaluluwa na ito? Bakit si Mullá Ḥusayn nagpakita ng gayong kagalakan sa napakawalang-halagang handog mula kay Bahá’u’lláh? Naharap ang kabataan sa isang hiwaga na hindi niya malutas.

Pagkalipas ng ilang araw, tumungo si Mullá Ḥusayn sa Khurásán, isang lalawigan ng hilagang-silangan ng Irán. Sa kanyang pamamaalam sa kabataang estudyante ng Núr, sinabi niya sa kanya:

Huwag sabihin kaninuman ang iyong narinig at nakita. Hayaang ito ay maging isang lihim na natatago sa iyong dibdib. Huwag sabihin ang Kanyang pangalan, sapagka’t silang mga nananaghili ay magbabangon upang pinsalain Siya. Sa mga sandali ng iyong pagmumuni-muni, manalangin na ang Makapangyarihan sa Lahat ay mapangalagaan Siya, upang sa pamamagitan Niya, ay mapataas ang mga api, payamanin ang mahihirap, at iligtas ang mga nalugmok. Ang lihim ng mga bagay ay nakatago sa ating mga mata. Tungkulin nating isigaw ang panawagan ng Bagong Araw at ipahayag ang Banal na Pahayag na ito sa lahat ng tao. Maraming kaluluwa sa lunsod na ito ang magpapadanak ng kanilang dugo sa landas na ito. Na didiligan ng dugo ang Punong-Kahoy ng Diyos ang magiging dahilan upang ito ay yumabong, at lililiman ang buong sangkatauhan.”15

Tinutukoy ng Báb si Bahá’u’lláh bilang “Siya na ihahayag ng Diyos”. Ang mga Kasulatan ng Báb, kabilang ang Kanyang Pinakabanal na Aklat, ang Bayán, ay naglalaman ng hindi mabilang na mga pagtukoy bilang papuri sa Kanya na ihahayag ng Diyos. Sa ibaba ay ilang mga sipi lamang mula sa mga Kasulatan ng Báb na magbibigay ng isang sulyap sa Katayuan ni Bahá’u’lláh at ang kaugnayan ng Kambal na mga Kahayagan.

At alamin mo nang may katiyakan na ang Paraiso ay nangangahulugan ng pagkilala at pagsunod sa Kanya na ihahayag ng Diyos, at ang apoy, ay ang kalipunan ng gayong mga kaluluwa na hindi sumunod sa Kanya ni nagtiwala sa Kanyang mabuting-kasiyahan.”16

. . . linisin mo ang iyong tainga nang sa ganoon ay wala kang maririnig na binabanggit maliban sa Diyos, at linisin ang iyong mata nang sa ganoon ay wala itong makikita bukod sa Diyos, at ang iyong budhi nang sa ganoon ay wala itong mabatid maliban sa Diyos, at ang iyong dila nang sa ganoon ay wala itong ipahahayag maliban sa Diyos, at ang iyong kamay nang sa ganoon wala itong isusulat maliban sa mga salita ng Diyos, at ang iyong kaalaman nang sa ganoon ay wala itong mauunawaan maliban sa Diyos, at ang iyong puso nang sa ganoon ay wala itong nanasain maliban sa Diyos, at sa gayunding paraan ay linisin ang lahat ng iyong mga gawain at iyong mga pinagkakaabalahan nang sa ganoon ikaw ay maalagaan sa paraiso ng wagas na pag-ibig, at sakaling makamtan ang piling Niya na ihahayag ng Diyos, na napapalamutian ng isang kadalisayan na lubos Niyang minamahal, at maging malaya mula sa sinumang tumalikod sa Kanya at hindi tumatangkilik sa Kanya.”17

Sabihin, sa katunayan, ang mabuting-kasiyahan Niya na ihahayag ng Diyos ay ang mabuting-kasiyahan ng Diyos, samantalang ang hindi kasiya-siya sa Kanya na ihahayag ng Diyos ay walang iba kundi ang hindi rin kasiya-siya sa Diyos.”18

Mula sa sandaling sumaksi si Bahá’u’lláh sa katotohanan ng Rebelasyon ng Báb, Siya ay nagbangon upang ipahayag ito. Ang unang paglalakbay na isinagawa Niya upang ituro ang bagong Pananampalataya ay sa tahanan ng Kanyang mga ninuno sa Núr, sa lalawigan ng Mazíndarán. Doon ay pumunta Siya sa tahanan ng Kanyang pamilya sa nayon ng Tákur.

Ang balita ng pagdating ni Bahá’u’lláh sa Tákur ay mabilis na kumalat sa buong rehiyon. Maraming mga lokal na opisyal at matataas na pinuno ang dumating upang batiin Siya, at makibalita rin sa Kanya tungkol sa hari, sa kanyang korte at sa mga pangyayari sa bansa. Nguni’t sinasagot ni Bahá’u’lláh ang kanilang mga katanungan nang walang sigla. Agad Niyang babaguhin ang paksa at magsisimulang ilahad, sa pinakamahusay na paraan, ang Kalatas na inihayag ng Báb. Ang Kanyang mga salita ay lubhang nakapanghihikayat at ang Kanyang mga katuwiran ay napakatibay na ang lahat ay namangha. Ang mga nakarinig sa Kanya ay nagulat na ang isang tao na may Kanyang mataas na katayuan ay magkakaroon ng matinding hilig sa mga bagay na kadalasan ay pinagkakaabalahan lamang ng mga klerigo at ng mga namumuno sa relihiyon. Ang Kanyang kasigasigan at kalaliman ng kaalaman ay mabilis na umakit sa malaking bilang ng mga tao sa bagong Pananampalataya, na kabilang rin ang tanyag na mga mamamayan at Kanyang sariling mga kamag-anak. Walang sinuman na humarap sa Kanya ang nakatakas mula sa daloy ng Kanyang matatamis na salita o nangahas na tumutol sa katotohanan ng Kanyang mga pahayag, walang sinuman maliban sa Kanyang sariling amain.

Ginawa ng Kanyang amain ang lahat upang siraan si Bahá’u’lláh at pabulaanan ang katotohanan ng Kalatas na taglay Niya. Nguni’t nang mabatid niya na hindi niya kayang gawain ito, nagtungo siya sa isang tanyag na paring Muslim upang humingi ng tulong sa kanya. Isinumbong niya na si Bahá’u’lláh ay dumating sa Núr at, bagaman hindi Siya isang pari, Siya ay nagsasalita tungkol sa mga bagay ng relihiyon. Binalaan ng amain ang teologo na lahat ng humaharap kay Bahá’u’lláh ay nabighani sa Kanya at nagapi ng kapangyarihan ng Kanyang mga salita. “Hindi ko alam kung siya ay isang mangkukulam,” sabi niya, “o kung may inihahalong mahiwagang sangkap sa kanyang tsaa na nagiging biktima ng gayuma nito ang bawa’t taong makainom ng tsaang iyon.”19

Nalalaman na hindi siya kailanman magtatagumpay sa paghamon kay Bahá’u’lláh, hindi pinansin ng teologo ang mga hiling ng amain. Subali’t ang Kalatas ng Báb ay patuloy na lumaganap sa buong distrito na tulad ng malaking sunog. Nangamba ang mga tagasunod ng teologo at nagsimulang pilitin siya na gumawa ng hakbang, at sa wakas ipinasiya niyang padalawin kay Bahá’u’lláh ang kanyang dalawang pinakamahusay na estudyante at suriin ang kalikasan ng Kalatas na pinalalaganap Niya. Ito ang kwento na naganap sa dalawang kinatawan noong sila ay dumating sa harapan ni Bahá’u’lláh.

Nang mabalitaan nila, sa kanilang pagdating sa Tákur, na si Bahá’u’lláh ay umalis patungo sa tahanan Niya kapag taglamig, ang mga kinatawan ng teologo ay nagpasiya na sumunod sa pook na iyon. Nang sila ay dumating, natagpuan nila si Bahá’u’lláh na abala sa pagpapahayag ng isang komentaryo tungkol sa isang kapitulo ng Qur’án. Habang sila ay nakaupo at nakikinig sa pagtalakay Niya, masidhing nakaantig sa kanila ang kagalingan ng Kanyang paglalahad at ang hindi pangkaraniwang paraan ng Kanyang pananalita. Ang isang kinatawan, na hindi nagawang pigilan ang sarili, ay tumayo mula sa kanyang pagkaka-upo at lumakad nang patalikod at tumayo nang tahimik sa tabi ng pinto sa isang anyo ng mapitagang pagpapasakop. Nang nangangatal at may mga matang tigmak sa luha, sinabi niya sa kanyang kasama:

Ako ay walang lakas na tanungin si Bahá’u’lláh. Ang mga tanong na binalak kong itanong sa Kanya ay biglang naglaho sa aking isipan. Malaya kang ipagpatuloy ang iyong pagtatanong o bumalik nang nag-iisa sa ating guro at sabihin sa kanya ang kalagayan na nangyari sa akin. Sabihin sa kanya na ako ay hindi na kailanman makababalik sa kanya. Hindi ko na matatalikuran ang pintuan na ito.”

Subali’t yaong isang kinatawan ay gayunding naantig ng mga salita ni Bahá’u’lláh at sinundan ang halimbawa ng kanyang kasama. “Hindi ko na kinikilala ang aking guro,” ang kanyang tugon. “Sa sandaling ito, sumusumpa ako sa Diyos na italaga ang mga nahuhuling araw ko sa paglilingkod kay Bahá’u’lláh, ang aking tunay at tanging Panginoon.”20

Ang balita ng pagbabagong-loob ng dalawang kinatawan ng teologo ay mabilis na kumalat sa mga mamamayan ng Núr. Ang mga matataas na pinuno, ang mga opisyal ng pamahalaan, ang mga pinuno ng relihiyon, ang mga mangangalakal at mga magsasaka ay nagdagsaan sa harapan ni Bahá’u’lláh. Daan-daan ang sumailalim sa bandila ng bagong Pananampalataya. Subali’t walang ibang nakaaalam maliban kay Bahá’u’lláh na hindi magtatagal ang isang malupit na pag-uusig ang susunod, isang pag-uusig na bubunot hanggang sa pinaka-ugat ng marami sa mga bagong usbong at murang mga tanim na ito.

Ang ginawa ni Bahá’u’lláh sa distrito ng Núr ay yaong hinihiling Niya na gawain natin, ang magbangon at ituro ang Kapakanan ng Diyos. Kung gayon, pag-aralan at nilay-nilayin natin ngayon ang sumusunod na mga salita ni Bahá’u’lláh, habang isinasaisip na pagkatapos Niyang tanggapin ang Rebelasyon ng Báb, ang una Niyang ginawa ay ang bumangon at turuan sa daang-daang mga kaluluwa.

O manlalakbay sa landas ng Diyos! Kunin ang iyong bahagi mula sa karagatan ng Kanyang biyaya, at huwag ipagkait sa iyong sarili ang mga bagay na natatago sa kailaliman nito. Maging kabilang ka sa kanila na nakabahagi na sa mga kayamanan nito. Ang isang patak ng hamog mula sa karagatang ito, kung ipapatak sa lahat ng nasa mga kalangitan at nasa lupa, ay makasasapat upang payamanin sila sa kagandahang-loob ng Diyos, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakababatid ng Lahat, ang Marunong sa Lahat. Sa pamamagitan ng mga kamay ng pagkawalay sumalok sa nagbibigay-buhay na mga tubig nito, at diligin sa pamamagitan nito ang lahat ng nilikhang bagay, upang ang mga ito ay malinis nawa mula sa lahat ng mga hangganang likha ng tao at nawa’y makalapit sa makapangyarihang luklukan ng Diyos, itong banal at maningning na Pook.

Huwag magdalamhati kung mag-isa kang gumagawa nito. Hayaang maging sapat sa lahat ang Diyos para sa iyo. Matalik na makipagniig sa Kanyang Espiritu, at maging kabilang ka sa yaong nagpapasalamat. Ipahayag ang Kapakanan ng iyong Panginoon sa lahat ng mga nasa langit at nasa lupa. Sinuman ang tumugon sa iyong panawagan, ilahad sa kanyang harap ang mga perlas ng dunong ng Panginoon, ang iyong Diyos, na ibinaba sa iyo ng Kanyang Espiritu, at maging yaong mga tunay na nananalig. At kung tatanggihan ng sinuman ang iyong handog, lumayo mula sa kanya, at ilagay ang iyong pananalig at pagtitiwala sa Panginoon, ang iyong Diyos, ang Panginoon ng lahat ng daigdig.”21

Ang Banal na Rebelasyon ay umuunlad. Ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang Kalooban nang patuloy ang pag-unlad sa pamamagitan ng Kanyang mga Kahayagan na dumadating ng pana-panahon habang sumusulong ang sangkatauhan mula sa isang antas patungo sa iba. Totoo din ito sa Rebelasyon ng bawa’t Kahayagan. Ang Kanyang mga turo ay unti-unting inihahayag habang lumalawak ang pang-unawa ng Kanyang mga tagasunod. Kalimitan, kahit ang Kanyang pinakamalalapit na mga disipulo sa una ay walang kakayahang unawain ang buong kahalagahan ng Kanyang Rebelasyon. Patuloy silang nangangapit sa mga batas at mga Turo ng nakaraang relihiyon. Sa paglipas lamang ng panahon nagagawa nilang maunawaan na pinapalitan na ng bagong Kahayagan ang ilan sa mga batas ng Yaong nauna sa Kanya. Ang Kanyang layunin ay ang magtatag ng bagong mga batas para sa susunod na antas sa ebolusyon ng sangkatauhan.

Ito ang nangyari sa Rebelasyon ng Báb. Ang mga Muslim, na sa kanila ay dumating ang Báb, ay naniniwala na kahit isang “titik” mula sa mga turo ng Propetang Muḥammad ay hindi maaaring palitan hanggang sa katapusan ng daigdig. Dahil doon, ipinahintulot ng Báb na ang kabuuan ng Kalatas Niya ay ipinaalam nang unti-unti lamang. Sa simula, ang Kanyang dakilang Katayuan bilang Siya na Ipinangako ay hindi lantarang inihayag. Ang Kanyang mga disipulo ay inatasang palaganapin ang masayang balita na ang Pinto sa Kanya na Ipinangako ay bukas na. Unti-unting nakilala ang katauhan ng Báb, nguni’t ang karamihan ng mga tao ay nanatiling walang-kamalayan sa Kanyang Tunay na Katayuan.

Sa unang mga taon ng Kanyang Paglilingkod, walang pagbabago sa mga batas ng Islám ang ginawa. Sa katunayan, ito ay hindi malirip ng kahit na pinakamalalapit sa Kanyang mga tagasunod. Nguni’t sa dakong huli ng Kanyang Paglilingkod, habang nakabilanggo sa kuta ng Mák-Kú, ipinahayag ng Báb ang isang bagong pangkat ng mga batas sa Bayán sa wikang Persiano. Ngayon na ang panahon para sa Kanyang mga tagasunod na gumawa ng isang tiyak na paghiwalay sa nakaraan at ipahayag ang Kanyang tunay na Katayuan. Naganap ito sa Kumperensiyan ng Badasht.

Ang Badasht ay isang nayon na may kalayuan sa Ṭihrán sa bahaging hilagang-silangan ng bansa. Ang Kumperensiya ng Badasht ay naganap noong Hulyo 1848. Walumpu’t-isa sa pinakatanyag na mga tagasunod ng Báb ang nagtipon sa Kumperensiyang ito. Ang pangunahing mga kalahok ay sina Bahá’u’lláh, Quddús at Ṭáhirih.

Bagama’t sa simula si Bahá’u’lláh ay waring walang anumang ranggo sa mga tagasunod ng Báb, ang Kanyang ginampanan sa Kumperensiya ay napakahalaga. Inupahan Niya ang mga hardin na pinagdausan ng Kumperensiya, at sa loob ng dalawampu’t dalawang araw, ang lahat ng nagsitipon ay nagtamasa ng Kanyang masaganang kagandahang-loob. Bawa’t araw si Bahá’u’lláh ay nagpahayag ng isang Tableta upang basahin sa harap ng nakatipong mga mananampalataya. Ang bawa’t isa ay binigyan Niya ng isang bagong pangalan. Kay Ṭáhirih at kay Quddús ay ibinigay Niya ang mga taguri na makikilala sila sa buong kasaysayan. Ang taguringṬáhirih ay nangangahulugang “Siyang Wagas”, at ang Quddús ay nangangahulugang “Banal”. Siya mismo, mula sa araw na iyon, ay makikilala sa pangalang Bahá. Nang malaon, ang Báb ay susulat ng tanging Tableta para sa bawa’t isa sa mga dumalo ng Kumperensiya, tinutukoy sila sa mga pangalang tinanggap nila sa pagkakataong iyon.

Isang araw si Bahá’u’lláh ay nanatili sa Kanyang higaan dahil sa karamdaman, at ang mga kaibigan ay nagtipon sa Kanyang harapan. Si Ṭáhirih, na naturingang diwa ng kadalisayan at kalinisan, ay biglang humarap sa kanila nang walang lambong sa mukha, na ayon sa paniniwala ng mga Muslim sa Irán, ay dapat isuot ng lahat ng mga babae nang lantaran. Ipinalagay ng ilan sa mga Bábí na binigyan niya ng malaking kahihiyan ang kanyang sarili at ang bagong Pananampalataya. Si Quddús ay maliwanag na galit. Nguni’t si Ṭáhirih, na hindi nayanig at kumikinang sa kaligayahan, ay nagsalita sa kanyang mga kasama sa mahusay na pananalita. Tinawagan niya sila na humiwalay sa nakaraan — sa mga doktrinang pangrelihiyon, mga tradisyon at mga seremonya nito. Ang hindi pagkakaunawaan nina Quddús at Ṭáhirih ay napawi nang namag-itan si Bahá’u’lláh. Samantalang nilisan ng ilan sa mga tagasunod ng Báb ang Pananampalataya bunga ng pagpapahayag na ito, ang karamihan ay nanatiling matatag at napuspos ng panibagong sigla. Nang buong husay ginamit ni Bahá’u’lláh ang pagkakataon upang ipagdiwang ang bukang-liwayway ng isang bagong Araw. Sa pamamagitan ng kanyang matapang na kilos, pinatunog ni Ṭáhirih ang trumpeta na nagpatalastas sa katapusan ng luma at sa simula ng isang bagong Pananampalataya.

Ang Kumperensiya ng Badasht ay nagtanda rin sa simula ng pinakamagulong yugto sa pag-unlad ng Pananampalatayang Bábí. Hindi nagtagal ang pag-uusig ng mga tagasunod nito ay hahantong sa panibagong mga antas ng kasidhian, at marami ang tatawagin sa pagmamartir. Ang Kumperensiya ay waring naging isang pamamaalam, na mula roon sila ay humayo upang isagawa ang dakilang mga gawain ng kabayanihan, at sa Kaharian ng Abhá na lamang muling magsasama-sama.

Ang mga dumalo sa Kumperensiya ay magkakasabay na umalis patungo sa Mázindarán, nguni’t sila ay sinalakay sa daan ng mga mangmang na naninirahan sa isang nayon na malapit sa lugar na tinigilan ng grupo upang mamahinga. Ang mga mananampalataya ay napilitang tumakas at naghiwa-hiwalay tungo sa iba’t-ibang mga dako. Si Bahá’u’lláh ay nagpatuloy sa Núr sa Mázindarán.

Ang balita tungkol sa Kumperensiya ng Badasht ay mabilis na nakarating sa Ṭihrán, at nalaman ng Hari at ng kanyang mga ministro ang mga pangyayaring naganap at ang ginampanan ni Bahá’u’lláh sa Kumperensiya. Ang Hari, na nanghihina na dahil sa karamdamang malapit nang kumitil sa kanyang buhay, ay pinayuhan ng Punong Ministro na ipag-utos ang pagdakip kay Bahá’u’lláh. Kaya isang kautusan ay ipinadala sa isa sa mga opisyal ng Mázindarán, na nag-uutos na dakpin niya si Bahá’u’lláh at dalhin Siya sa punong-lunsod. Ayon sa nangyari ang utos ay dumating isang araw bago magdaos ng isang salo-salo ang opisyal na iyon mismo bilang parangal kay Bahá’u’lláh, na kung Kanino siya ay matapat na tagahanga. Siya ay labis na nabagabag at pinili niyang huwag sabihin ito kahit kanino. Kinabukasan, dumating ang balita sa Mázindarán na namatay na ang Hari; ang utos na dakpin si Bahá’u’lláh ay nawalan na ng bisa.

Ang Kumperensiya ng Badasht ang nagtanda sa paghubad sa luma at sa pagtanggap sa bago. Ang sumusunod na sipi mula sa mga Kasulatan ni ‘Abdu’l-Bahá ay naglalarawan kung paano, sa tuwi-tuwina sa pagdaan ng panahon, ang relihiyon ng Diyos ay dapat baguhin. Nilay-nilayin ang kahulugan ng sipi kaugnay ng iyong pinag-aralan tungkol sa Kumperensiya ng Badasht.

Mula sa binhi ng katotohanan ang relihiyon ay lumaki sa isang puno na sinibulan ng mga dahon at sanga, mga bulaklak at bunga. Paglipas ng ilang panahon ang punong ito ay dumating sa kalagayan ng pagkabulok. Ang mga dahon at bulaklak ay nalanta at nawala; ang puno ay dinapuan ng sakit at nawalan ng bunga. Hindi makatwiran na mangapit pa ang tao sa matandang puno, sinasabi na ang mga sigla ng buhay nito ay hindi pa humihina, na ang mga bunga nito ay hindi mapapantayan, na ang buhay nito ay walang-hanggan. Ang binhi ng katotohanan ay kinakailangang muling itanim sa mga puso ng tao upang ang isang bagong puno ay tumubo mula roon at ang panibagong mga banal na bunga ang muling pananariwain ang daigdig. Sa pamamagitan nito ang mga bansa at mga tao na ngayon ay magkakaiba ang relihiyon ay magkakaisa, ang mga panggagaya ay iiwanan, at ang isang pandaigdigang pagkakapatiran sa katotohan nito mismo ay maitatatag. Ang mga digmaan at labanan ng sangkatauhan ay titigil; lahat ay magkakasundo bilang mga tagapaglingkod ng Diyos. Sapagka’t lahat ay nasa kanlungan ng lilim ng puno ng Kanyang pangangalaga at awa. Ang Diyos ay mabait sa lahat. Siya ang tagapagkaloob ng biyaya sa lahat nang magkakatulad, tulad ng ipinahayag ni Hesukristo na ang Diyos ay ‘nagpapadala ng ulan sa mga makatarungan at di-makatarungan’ — alalaon baga’y, ang awa ng Diyos ay pangkalahatan. Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Kanyang pag-ibig at biyaya, at sa lahat ay itinuturo Niya ang landas ng pamamatnubay at pag-unlad.”22

Si Náṣiri’d-Dín Sháh, ang Haring umupo sa trono noong 1848, ay higit na malupit kaysa sa kanyang ama, ang naunang Hari. Mula sa simula ng kanyang paghahari, ang mga pag-uusig ng mga Bábí ay labis na dumami. Ang Báb mismo ay minartir noong Hulyo 1850 sa Tabríz. Ang Kanyang naaping mga tagasunod, na sumaksi sa kalunos-lunos na kamatayan ng libo-libo nilang kapwa mananampalataya, ang ngayon ay nangungulila na sa Pinakamamahal ng kanilang mga puso. Sa kanilang mga kaisipan, marami ang sumisisi sa Hari dahil sa mga kalupitan na ibinunton sa kanila sa nakalipas na mga taon. Nguni’t sa kabila ng ganitong mga damdamin, nagpatuloy sila na maging mga naghahangad ng kabutihan ng pamahalaan at sa mga tao. Ang kanilang mga lakas ay nakatuon sa pagpapalaganap ng bagong Pananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mabubuting gawa at kapani-paniwalang mga katuwiran. Subali’t mayroong isang maliit na grupo, bunga ng udyok ng napakatinding galit, ay nag-iisip-isip ng mga pakanang mapanganib. Sa kalagayan ng kawalang pag-asa, ang ilang mga luku-lukong ito ay naniwalang mababago nila ang kalagayan ng pamayanang Bábí sa pamamagitan ng pagsalakay sa pinaka-ugat ng paniniil. Sinimulan nilang magsabwatan sa pagpatay nang pataksil sa Hari.

Ang mga layunin ng grupo ay ipinaalam kay Bahá’u’lláh ng isa sa mga pinuno nito. Pinayuhan siya ni Bahá’u’lláh sa pinakamalinaw na mga salita na dapat nilang ihinto ang kanilang balak. Binalaan Niya sila na ang ganitong kilos ay maghahatid ng panibagong mga kapahamakan sa mga tagasunod ng Báb na namimighati na. Nguni’t ang mga nagsasabwatan ay nasa ganoong kalagayan na ng pagkamuhi, at ang apoy ng paghihiganti ay naglalagablab ng ganoong kasidhi sa kanilang mga puso, na kahit pa ang mga payo ni Bahá’u’lláh ay hindi nakapigil sa kanila. Ipinagpatuloy nilang isagawa ang isang kilos na magpakailanman ay magiging dungis sa mga pahina ng kasaysayan ng Bábí, na maliban dito ay napapalamutian lamang ng mga wagas, hindi makasarili at magiting na mga gawain.

Noong ika-15 ng Agosto 1852, lumabas ang Hari sa kanyang tahanan sa tag-init na malapit sa Ṭihrán sakay ng kabayo para sa kanyang pang-umagang pangangabayo. Ang kanyang pansariling mga tanod ay nauuna sa kanya nang ilang mga hakbang. Tahimik ang kapaligiran; ang lahat ay kasiya-siya sa kanyang Kamahalan. Sa sandaling iyon, na gumulat sa lahat, ang isang kabataang lalaki na naghihintay sa tabing-daan, nagkukunwaring isang nanonood na may kahilingang ihaharap sa Hari, ay nagpaputok sa kanya mula sa baril na dala niya. Napakahangal nitong magiging mamamatay-tao na ang baril na kanyang ginamit ay may mga bala na ganap na hindi sapat sa binalak na layunin. Ang Hari ay nagalusan lamang, nguni’t ang poot na nilikha sa pagtatangka sa kanyang buhay ang nagbigay sa mga kaaway ng Pananampalataya ng isang pagkakataon na pukawin ang mga tao na magsagawa ng hindi mailarawang mga kalupitan laban sa mga Bábí.

Ang kabataan na bumaril sa Hari ay agad na pinatay; ang kanyang bangkay ay itinali sa buntot ng isang buriko at kinaladkad ito hanggang sa Ṭihrán, kung saan ito ay hinati sa dalawang bahagi at ibinitin upang makita ng madla. Binuhusan ng kumukulong tingga ang lalamunan ng kanyang kasama — ito ay pagkatapos lamang siyang pahirapan nang walang-awa, gayumpaman hindi niya isinuko ang mga pangalan ng kahit sinuman sa kanyang mga kaibigan. Ang pangatlong kasamahan ay hinubaran ng kanyang pananamit, at binaunan ng umaapoy na mga kandila ang mga butas na inukit sa kanyang kalamnan, at ipinarada sa harap ng madla na sinisigawan at minumura siya.

Ang sumunod ay hindi mailalarawan ng mga salita. Ang pamahalaan, ang mga pari, at ang kanilang mangmang na mga tagapagtaguyod ay bumangon upang lipulin ang mga Bábí. Ang mga pintuan ng lunsod ay isinara, at walang sinuman ang pinahintulutang umalis nang hindi sinisiyasat. Bawa’t tahanan ay hinalughog sa paghahanap sa mga Bábí, dinadakip at pinapatay nang walang kahalintulad na kalupitan. Ang sumusunod na ilang mga talata mula sa isang liham na isinulat ng isang opisyal na taga-Austria na naglilingkod sa Hari ay nagbibigay ng isang sulyap sa kahindik-hindik na mga pangyayari ng panahong iyon.

Sumunod sa akin, aking kaibigan, ikaw na nag-aangkin ng puso at tuntunin ng isang taga-Europa, sumunod sa akin doon sa mga sawing-palad na inukitan ng mga mata, na dapat kainin, sa lugar ding iyon, nang walang kasamang sarsa, ang sarili nilang mga pinutol na tainga; o yaong ang mga ngipin ay binunot nang di-makataong karahasan ng kamay ng tagabitay; o yaong mga hubad na bao ng ulo ay binabasag lamang ng mga hampas ng martilyo; o kung saan ang pamilihan ay natatanglawan nitong mga sawing-palad na biktima, sapagka’t sa kanan at kaliwa inuukitan ng mga tao ng malalalim na butas ang kanilang mga dibdib at balikat, at nilalagyan ng mga umaapoy na mitsa ang mga sugat. Nakita ko ang ilan na nakatanikala na kinakaladkad sa pamilihan, na pinangungunahan ng banda ng militar, kung sa kanino ang mga mitsang ito ay nasunog na nang ganoong kalalim na ang taba ay umandap-andap na sa sugat tulad ng bagong-patay na lampara. Hindi madalang maganap na ang walang-kapagurang katalinuhan ng taga-Silangan ay humahantong sa panibagong mga pagpapahirap. Babalatan nila ang talampakan ng mga paa ng mga Bábí, ibababad ang mga sugat sa kumukulong langis, lalagyan ng bakal ang paa na tulad ng paa ng kabayo, at pipiliting tumakbo ang biktima. Walang iyak ang nakawala sa dibdib ng biktima; ang pagpapahirap ay tinitiis sa malagim na katahimikan ng manhid na damdamin ng panatiko; ngayon kailangan siyang tumakbo; hindi na makaya ng katawan ang kinaya ng kaluluwa; bumabagsak siya. Bigyan na siya ng pangwakas na dagok! Palayain na siya sa kanyang pagdurusa! Hindi! Iuunday ng tagabitay ang latigo, at — ako mismo ay napilitang masaksihan ito — ang sawing-palad na biktima ng daan-daang mga pagpapahirap ay tumatakbo! Ito na ang simula ng katapusan. Tungkol sa wakas mismo, ibinibitin nila ang sunog at butas-butas na mga katawan sa kanilang mga kamay at paa nang patiwarik sa isang punong-kahoy, at ngayon maaari nang subukan ng bawa’t Persiano ang kanyang galing sa pamamaril hanggang magsawa. Mula sa isang tiyak, nguni’t hindi gaanong malapit na distansiya sa marangal na tinutugis na ibinigay sa kanyang pagpapasiya. Nakita ko ang mga bangkay na winasak ng halos isang daan at limampung mga bala. . . . Sa muling pagbasa ko sa aking isinulat ako ay nagagapi ng kaisipan na yaong mga kasama sa ating pinakamamahal na Austria ay maaaring mag-alinlangan sa buong katotohanan ng paglalarawan, at paratangan ako ng pagmamalabis. Sana ay hindi ako hinayaan ng Diyos na nabuhay upang makita ito! Nguni’t dahil sa mga tungkulin ng aking propesyon nakalulungkot na ako ay madalas, labis na madalas, na naging saksi sa kasuklam-suklan na mga kilos na ito. Sa kasalukuyan hindi na ako lumalabas ng bahay, upang hindi ko na makita ang panibagong mga tagpo ng pagkasuklam . . . Dahil naghihimagsik ang aking buong kaluluwa laban sa ganitong kasamaan. . . hindi ko na pananatilihin ang aking pakikipag-ugnayan sa tagpo ng gayong mga krimen.”23

Sa araw ng pagtatangka sa buhay sa Hari, si Bahá’u’lláh ay panauhin ng kapatid na lalaki ng Punong Ministro sa isang nayong malapit sa Ṭihrán. Ang balita ng sakuna ay mabilis na umabot sa Kanya, at pinayuhan Siya na magtago hanggang lumipas ang bagyo. Sinisi ng ina ng Hari si Bahá’u’lláh sa pagtatangka sa buhay ng kanyang anak at mahigpit na hiningi ang pagdakip sa Kanya. Nguni’t tinanggihan ni Bahá’u’lláh ang magtago; at sa halip, nang sumunod na araw, Siya ay sumakay sa Kanyang kabayo at tumungo sa punong-tanggapan ng Hari. Ang hari at ang kanyang korte ay namangha nang malaman ang paglapit ni Bahá’u’lláh. Paano magagawa ng isang tao na pinaratangan ng ganitong nakapanghihilakbot na krimen, ang sa halip na tumakbo sa malayo, ay susuong nang may buong tiwala sa panganib? Kaagad na iniutos ng Hari ang pagdakip kay Bahá’u’lláh. Ang mga pagsisikap ng ilang mga kaibigan Niya na ihanap Siya ng mapagtataguan sa tahanan ng Punong Ministro ay nabigo. Dinakip Siya sa nayon ng Shimírán, humigit-kumulang na 30 kilometro mula sa punong-lunsod, at nilagyan ng mga tanikala.

Nang lakad at bilad sa matinding sinag ng araw sa kalagitnaan ng panahon ng tag-init, dinala si Bahá’u’lláh mula sa Shimírán hangang sa Ṭihrán. Ang mga tao, na sinabihang kalaban Siya ng kanilang Hari, ay sumisigaw ng mga pag-alipusta sa Kanya sa kabuuan ng daanan. Ang kwento tungkol sa isang matandang babae na nagnanais na hagisan Siya ng bato habang papalapit Siya sa bartolina na magiging kulungan Niya ay naglalarawan sa kabaliwan ng mga tao nang araw na iyon at nagpapamalas sa pag-ibig na nasa Kanyang puso habang hinaharap Niya ang pinakamalubhang mga sakuna.

Habang papalapit Siya sa bartolinang iyon, nakita ang isang matanda at mahinang babae na may dalang bato sa kanyang kamay na nagpipilit na makadaan sa mga tao, at sabik na ihagis iyon sa mukha ni Bahá’u’lláh. Sa kanyang mukha ay masisilayan ang anyo ng pagtitika at pagkapanatiko na pambihirang mapukaw sa matatandang babae na katulad niya. Nanginginig sa galit ang kanyang buong katawan habang humakbang siya at itinaas ang kanyang kamay sa paghahangdang ihagis ang kanyang bato. “Nakikiusap ako sa inyo,” ang hiling niya habang hinahabol ang mga nagdadala kay Bahá’u’lláh sa bartolina, “na bigyan ako ng pagkakataong ipukol ang aking bato sa kanyang mukha!”

Huwag biguin ang babaeng ito,” ang mga salita ni Bahá’u’lláh sa Kanyang mga tanod, nang makita Niya ang pagmamadali ng babae sa paghabol sa Kanya. Huwag ipagkait yaong sa palagay niya ay isang karapat-dapat na gawa sa paningin ng Diyos.”24

Sa buong buhay Niya, pinaligiran si Bahá’u’lláh ng mga kaaway na nagnanasang saktan Siya. Nguni’t kailanman ay hindi Niya sinubukang magtago; ni hindi ipinagtanggol ang Kanyang Sarili. Bagkus, sa lahat ng panahon Siya ay naging lantad sa paningin ng mga tao, at tiniis Niya, nang may kahinahunan at katiwasayan, ang mga pananalakay ng mga tumututol sa Kanya. Bagaman sila ay nagtitikang patayin ang Kanyang ilaw, hindi nila ito nagawa, at sa bawa’t araw ang Kanyang kaluwalhatian ay higit na nagningning.

Ni sa isang saglit ay hindi itinago ng Pinagkasalahan na ito ang Kanyang Sarili. Bagkus sa lahat ng panahon Siya ay nanatiling matatag at hayag sa mga mata ng tao. Kailanman ay hindi Kami umurong, ni hindi kami kailanman magtatangkang tumakas. Sa katotohanan ang mga hangal na tao ang tumakas sa Aming harapan. . . . Purihin nawa ang Diyos! Ang Kapakanan na ang Pinagkasalahan na ito ang Nagdadala ay kasing-taas ng langit at nagniningning na kasing-liwanag ng araw. Ang pagtatago ay hindi makalalapit sa katayuang ito, ni wala ring pagkakataon para matakot o maging tahimik.”25

Nang walang lambong at hindi natatago, ang Pinagkasalahan na ito, sa lahat ng panahon, ay nagpahayag sa harap ng mukha ng lahat ng tao ng daigdig na yaong magsisilbing susi upang mabuksan ang mga pinto ng mga agham, ng mga sining, ng kaalaman, ng mabuting kalagayan, ng kasaganaan at kayamanan. Ni ang mga kasalanang ipinabata ng mga maniniil ay hindi nagtagumpay na patahimikin ang matinis na tinig ng Pinaka-Dakilang Panulat, ni ang mga agam-agam ng mga tampalasan o ng mga mapanghimagsik ay hindi nagawang pigilan Siya sa pagpapahayag ng Pinaka-Dakilang Salita.”26

Ang Síyáh-Chál, ang pangalan ng piitan na pinagdalhan kay Bahá’u’lláh sa araw ng kapahamakan na iyon, ay nangangahulugan ng “Itim na Balon”. Dating imbakan ng tubig para sa isang paliguang-bayan ng Ṭihrán, sa panahong iyon ito ay ginawang bartolina sa ilalim ng lupa na kung saan ang pinakamasasamang kriminal ay ikinukulong.

Para makarating sa piitan, kailangang dumaan sa isang napakadilim na pasilyo at bababa sa tatlong matatarik na palapag ng hagdan. Ang bartolina ay nababalot sa pusikit na karimlan. Walang mga bintana ni labasan, maliban sa lagusan na dinaanan papasok. Halos isang daan at limampung mga bilanggo — mga magnanakaw, mga mamamatay-tao at mga tulisan — ang nagsisiksikan dito sa madilim at napakalamig na lugar. Ang sahig ay nanlilimahid sa dumi at ginagapangan ng mga insekto. Ang karamihan sa mga bilanggo ay walang damit o anumang panlatag na mahihigaan. Hindi kapani-paniwala ang kabahuan ng amoy.

Sa ilalim ng ganitong malupit na mga kalagayan ipinakulong ng Hari si Bahá’u’lláh at ang ilan sa mga Bábí. Ang mga paa ni Bahá’u’lláh ay nakasuot sa pagitan ng dalawang tabla, at isang mabigat na tanikala na tumitimbang ng humigit-kumulang 50 kilo ang nakapatong sa Kanyang leeg. Sa unang tatlong araw at gabi hindi sila binigyan ng anumang pagkain o inumin. Ang pamilya ni Bahá’u’lláh ay naghahanda ng pagkain para sa Kanya at hiniling sa mga tanod na ibigay ito sa Kanya. Bagama’t sa simula ay tumanggi sila, unti-unting pinagbigyan na rin ang kanilang mga samo. Gayumpaman, walang nakatitiyak kung ang pagkain ay nakarating sa Kanya, o kung matatanggap Niya na kumain habang nananatiling gutom ang Kanyang mga kapwa bilanggo.

Si Bahá’u’lláh at ang Kanyang mga kasamahan, na nakasuksuk ang mga paa sa pagitan ng dalawang tabla at may mga tanikala, ay nagsiksikan sa isang selda. Sila ay inilagay sa dalawang hanay na magkakaharap ang bawa't isa. Tinuruan sila ni Bahá’u’lláh na ulit-ulitin ang ilang mga bersikulo na gabi-gabi nilang dinadalit nang may lubos na kataimtiman.

Sapat na ang Diyos sa akin; Siya sa katunayan ang Nakasasapat sa Lahat,” ang dalit ng isang hanay, at ang kabila naman ay sasagot ng:

Sa Kanya hayaang ang nagtitiwala ay magtiwala.”

Hanggang sa madaling-araw, ang koro ng kanilang masasayang mga tinig ay naririnig. Ganoon kalakas ang kanilang himig na umabot ito sa mga tainga ng Hari, na ang palasyo ay hindi malayo sa Síyáh-Chál.

Ano ang ibig sabihin ng tunog na iyon?” ang tanong raw niya.

Iyon ang himnong inaawit ng mga Bábí sa kanilang bilangguan,”27 ang tugon. Ang Hari ay tumahimik.

Araw-araw, pumapasok sa selda ang mga tanod at tatawagin ang pangalan ng isa sa mga Bábí, uutusan siyang tumayo at sundan sila hanggang sa paanan ng bitayan. Masiglang tutugon ang may-ari ng pangalan sa pagtawag na iyon. Nakalaya sa kanyang mga kadena, palundag siyang tatayo, at sa isang kalagayang hindi mapigilan ang kaligayahan, lalapit kay Bahá’u’lláh at yayakapin Siya. Pagkatapos, isa-isa niyang yayakapin ang kanyang mga kapwa-bilanggo at tutungo, nang tigib ng pag-asa at tuwa ang puso, upang harapin ang kamatayan na naghihintay sa kanya. Kaagad pagkatapos ng pagmamartir ng bawa’t isa sa magigiting na mga kaluluwang ito, ang tagabitay, na naging tagahanga ni Bahá’u’lláh, ay dadalaw sa Kanya at iuulat sa Kanya ang mga naganap sa pagbitay ng martir at sa kaligayahan nito sa pagharap hanggang sa wakas sa mga pagdurusang ipinabata sa kanya.

Ang napakahirap na mga kalagayan ng pagkakulong kay Bahá’u’lláh at sa Kanyang mga kasamahan sa Siyáh-Chál ay nailarawan ni Bahá’u’lláh mismo. Kung gayon, mahalagang nilay-nilayin ang Kanyang sariling mga Salita tungkol sa mga araw na lumipas sa madilim na piitang iyon. Sa isang sipi sinabi Niya:

Sa Aming pagdating Kami ay pinadaan muna sa isang napakadilim na pasilyo, na mula rito bumaba Kami sa tatlong palapag ng hagdan patungo sa lugar na nakalaan bilang kulungan Namin. Ang bartolina ay nababalot sa pusikit na karimlan, at ang Aming mga kapwa-bilanggo ay halos may isang daan at limampung kaluluwa: mga magnanakaw, mga mamamatay-tao at mga tulisan. Kahima’t masikip, wala itong ibang lagusan kundi ang daanan na pinasukan Namin. Walang panulat ang makapaglalarawan sa lugar na iyon, ni walang dila ang makapagsasabi sa nakapandidiring baho nito. Karamihan sa mga taong ito ay walang anumang saplot o kumot na mahihigaan. Ang Diyos lamang ang nakaaalam sa sinapit Namin doon sa pinakamabaho at mapanglaw na pook na iyon!”28

Isinalaysay ni Nabíl, ang taong mananatiling bantog magpakailanman na mananalaysay ng Pananampalatayang Bahá’í, ang mga salitang narinig niya mismo mula kay Bahá’u’lláh:

Lahat noong mga itinumba ng nagngangalit na unos sa hindi malilimot na taong iyon sa Ṭihrán ay ang Aming mga kapwa-bilanggo sa Síyáh-Chál, kung saan napipiit Kami. Lahat kami ay nagsisiksikan sa isang selda, nakasuksok ang aming mga paa sa pagitan ng dalawang tabla, at sa aming mga leeg ay nakakabit ang pinaka-lubhang nakasusugat na mga kadena. Ang hanging aming hinihinga ay tigib ng pinakamababahong dumi, samantalang ang sahig na inuupuan namin ay natatakpan ng dumi at pinamamahayan ng maliliit, marurumi at nagbibigay-sakit na mga hayop. Walang sinag ng araw ang makatagos sa nakakapesteng bartolinang iyon o kaya ay mainitan ang mala-yelong lamig nito. Nakahanay kami sa dalawang hilera, magkaharap ang bawa’t isa. Tinuruan namin silang ulitin ang ilang mga bersikulong dinadalit nila gabi-gabi, nang may matinding pag-aalab. ‘Sapat na ang Diyos sa akin; Siya sa katunayan ang Nakasasapat sa Lahat!’ ang dadalitin ng isang hanay, samantalang ang isa ay tutugon ng: ‘Sa Kanya hayaang ang nagtitiwala ay magtiwala.’ Ang koro ng masasayang tinig na iyon ay patuloy na umaalingawngaw hanggang sa mga unang oras ng umaga. . . .

Araw-araw, sa pagpasok sa Aming selda tatawagin ng Aming mga tanod ang pangalan ng isa sa mga kasamahan Namin, uutusan siyang tumayo at sundan sila hanggang sa paanan ng bitayan. Anong pananabik na tutugon ang may-ari ng pangalang iyon sa pormal na pagtawag! Nakalaya sa kanyang tanikala, bigla siyang lulundag, at sa isang kalagayang hindi mapigilan ang kaligayahan, lalapit at yayakapin Kami. Sisikapin Naming aliwin siya sa katiyakan ng isang walang hanggang buhay sa kabilang daigdig, lilipusin ang kanyang puso ng pag-asa at kaligayahan, at paaalisin siya upang pagwagian ang korona ng kaluwalhatian. Pagkatapos yayapusin niya ang lahat ng kanyang mga kapwa-bilanggo at tutungo sa kamatayan nang walang takot tulad nang nabubuhay siya. Kaagad pagkatapos ng pagmamartir ng bawa’t isa sa mga kasamahang ito, iuulat sa Amin ng tagabitay, na naging kaibigan Namin, ang mga naganap sa kanyang biktima, at ang kaligayahan sa kanyang paghihirap hanggang sa wakas.”29

May isang malalim na konsepto na dapat unawain ng bawa’t mag-aaral ng kasaysayang Bahá’í, alalaon baga’y, ang Kapakanan ng Diyos ay sumusulong sa pamamagitan ng serye ng mga krisis at tagumpay. Ang mga lakas ng kamangmangan, kawalan ng katarungan, kalupitan at pagka-panatiko ay walang-humpay na sumasalakay sa pamayanang Bahá’í at nagiging sanhi ng mga krisis. Nguni’t sa bawa’t pagkakataon, alinsunod sa Kalooban ng Diyos, ang mga lakas ng kadiliman ay nagagapi at ang nagiging bunga ay isang tagumpay. Ang Kapakanan ay sumusulong mula sa krisis tungo sa tagumpay tungo sa krisis tungo sa tagumpay, at walang kapangyarihan sa lupa ang may kakayahang ihinto ang patuloy na pagsulong nito.

Ang maikling Paglilingkod ng Báb ay dumaan na sa ganitong landas. Ipapalagay ng pangkaraniwang nagmamasid, gayumpanan, na ang huling krisis ay hindi na mapagtatagumpayan: Ang Báb ay minartir na. Libo-libo sa Kanyang mga tagasunod ay pinagpapatay sa isang masaker na napakalupit. Ang pinakatanyag sa Kanyang mga disipulo ay minartir at ang tanging Isa lamang na muling makapagbibigay-buhay sa pag-asa ay nakatanikala sa pinakamadilim na bartolina. Tunay na malubha ang krisis, subali’t ang tagumpay na sumunod ay napakamaluwalhati.

Sa Síyáh-Chál ibinunyag ng Diyos kay Bahá’u’lláh ang Kanyang dakilang Katayuan. Habang nababalot sa kadiliman, humihinga ng pinakamabahong hangin, ang Kanyang mga paa ay nakasuksok sa pagitan ng dalawang tabla, at ang Kanyang leeg hinihila pababa ng isang mabigat na tanikala, tinanggap ni Bahá’u’lláh ang unang paggising ng Rebelasyon ng Diyos sa loob ng Kanyang kaluluwa. Sa ilalim nitong nakapangingilabot na mga kalagayan, ang “Pinaka-Dakilang Espiritu” ay ibinunyag ang sarili nito sa Kanya, inaatasan Siya na bumangon at ipahayag ang Salita ng Diyos.

May mga pagkakataong nadarama Niya na waring may umaagos mula sa tuktok ng Kanyang ulo hanggang sa Kanyang dibdib, tulad ng isang malakas na agos na biglang bumabaha sa lupa mula sa tuktok ng isang mataas na bundok. Nakita Niya ang Mutya ng Langit na nakalutang sa harap Niya, na kinakausap ang Kanyang panloob at panlabas na katauhan, tinatawag Siya na Pinakamamahal ng mga daigdig, ang Kagandahan ng Diyos, at ang kapangyarihan ng paghahari ng Diyos. Tiniyak sa Kanya na Siya ay magtatagumpay sa pamamagitan ng Kanyang Sarili at ng Kanyang Panulat, at sa tulong ng mga tao na pababangunin ng Diyos.

Kung gayon, sa kabila ng karimlan ng Itim na Balon ay sumikat ang Araw ng Katotohanan. Ang pangako ng Báb ay natupad na. Ang Rebelasyong Bahá’í ay isinilang na. Gayumpaman hindi ipinaalam ni Bahá’u’lláh kaninuman ang mga naganap. Hihintayin Niya ang takdang oras, na itinadhana ng Diyos, upang ibunyag ang Kanyang Misyon.

Pinagpala ang sangkatauhan na itong pinaka-dakilang kaganapan sa kasaysayan ng pananampalataya ay naitala sa sariling mga Salita ni Bahá’u’lláh. Sa paggugunita ng unang pagkakataong pinuspos ng Rebelasyon ng Diyos ang Kanyang kaluluwa, sinasabi Niya na:

Isang gabi, sa isang panaginip, ang mga dakilang salita na ito ay narinig sa lahat ng panig: ‘Sa katunayan, gagawain Ka Naming magtagumpay sa pamamagitan ng Iyong Sarili at sa pamamagitan ng Iyong Panulat. Huwag Kang magdalamhati sa sinapit Mo, ni huwag Kang mangamba, sapagka’t Ikaw ay ligtas. Hindi magtatagal at ibabangon ng Diyos ang mga kayamanan ng daigdig — mga tao na tutulong sa Iyo sa pamamagitan ng Sarili Mo at sa pamamagitan ng Pangalan Mo, na sa pamamagitan nito ay bubuhayin muli ng Diyos ang mga puso noong makakikilala sa Kanya.’”30

Sa iba pang sipi inilalarawan Niya ang naging bunga ng Rebelasyon ng Diyos sa Kanyang katauhan:

Noong mga araw na Ako ay nasa bilangguan ng Ṭihrán, Ako ay nakaiidlip lamang ng kaunti dahil sa nakasusugat na bigat ng mga kadena at ng malansang hangin, gayumpman sa bihirang mga sandali na iyon ng pag-idlip ay naramdaman Ko na waring mayroong dumaloy mula sa tuktok ng Aking ulo hanggang sa Aking dibdib, tulad ng isang malakas na agos na biglang bumabaha sa lupa mula sa tuktok ng isang mataas na bundok. Bawa’t bahagi ng Aking katawan, dahilan dito, ay pinaglalagablab. Sa mga gayong sandali sinasambit ng Aking dila ang mga katagang hindi makakayang marinig ng sinuman.”31

Sa isa pang sipi inilalarawan Niya ang pagpapakita ng Mutya, na kumakatawan sa “Pinakadakilang Espiritu”:

Habang nakalugmok sa mga paghihirap, narinig Ko ang isang lubhang kamangha-mangha, isang malamyos na tinig, nananawagan sa ibabaw ng Aking ulo. Sa pagbaling ng Aking mukha, nasilayan Ko ang isang Mutya — ang kinatawan ng pag-aalaala ng pangalan ng Aking Panginoon — na nakalutang sa hangin sa harap Ko. Gayon na lamang ang pagkalipos sa tuwa ng kanyang pinaka-kaluluwa na ang kanyang mukha ay kumikinang sa palamuti ng mabuting kasiyahan ng Diyos, at ang kanyang mga pisngi ay nagniningning sa liwanag ng Mahabagin sa Lahat. Sa pag-itan ng lupa at langit ay itinataas niya ang isang tawag na bumihag sa mga puso at mga kaisipan ng tao. Ibinabahagi Niya kapwa sa Aking panloob at panlabas na katauhan ang mga balitang nagpagalak sa Aking kaluluwa, at sa mga kaluluwa ng mga ipinagbubunying tagapaglingkod ng Diyos. Habang nakaturo ang kanyang daliri sa Aking ulo, sinasabi niya sa lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa na: ‘Saksi ang Diyos! Ito ang Pinakamamahal ng mga daigdig, subali’t hindi kayo nakauunawa. Ito ang Kagandahan ng Diyos sa piling ninyo, at ang kapangyarihan ng Kanyang paghahari sa loob ninyo, kung nakababatid lamang kayo. Ito ang Hiwaga ng Diyos at ang Kanyang Kayamanan, ang Kapakanan ng Diyos at ang Kanyang luwalhati sa lahat ng nasa mga kaharian ng Rebelasyon at ng sangnilikha, kung kayo ay nabibilang doon sa mga nakauunawa.’”32

Habang si Bahá’u’lláh ay nakatanikala sa Síyáh-Chál, ang Kanyang mga kalaban ay abala sa kanilang pagsisikap na makakuha sa Hari ang hatol ng Kanyang kamatayan. Nguni’t si Bahá’u’lláh ay minamahal ng kapwa matataas at pangkaraniwang mga tao, kaya hindi Siya madaling ipapatay. Nangangailan ng katibayan na may kaugnayan Siya sa tangkang pagpatay sa Hari. Subali’t habang higit na nagsisikap silang makakuha ng katibayan, lalong lumiliwanag na ganap na walang kinalaman sa pangyayari si Bahá’u’lláh. Nang hindi mapatunayang may pagkakasala, ang malulupit na mga kaaway na ito ay nagpasiyang lasunin ang Kanyang pagkain. Subali’t napakalakas ng lason na kaagad napuna ang unang mga epekto nito at hindi na kinain ni Bahá’u’lláh ang nilasong pagkain na inihain nila sa Kanya. Sa wakas, ang mga nasa kapangyarihan ay wala nang ibang magawa kundi palayain Siya mula sa piitan, nguni’t sa kondisyon lamang na lilisanin Niya ang bansa bilang isang tapon.

Nagtiis sa piitan si Bahá’u’lláh ng apat na buwan. Sa panahong iyon Siya ay may karamdaman at patâng-patâ na. Ang hindi makataong mga kalagayan ng piitan, ang tanikala na tumitimbang ng humigit-kumulang na 50 kilo sa Kanyang leeg, at sa huli ang lason, ay lubusang nagpahina sa Kanya na kinailangan Niyang manatili sa Kanyang higaan habang inaalagaan nang mabuti. Ang mga kawing ng tanikala ay sumugat nang malalim sa Kanyang leeg at, bagaman humilom ang mga ito sa paglipas ng panahon, ang mga pilat ay nanatili nang habang-buhay. Sa gitna ng lahat ng ito, kailangan ng pamilya na maghanda para sa isang napakahirap na paglalakbay na isasagawa sa loob ng isang buwan. Binigyan si Bahá’u’lláh ng kalayaang piliin ang lugar ng Kanyang pagkakatapon. Pinili Niya ang Baghdád, na sa panahong iyon ay isang lunsod ng Imperyo ng Ottoman at ngayon ay ang punong-lunsod ng ‘Iráq.

Ang paglalakbay ay tumagal mula sa ika-12 ng Enero 1853 hanggang sa ika-8 ng Abril ng taon ding iyon. Iyon ay ang kalagitnaan ng taglamig, at kinailangang maglakbay si Bahá’u’lláh at ang Kanyang pamilya sa dakong kanluran ng Irán na kung saan ang mga taglamig ay lubhang napakaginaw. Ang mga baon nila para sa paglalakbay ay hindi sapat, kailangan nilang pagkasiyahin ang kaunting pagkain. Nguni’t ang Tagapagtanggol nitong maliit na grupo ng manlalakbay ay ang mismong Diyos na Makapangyarihan sa Lahat, at sa pamamagitan ng Kanyang di-nagmamaliw na tulong, sila ay nakarating nang ligtas sa Baghdád.

Pinagkaitan ng Irán ang sarili nito ng biyaya na makapiling si Bahá’u’lláh at pinilit Siyang umalis, kailanman hindi na babalik sa Kanyang tinubuang lupa. Ang ‘Iráq na ngayon ang magiging tahanan ng pinakamahalagang Katauhan sa planeta. Ito ang mga salitang sinabi ng isang tanyag na mananalaysay na Bahá’í tungkol sa pagpapatapon kay Bahá’u’lláh mula sa Irán:

Habang nalalapit si Bahá’u’lláh sa mga hangganan ng bansa, nagwakas ang isang panahon. Batid kaya ng mga tao ng Irán ang kawalan na sinapit nila? Nakalugmok sa kamangmangan, lubog sa panatismo, nabulag ng mali at walang-batayang paniniwala, pinamumunuan ng makasariling mga tao, nalinlang ng mga kasinungalingan, ang sa kanila ay hindi ang makakita ni makaunawa. At sa gayon ang Tagapagligtas ng daigdig ay lumisan sa kanilang piling. Siya na minsan ay minahal at iginalang ng kapwa mayayaman at mahihirap, ng mabunyi at ng aba, ng prinsipe at ng magsasaka, ay tinakwil ng mismong mga tao na binuhusan Niya ng awa, pagmamahal, katarungan at kawang-gawa sa lahat ng panahon. Nawala sa Irán ang maging kapiling si Bahá’u’lláh, nguni’t maaari kayang mawala ang Kanyang espiritu doon o sa alinmang lupain?”33

Ang sumusunod na panalangin na ipinahayag ni Bahá’u’lláh ay makatutulong upang masulyapan man lamang ang mga pagdurusa na dinanas Niya sa Síyáh-Chál at ang mga paghihirap na tiniis Niya sa mga buwan na kaaagad sumunod pagkatapos.

Aking Diyos, Aking Panginoon, Aking Hangarin! . . . Nilikha Mo ang atomo ng alabok na ito sa pamamagitan ng ganap na lakas ng Iyong kapangyarihan, at pinangalagaan Siya ng Iyong mga kamay na hindi maigagapos ng sinuman. . . . Ang leeg na sinanay Mo sa salat ng sutla sa wakas ay pinuluputan Mo ng matibay na mga kadena, at ang katawan na Iyong binigyan ng kariwasaan ng burdadong seda at pelus sa huli pinadanas Mo ng pagka-aba sa bartolina. Ang Iyong utos ang nagpagapos sa Akin sa hindi mabilang na mga pataw sa paa, at ipinulupot sa Aking leeg ang kadenang walang sinuman ang makapuputol. Ilang taon ang lumipas na ang mga paghihirap, tulad ng mga ambon ng habag, ay umuulan sa Akin. . . Gaano kadami ang mga gabi na hindi Ako pinagpahinga ng bigat ng mga kadena at tanikala, at anong dami ang mga araw na ipinagkait sa Akin ang kapayapaan at katahimikan, dahil sa ipinarusa sa Akin ng mga kamay at mga dila ng mga tao! Kapwa ang tinapay at tubig, na Iyong ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Iyong habag na sumasaklaw sa lahat, na ibinibigay sa mga hayop ng kaparangan, ay ipinagkait nila, ng ilang panahon, sa tagapaglingkod na ito, at ang mga bagay na hindi nila ipinataw sa mga humiwalay sa Iyong Kapakanan ay ipinataw nila sa Akin, gayundin ang pagdurusa na kanilang ipinabata sa Akin, hanggang sa wakas, ang Iyong hindi mababagong kautusan ay itinakda, at ang Iyong utos ay nanawagan sa tagapaglingkod na ito na lisanin ang Persia, kasama ang isang bilang ng mga taong mahihina ang katawan at mga batang nasa murang gulang, sa panahong ito na napakatindi ng lamig na ang isa ay hindi man lamang makapagsalita, at napakakapal ng yelo at niyebe na hindi na magawang makakilos.”34

Sa Baghdád, umupa si Bahá’u’lláh ng isang bahay sa lumang bahagi ng lunsod. Sa mga buwan kasunod ng Kanyang pagdating, isang paparaming bilang ng mga Bábí ang nagtungo sa Baghdád. Sa kasawiang-palad, marami sa kanila ay nalugmok sa kahabag-habag na kalagayan; sila ay nalilito at naguguluhan, at ang ilan ay gumagawa ng mga bagay na hindi karapat-dapat sa isang tagasunod ng Báb. Tinanggap ni Bahá’u’lláh ang lahat na dumating nang may walang-hanggang pagmamahal at tinulungan silang linisin ang kanilang mga puso at muling buhayin ang kanilang mga espiritu. Sa pamamagitan ng Kanyang impluwensiya, ang kapalaran ng pamayanang Bábí ay nagsimulang magbago at ang pag-asa ay muling namukadkad. Subali’t, isang panibagong krisis ang nagsisimulang mabuo. Sa pagkakataong ito ang pinagmulan nito ay sa loob ng pamayanan mismo; ang sanhi ng kasawiang-palad ay walang iba kundi ang sariling kapatid sa ama ni Bahá’u’lláh, si Mírzá Yaḥyá, na inaangkin ang pagiging kahalili ng Báb.

Sa katotohanan, hindi na kinailangan ng Báb ang humirang ng susunod, sapagka’t alam Niya na ang Pangako ng Lahat ng Panahon hindi magtatagal ay darating. Ang ginawa Niya, sa payo ni Bahá’u’lláh at ng isa pang disipulo, ay hinirang si Mírzá Yaḥyá bilang pansamantalang pinuno. Sa pamamagitan nito ay maitataguyod ni Bahá’u’lláh ang Kapakanan nang may kaukulang kaligtasan. Si Mírzá Yaḥyá ay tumanggap ng labis na pagmamahal at tulong mula kay Bahá’u’lláh sa buong buhay niya, subali’t siya ay kapwa ambisyoso at duwag. Siya ay labis na nasindak sa pagmamartir ng Báb na muntik na siyang mawalan ng sampalataya. Nagpagala-gala siya nang ilang panahon sa kabundukan ng Mázindarán bilang isang pagalang monghe, ang kanyang asal ay lubos na nakahihiya na tinalikuran ng ilang mga Bábí sa rehiyon ang Kapakanan. Gumagamit ng iba’t-ibang balat-kayo, nakarating siya sa wakas sa Baghdád, at dahilan sa nakakuha siya ng pera kay Bahá’u’lláh upang gawaing puhunan sa pangangalakal, siya ay nanirahan sa isang purok ng lunsod sa ilalim ng bagong pangalan.

Ang lumalaking paggalang at pagmamahal na ipinapakita ng mga tagasunod ng Báb kay Bahá’u’lláh, at ang pagtaas ng Kanyang karangalan sa mga pinuno ng lunsod, ay nagkaroon ng napakasamang epekto kay Mírzá Yaḥyá. Ang kanyang inggit ay napukaw at ang apoy nito ay lumagablab ng ganoong katindi na tinupok nito ang bawa’t bakas ng kagandahang-asal. Kasama ang isang higit na walang-hiya pa kaysa sa kanya, si Mírzá Yaḥyá ay nagsimulang maghasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan sa mga Bábí tungkol sa mga layunin ni Bahá’u’lláh. Muling bumuba ang mga ulap ng paghihinala, takot at walang-kabuluhang kathang-isip sa pamayanang Bábí. Ang maikling panahon ng kapayapaan at katahimikan ay nagwakas at ang mga paghihirap ni Bahá’u’lláh ay tumitindi sa bawa’t araw.

Noong umaga ng ika-10 ng Abril 1854, nagising ang pamilya ni Bahá’u’lláh at nalaman na wala na Siya. Siya ay umalis nang walang-pasabi sa kaninuman tungkol sa Kanyang layunin o paroroonan. Batid ni Bahá’u’lláh ang patutunguhan ng mga kilos ni Mírzá Yaḥyá, pinili ni Bahá'u'lláh na manahimik sa kabundukan ng Kurdistán, sa hilagang-silangan ng Baghdád.

Ang tanging layunin ng Aming pananahimik,” ang wika Niya Mismo sa dakong huli, ay ang iwasan na maging dahilan ng hidwaan ng matatapat, isang pinagmumulan ng kaguluhan ng Aming mga kasamahan, ang dahilan ng pinsala sa kaninumang kaluluwa, o sanhi ng kalungkutan ng anumang puso.”35

Doon sa kaparangan, na may kalayuan sa bayan ng Sulaymáníyyih, namuhay si Bahá’u’lláh nang nag-iisang nakikipag-niig sa Diyos. Masaya na Siya sa kaunting pagkain. May mga pagkakataong tumatanggap Siya ng gatas mula sa mga pastol sa karatig-pook at paminsan-minsan ay dumadalaw Siya sa bayan upang kumuha ng pinakakaunting mga pangangailangan sa buhay. Gayumpaman, kahit sa panandaliang mga pag-uugnay na ito sa mga tao sa rehiyon, ang kadakilaan ni Bahá’u’lláh ay hindi maitago sa kanilang mga mata. Ang Kanyang pagmamahal at dunong ay umakit sa mga naninirahan sa Sulaymáníyih at ang Kanyang kabantugan ay nagsimulang kumalat sa mga karatig-pook. Ang balita tungkol sa isang taong may di-pangkaraniwang dunong at kahusayan sa pananalita na naninirahan sa rehiyon ng Kurdistán ay umabot sa wakas sa Baghdád. Ang Kanyang pamilya, natanto na ang Taong ito ay walang iba kundi si Bahá’u’lláh, ay nagpadala ng isang mapagkakatiwalaang mananampalataya upang sumamo sa Kanya na umuwi. Pinaunlakan ni Bahá’u’lláh ang kahilingan nila, at sa gayon ay natapos ang dalawang taong kusang paglayo Niya.

Ang bawa’t Kahayagan ng Diyos ay gumagawa ng Banal na Kasunduan sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga tagasunod ng Báb ay sumang-ayon sa Banal na Kasunduan sa Kanya na kanilang hahanapin at tatanggapin Siya na ihahayag ng Diyos at mamumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga utos. Bagama’t hindi pa sinabi ni Bahá’u’lláh na Siya Yaong ipinangako ng Báb, ang Kanyang kadakilaan ay nagiging higit na hayag sa bawa’t paglipas ng araw, at nagsimula nang makilala ng ilan ang Kanyang Katayuan. Si Mírzá Yaḥyá ay hindi bulag sa kadakilaan at kaluwalhatian ni Bahá’u’lláh. Subali’t ang kanyang inggit at ambisyon ay napukaw, na naging sanhi ng kanyang paggawa ng kalokohan na naghatid sa kanya sa dakong huli sa lantarang paglabag sa Banal na Kasunduan ng Báb. Sa pagtukoy sa kaguluhan at mga paghihirap na naghihintay sa kanila, binalaan ni Bahá’u’lláh ang mga kaibigan:

Ang mga araw ng mga pagsubok ay dumating na. Ang mga karagatan ng pagtatalo at pagdurusa ay dumadaluyong, at ang mga Watawat ng Pag-aalinlangan, sa bawa’t nakukubling lugar at panulukan, ay abala sa panunulsol ng kalokohan at pag-aakay sa mga tao sa kapahamakan. . . . Huwag tulutan ang tinig ng ilan sa mga kawal ng pagkakaila na maghasik ng pag-aalinlangan sa inyo, ni huwag hayaan ang inyong mga sarili na maging pabaya sa Kanya na Siyang Katotohanan, yamang sa bawa’t Dispensasyon ang gayong mga pagtatalo ay lumilitaw. Gayumpaman, itatatag ng Diyos ang Kanyang Pananampalataya, at ihahayag ang Kanyang liwanag kahima’t kinapopootan ito ng mga manunulsol ng paghihimagsik. . . . Bantayan ninyo araw-araw ang Kapakanan ng Diyos. . . . Ang lahat ay bihag ng Kanyang mahigpit na hawak. Walang mapupuntahang lugar sa sinumang nais tumakas. Huwag isipin na ang Kapakanan ng Diyos ay isang bagay na maaaring maliitin, na ang sinuman ay mabibigyan ng kasiyahan ang kanyang mga kapritso. Sa iba’t-ibang dako, sa kasalukuyan, may isang bilang ng mga kaluluwa na itinataguyod ang katulad na pahayag na ito. Ang panahon ay papalapit . . . na ang bawa’t isa sa kanila ay malilipol at mawawala, hindi lamang iyon, sila ay lubusang mabibigo at magiging isang bagay na di-naaalala, tulad ng alabok mismo.”36

Habang wala si Bahá’u’lláh, ang kapalaran ng Pananampalataya ay umabot sa pinakamababang kalagayan sa kasaysayan nito. Tulad ng inaasahan, pinatunayan ni Mírzá Yaḥyá na wala siyang kakayahang pamunuan ang kahit maliit lamang na pamayanan sa Baghdád. Sa iba’t-ibang dako, gumagawa ang ilang mga Bábí ng mga bagay na nagbigay ng kahihiyan sa napakahalagang Kapakanan ng Báb. Kaya muling ibinalikat ni Bahá’u’lláh ang tungkuling muling buhayin ang pamayanan. Ang Kanyang pagdating noong Marso 1856 ay ibinalita sa mga mananampalataya, at ang Kanyang pintuan ay naging bukas sa lahat ng naghahanap ng katotohanan. Ang pangkaraniwang tahanan na tinirahan Niya at ng Kanyang pamilya ay naging sentro ng kung saan nagtitipon ang mga nagsasaliksik, mga panauhin at mga peregrino. Lahat ng makarating sa harapan Niya ay nagbago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang matatamis at mapagmahal na mga salita. Lahat ng nagkaroon ng pagpapalang manirahan nang malapit sa Kanya ay nadamang wari’y nasa paraiso sila. Sila ay naging bagong nilikha, lubos na nakawalay sa mga bagay ng daigdig na ito. Ganito ang paglalarawan ni Nabíl, ang dakilang mananalaysay ng naunang yugto ng Panahong Bahá’í, sa kalagayan ng mga kaluluwang ito:

Maraming mga gabi na hindi bababa sa sampung tao ang nabubuhay sa halagang hindi lalabis ng isang sentimong datiles. Walang nakaaalam kung kanino ang mga sapatos, mga kapa, o mahahabang kasuotan na matatagpuan sa kani-kanilang mga bahay. Ang sinumang pumunta sa pamilihan ay maaaring mag-angkin na kanya ang mga sapatos na suot niya, at bawa’t isang humarap kay Bahá’u’lláh ay maaaring magsabi na ang kapa at mahabang kasuotan na suot niya sa panahong iyon ay sa kanya. Nalimutan na nila ang kani-kanilang mga pangalan, walang laman ang kani-kanilang mga puso maliban sa pagsamba sa kanilang Minamahal. . . . O, sa ligaya ng mga araw na iyon, at sa kasiyahan at pagkamangha ng mga oras na iyon!”37

Nanatili si Bahá’u’lláh sa Baghdád nang pitong taon mula nang bumalik Siya mula sa Sulaymáníyyih. Sa loob ng panahong ito, patuloy Niyang inilingid ang Kanyang Katayuan bilang Kahayagan ng Diyos para sa Araw na ito. Nguni’t ang Banal na pag-ibig na dumadaloy buhat sa Kanya na ganoon ang lawak ay hindi maiiwasang madama ng mga pusong handang tumanggap. Ang Banal na patnubay na pinahayag Niya sa mga pag-uusap at sa nakasulat na mga bersikulo at tableta ay nagpabago sa ugali ng mga Bábí na naiwanang walang pastol sa loob ng maraming taon. Ito ang mga taon na kung kailan ipinahayag Niya ang Aklat ng Katiyakan (Kitáb-i-Iqán), kung saan ipinaliwanag Niya ang kalikasan ng Rebelasyon ng Diyos sa ganoong malilinaw na salita na ang mga saligan ng mga doktrinang likha ng tao noong nakaraan ay nawasak. Sa panahon ring ito ay ipinahayag Niya, habang Siya ay naglalakad nang dumog sa pagninilay-nilay sa mga pampang ng ilog Tigris, ang Natatagong mga Salita, isang gabay sa espiritwal na pag-unlad. Ang bilis ng pagdaloy ng mga bersikulong ipinahayag buhat sa Kanyang Panulat ay kamangha-mangha. Ganito ang pagtukoy ng Sarili Niya Mismo sa panahong iyon na kamangha-mangha ang kapangyarihan:

. . . Aming ipinahayag, katulad ng masaganang ulan, sa pamamagitan ng tulong ng Diyos at ng Kanyang Banal na Pagpapala at habag, ang Aming mga bersikulo, at ipinadala ang mga ito sa iba’t-ibang dako ng daigdig. Aming pinayuhan ang lahat ng tao, at lalong-lalo na ang mga taong ito, sa pamamagitan ng Aming matalinong payo at mapagmahal na mga paalaala, at pinagbawalan silang gumawa ng paghihimagsik, mga pag-aaway, mga pagtatalo at labanan. Ang naging bunga nito, at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ang pagkasuwail at kalokohan ay napalitan ng kabanalan at pang-unawa, at ang mga sandata ay ginawang mga kagamitan ng kapayapaan.”38

Ang pitong taong pamumuhay ni Bahá’u’lláh sa Baghdád ay kumakatawan sa isang panahon ng kahanga-hangang mga tagumpay. Inaasahan kung gayon na may darating na krisis sa malaon man o sa madali, na siya namang susundan ng higit pang tagumpay. Ang lumalaking karangalan ni Bahá’u’lláh ay hindi nakaligtas sa pansin ng mga kaaway ng Pananampalataya. Ang pinakamasugid sa kanila ay ang isang Shaykh na ginagamit ang lahat ng pamamaraan sa kanyang kamay upang mahikayat ang mga pinuno ng kapwa pamahalaang Persia at Ottoman, at ang mga klero, na magbangon laban sa Kanya. Nguni’t sa maraming taon ang mga pagtatangka ng Shaykh ay nabigo dahil sa karunungan ni Bahá’u’lláh at sa karangalan ng Kanyang mga salita at gawa.

Bilang halimbawa, may isang pagkakataong ipinatawag ng Shaykh ang pinakabantog na mga klero sa rehiyon sa layuning makuha ang kanilang nagkakaisang pagbatikos kay Bahá’u’lláh. Ang lahat ay handang magsimula ng isang pananalakay laban sa maliit na pangkat ng mga tapon sa Baghdád upang tuluyang mawasak ang pinaka-ugat ng Pananampalataya. Subali’t ikinagulat nila na ang pinakamataas sa kanila, na isang taong kilala sa kanyang katarungan at kabanalan, ay tumangging ibigay ang kinakailangang hatol laban sa mga Bábí. Sinabi niya sa grupo na ayon sa kanyang kaalaman, ang pamayanang Bábí ay walang nagawa upang mabigyang-katuwiran ang ganitong hatol at iniwanan niya ang grupo.

Dahil nabigo ang una nitong balak, ipinasiya ng grupo na magpadala kay Bahá’u’lláh ng isang dalubhasang tao upang iharap ang ilang mga tanong nang sa ganoon ay masubukan ang Kanyang kaalaman. Nang masagot ni Bahá’u’lláh ang lahat ng mga tanong, tinanggap ng naatasan, sa ngalan ng grupo ng mga klero, ang kalawakan ng Kanyang karunungan. Nguni’t, aniya, upang masiyahan ang lahat hinggil sa katotohanan ng Kanyang Misyon, dapat Siyang gumawa ng isang himala para sa kanila.

Bagaman wala kayong karapatang humingi nito,” ang sagot ni Bahá’u’lláh, sapagka’t ang Diyos ang dapat sumubok ng Kanyang mga nilikha, at hindi sila ang dapat sumubok sa Diyos, gayumpaman ay pinahihintulutan at tinatanggap Ko ang kahilingang ito.”39

Subali't sinabi Niya sa mensahero na dapat munang pumili ang mga klero ng isang himala at isulat na kapag ito ay naisagawa na, sila ay hindi na kailanman mag-aalinlangan pa tungkol sa Kanya at Siya ay kikilalanin nilang lahat at sasaksi sa katotohanan ng Kanyang Kapakanan. Kinakailangan nilang lagyan ng selyo ang dokumentong ito at dalhin ito sa Kanya.

Ang maliwanag at mapaghamon na sagot ay umantig nang matindi sa mensahero. Kaagad siyang bumangon, humalik sa tuhod ni Bahá’u’lláh, at nagpaalam. Ihinatid niya ang pasabi ni Bahá’u’lláh sa grupo ng mga klero. Pinagtalunan nila ito sa loob ng tatlong araw, subali’t hindi sila makabuo ng anumang pasiya. Sa wakas, wala silang ibang magawa kundi kalimutan ang bagay na ito.

Nguni’t ang malulupit na mga kaaway na ito ng Pananampalataya ay hindi huminto sa kanilang mga pagsasabwatan laban kay Bahá’u’lláh. Patuloy pa rin ang panunulsol nila ng kalokohan at pagbibigay ng maling kahulugan sa Kanyang tunay na layunin sa mga nasa kapangyarihan, hanggang sa wakas, noong tagsibol ng 1863, ang kanilang mga pagtatangka ay nagbunga, at ang kasunod na krisis ay dumating.

Sa pagwawakas ng Kanyang paninirahan sa Baghdád, nagsimulang ipahiwatig ni Bahá’u’lláh ang mga pagsubok at kahirapang naghihintay. Minsan, ang isang panaginip na isinalaysay Niya sa mga kaibigan ay nagbunga ng lubhang pangangamba.

Aking nakita,” isinulat Niya sa isang Tableta, ang mga Propeta at mga Sugo na nagtipon at nagsiupo sa paligid Ko, na tumataghoy, lumuluha at malakas na tumatangis. Nang nagtataka, itinanong Ko sa kanila ang kadahilanan, sa gayon ang kanilang pananaghoy at pagluluha ay lalong lumakas, at sinabi nila sa Akin na: ‘Kami ay lumuluha para sa Iyo, O Pinaka-Dakilang Hiwaga, O Tabernakulo ng Kawalang-Kamatayan!’ Sila ay lumuha ng gayong pagluha na Ako rin ay lumuha kasabay nila. Sa gayon ang Kalipunan sa kaitaasan ay nagwika sa Akin ng: ‘. . . Hindi magtatagal at makikita ng Iyong sariling mga mata yaong hindi nakita ng sinumang Propeta. . . . Magtiis, magtiis.’ . . . Patuloy Nila Akong kinausap sa buong magdamag hanggang sa pagsapit ng bukang-liwayway.”40


Sa unang bahagi ng tagsibol ng 1863, ipinahayag Niya ang Tableta ng Banal na Mandaragat na tumutukoy, sa matalinhagang salita, sa darating na mga pangyayari at nagsasaad ng pagtataksil at paghihiwalay. Ang Tabletang ito ay binasa sa mga kaibigan na nagtipon sa Kanyang harapan noong ika-26 ng Marso. Dumadaluyong ang mga karagatan ng pighati sa kanilang mga puso habang nadadama nila na kukunin sa kanila si Bahá’u’lláh. Sa mismong araw na iyon, ihinatid ng isang mensahero kay Bahá’u’lláh ang isang pasabi na humihiling ng pakikipanayam Niya sa Gobernador ng Baghdád. Sa sumunod na araw, ibinigay kay Bahá’u’lláh ang isang liham buhat sa Punong Ministro ng Imperyo ng Ottoman para sa Gobernador, sa pananalitang magalang ang gawi, na nag-anyaya kay Bahá’u’lláh na pumunta sa punong-lunsod ng Ottoman, ang Constantinople. Ang nakakabayong mga alagad ay inutusang samahan Siya bilang tagapagtanggol Niya. Agad na sumang-ayon si Bahá’u’lláh sa kahilingan, nguni’t tinanggihan Niya ang salaping inialok ng pamahalaan para sa Kanyang paglalakbay. Nagpumilit ang kinatawan ng Gobernador na tanggapin Niya ito, at sinabing mamasamain ng mga nasa kapangyarihan kung hindi Niya ito gagawain. Sa wakas, tinanggap Niya ang malaking halaga at kaagad itong ipinamudmod sa mga mahihirap ng lunsod.

Nayanig ang pamayanang Bábí sa balita ng pagpapatapon kay Bahá’u’lláh mula sa Baghdád. Ang mga kaibigan ay nagapi ng lungkot, at sa simula, walang sinuman sa kanila ang makatulog o makakain. Subali’t, unti-unti silang huminahon sa pamamagitan ng mababait at mapagmahal na mga salita ni Bahá’u’lláh, at tinanggap na maipagkakait sa karamihan sa kanila ang biyayang sumama sa Kanya sa kasunod na bahagi ng Kanyang pagkakatapon. Bilang tanda ng Kanyang pag-ibig, lumiham Siya sa Kanyang sariling sulat-kamay ng isang Tableta para sa bawa’t isang kaibigang naninirahan sa lunsod — sa lalake, babae, at bata.

Karatig ng Baghdád, mayroong isang magandang hardin na punong-puno ng mga rosas, at ang rosas ay ang paboritong bulaklak ni Bahá’u’lláh. Sa umaga ng ika-22 ng April 1863, nilisan Niya ang lunsod at pumasok sa hardin. Ang mga mananampalataya, at sa katunayan ang napakaraming mga tao ng Baghdád, ay nagdadalamhati. Ang pamayanang Bábí, na ngayon ay lubos nang nabuhay dahilan sa mapagmahal na pangangalaga ni Bahá’u’lláh, ay pumasok na naman sa isa pang krisis. Ano ang magiging kinabukasan nitong bagong Pananampalataya na ang tanging Pag-asa lamang ay ipinatatapon sa isang lugar na napakalayo sa karamihan ng mga kasapi nito? Ang kasagutang naghihintay sa namimighating mga Bábí na nagtipon upang magpaalam sa Kanya ay kagila-gilalas. Aalisin ni Bahá’u’lláh ang mga lambong na nagtatabing sa Kanyang tunay na Katayuan mula sa mga mata ng tao, at lantarang ipahahayag na Siya ang Ipinangako sa lahat ng panahon.

Tumigil si Bahá’u’lláh sa hardin, na kilala ngayon bilang Hardin ng Riḍván, nang labindalawang araw bago Siya umalis patungo sa Constantinople. Sinikap ng Kanyang mga kaaway na bigyan ng nakamamatay na dagok ang Kanyang Kapakanan sa pamamagitan ng paghiwalay sa Kanya mula sa karamihan ng mga mananampalataya. Nguni’t ginawa ng Diyos ang pagpapaalaman na maging pagkakataong lipos sa ligaya. Ang pagpapahayag ng Kanyang Misyon ay lumikha ng panibagong buhay sa mga kaluluwa ng Kanyang mga kasama. Ito ang Araw ng mga Araw na kung saan ihinanda sila ng Báb. Sinabi ni Bahá’u’lláh Mismo na sa Araw na iyon lahat ng nilikhang bagay ay inilubog sa karagatan na nagpapadalisay”41

Sa kasawiang-palad bahagya lamang ang nalalaman sa mga detalye ng mga pakikipag-usap ni Bahá’u’lláh sa daloy ng mga panauhin na Kanyang tinanggap sa Halamanan ng Riḍván. Ang sumusunod na mga salita mula sa mananalaysay na si Nabíl ay makapagbibigay ng isang sulyap lamang sa kaluwalhatian ng mga araw na iyon:

Araw-araw, bago magbukang-liwayway, pipitasin ng mga hardinero ang mga rosas na nakahilera sa apat na landas ng hardin, at pagpapatung-patungin ang mga ito sa gitna ng sahig ng Kanyang pinagpalang tolda. Napakalaki ang nagiging bunton na kapag ang Kanyang mga kasama ay nagtipon sa harapan Niya upang uminom ng tsaa sa umaga, ay hindi nila nakikita ang isa’t-isa sa magkabila nito. Ang lahat ng mga rosas na ito ay ipagkakatiwala ni Bahá’u’lláh, sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, doon sa mga pinaaalis na Niya mula sa Kanyang harapan tuwing umaga upang dalhin, mula sa Kanya para sa Kanyang mga kaibigang Arabo at Persiano sa lunsod. . . . Isang gabi, ang ika-siyam na gabi ng papalaking buwan, nagkataong ako ay isa sa mga nagbabantay sa tabi ng Kanyang pinagpalang tolda. Sumasapit na ang hatinggabi nang nakita ko Siyang lumabas ng Kanyang tolda, dumaan sa mga lugar na pinagtutulugan ng ilan sa Kanyang mga kasama, at nagsimulang lumakad nang pabalik-balik sa mga landas ng hardin na natatanglawan ng buwan at may nakahanay na mga halamang namumulaklak. Ganoong kalakas ang pag-awit ng mga ruwisenyor sa bawa’t dako na ang mga malalapit lamang sa Kanya ang makaririnig nang malinaw sa Kanyang boses. Patuloy Siyang naglalakad hanggang tumigil Siya nang saglit sa isang landas at nagmasid: ‘Pag-isipan ang mga ruwisenyor na ito. Sa labis na pag-ibig nila sa mga rosas na ito, sila ay walang-tulog mula sa paglubog ng araw hanggang sa madaling-araw, na umaawit ng kani-kanilang mga himig at nakikipag-niig sa matinding pagnanasa sa pakay ng kanilang pagsasamba. Kung gayon paano piniling matulog noong mga nagsasabing umaapoy sila sa kanilang pag-ibig sa mala-rosas na kagandahan ng Minamahal?’ Sa tatlong sunod-sunod na mga gabi ako ay nagmasid at lumibot sa Kanyang pinagpalang tolda. Sa bawa’t pagkakataong dumaan ako nang malapit sa Kanyang higaan, nakikita ko Siya na gising, at bawa’t araw, mula umaga hanggang gabi, nakikita ko Siya na patuloy na abala sa pakikipag-usap sa daloy ng mga panauhin na patuloy na dumarating mula sa Baghdád. Ni minsan ay wala akong naramdaman sa mga salitang binibigkas Niya ang anumang bakas ng pagkukunwari.”42

Ngayon, ipinagdiriwang ng mga Bahá’í ng daigdig ang labing-dalawang araw mula sa ika-21 ng Abril hanggang sa ika-2 ng Mayo bilang Pista ng Riḍván, ang pinakabanal at pinakamakahulugan sa lahat ng mga pagdiriwang ng Bahá’í. Sa ibaba ay ilang mga sipi mula sa isang Tableta na ipinahayag ni Bahá’u’lláh:

Ang Banal na Tagsibol ay sumapit na, O Pinaka-Dakilang Panulat, dahil ang Pista ng Mahabagin sa Lahat ay mabilis na papalapit. Pakilusin ang iyong sarili, at dakilain, sa harap ng buong sanglinikha, ang ngalan ng Diyos, at ipagdiwang ang Kanyang papuri, sa ganoong paraan na ang lahat ng nilikhang bagay ay mabubuhay na muli at magiging bago. Magsalita, at huwag pigilan ang iyong sarili. Ang araw-bituin ng kaligayahan ay sumisikat sa itaas ng sugpungang-guhit ng Aming pangalan, ang Maligayang-maligaya, yamang ang kaharian ng pangalan ng Diyos ay pinalamutian ng palamuti ng pangalan ng iyong Panginoon, ang Maylikha ng mga langit. Bumagon sa harap ng mga bansa ng daigdig, at sandataan ang iyong sarili ng kapangyarihan nitong Pinaka-Dakilang Pangalan, at huwag maging yaong mga nag-aatubili. . . .

May matutuklasan ka bang iba maliban sa Akin, O Panulat, sa Araw na ito? Ano ang nangyari sa sangnilikha at sa mga kahayagan nito? Nasaan ang mga pangalan at ang kanilang mga kaharian? Saan nagtungo ang lahat ng nilikhang bagay, na nakikita man o di-nakikita? Nasaan ang natatagong mga lihim ng sanlibutan at ang mga kahayagan nito? Masdan, ang buong sangnilikha ay naglaho na! Walang naiwan maliban sa Aking Mukha, ang Mananatiling Walang-Maliw, ang Maringal, ang Maluwalhati sa Lahat.

Ito ang Araw na walang makikita maliban sa mga karingalan ng Tanglaw na sumisikat mula sa mukha ng Iyong Panginoon, ang Magiliw, ang Pinaka-Mapagbigay-Biyaya. Tunay na ginawa Namin na mamatay ang bawa’t kaluluwa sa pamamagitan ng bisa ng Aming paghahari na hindi malalabanan at nakalulupig sa lahat. Kung gayon ay gumawa Kami ng bagong sangnilikha, bilang tanda ng Aming biyaya sa mga tao. Ako, sa katunayan, ang Mapagbigay-biyaya sa Lahat, ang Napakatanda sa mga Araw. . . .

Sabihin: Ito ang Paraiso na sa mga dahon nito ang alak ng pahayag ay iniukit ang patotoo na: ‘Siya na nakatago mula sa mga mata ng tao ay inihayag, na tumataglay ng paghahari at kapangyarihan!’ Ito ang Paraiso na ang pagkaluskos ng mga dahon ay nagpapahayag: ‘O kayong mga nananahan sa mga kalangitan at sa daigdig! Nagpakita na yaong hindi pa kailanman nakita. Siya na, mula sa kawalang-hanggan, ay itinago ang Kanyang mukha mula sa paningin ng sangnilikha ay dumating na ngayon.’ Mula sa bumubulong na simoy na humihihip sa mga sanga nito ay maririnig ang tawag na: ‘Siya na naghaharing Panginoon ng lahat ay ginawang mahayag. Ang kaharian ay sa Diyos,’ habang mula sa dumadaloy na mga tubig nito ay maririnig ang aliw-iw na: ‘Ang lahat ng mga mata ay nagalak, sapagka’t Siya na hindi nakita ninuman, na ang lihim ay hindi natuklasan ninuman, ay itinaas ang lambong ng kaluwalhatian, at inilantad ang mukha ng Kagandahan.’

Sa loob ng Paraisong ito, at mula sa mga tugatog ng pinakamataas na mga silid nito, ang mga Dilag ng Langit ay tumawag at humiyaw ng: ‘Magdiwang, kayong mga nananahan sa mga kaharian sa kaitaasan, sapagka’t ang mga daliri Niya na Siyang Napakatanda sa mga Araw, sa ngalan ng Maluwalhati sa Lahat, ay pinarerepeke ang Pinaka-Dakilang Kampana sa kaibuturan ng puso ng mga kalangitan. Ang mga kamay ng biyaya ay nakahawak sa kopa ng walang-hanggang buhay. Lumapit, at inumin ang inyong bahagi. Uminom nang may mabuting pangnamnam, O kayong mga pinaka-kinatawan ng pagnanasa, kayong mga pinaka-diwa ng masidhing pagmimithi!’”43

Si Bahá’u’lláh, ang Kanyang pamilya, at isang maliit na pangkat ng mga mananampalataya na sumama sa kanila ay tumigil sa Constantinople nang apat na buwan lamang. Ang pamahalaan ng Persia, ay pinagpatuloy mula sa malayo ang pag-uusig nito sa Kanya na nakikita nila ngayon na naging pinuno ng kilusang Bábí. Ang Embahador nito sa korte ng Sulṭán, ang pinuno ng Imperiyo ng Ottoman, ay nagsimula ng isang maparaang kampanya laban kay Bahá’u’lláh. Ang kapaligiran na kung saan naninirahan ang Sulṭán, ang kanyang mga ministro at ang kanilang mga kasamahan, ay isang daigdig ng pagtataksil, sabuwatan, at pagkukunwari. Si Bahá’u’lláh ay tumangging magkaroon ng anumang kaugnayan sa walang-halagang mga taong ito. Ang kalayuan ng loob Niya sa kanila ay lalong nagpadali na gawain ng Embahador na punuin ang mga isipan ng mga nasa kapangyarihan ng mga paratang at kasinungalingan. Ang walang tigil na mga pagsisikap niya ay naging mabisa at, sa wakas, isang kautusan ang inilabas na dapat itapon si Bahá’u’lláh sa lunsod ng Adrianople, na higit na malayo pa sa mga hangganan ng Persia.

Ang tugon ni Bahá’u’lláh sa kautusan ay isang kilos na may hindi pangkaraniwang tapang. Kaagad na nagpahayag Siya ng isang mahabang Tableta para sa Sulṭán mismo, pinagwikaan siya at ang kanyang mga ministro, at isiniwalat ang kanilang pagiging isip-bata at kawalan ng kakayahan. Ang Tableta ay ihinatid sa Punong Ministro sa loob ng isang selyadong sobre. Nasabi na nang buksan raw niya ang sulat at sinimulang basahin ito, siya ay namutla at nagwikang: “Waring ang Hari ng mga Hari ang nagbibigay ng utos sa kanyang pinaka-abang nasasakupang hari at pinamamahalaan ang kanyang mga kilos.”44

Ang labing-dalawang araw na paglalakbay mula sa Constantinople hanggang sa Adrianople ay napakahirap para kay Bahá’u’lláh at sa Kanyang pamilya, na nagsimula na ngayon sa kanilang pangatlong pagkakatapon. Ito ay sa buwan ng Diyembre at ang panahon ay lubhang malamig. Ang karamihan ng mga tapon ay walang sapat na pananamit laban sa gayong kalupit na panahon. Upang makakuha lamang ng tubig sa mga bukal sa daan, kailangan nilang magsindi ng apoy upang tunawin ang yelo.

Dumating si Bahá’u’lláh sa Adrianople noong ika-12 ng Disyembre 1863 at tumigil sa lunsod na iyon ng apat at kalahating taon. Ang panahong ito ay tigib rin ng mahahapding krisis at kahanga-hangang mga tagumpay. Habang lumalaki ang impluwensiya ni Bahá’u’lláh, ang apoy ng pagkainggit ay lalong nagliyab sa puso ni Mírzá Yaḥyá. Tumapang nang tumapang siya sa kanyang pagsalungat at ginawa niya ang lahat upang mapigilan ang mga Bábí na tanggapin ang Kahayagan ng Diyos sa Araw na ito. Ang ligalig na ginawa ay hindi lamang nagkabisa sa pamayanan mismo, bagkus ay binigyan din nito ang mga kaaway sa labas ng Pananampalataya ng munisyon na ginamit nila sa pagbubunsod ng karagdagang mga pananalakay kay Bahá’u’lláh at sa Kanyang mga tagasunod. Waring walang hangganan ang kataksilan ni Mírzá Yaḥyá. Nagpasiya pa siyang lasunin si Bahá’u’lláh, at nagpakana at nagsikap hanggang sa wakas ay natamo niya ang kanyang layunin. Malubha ang naging bunga ng lason kay Bahá’u’lláh, at bagama’t Siya ay gumaling, nanatiling may panginginig ang Kanyang kamay hanggan sa katapusan ng Kanyang buhay.

Tiyak na ang Adrianople ay hindi maaalaala dahil sa mga kahiya-hiyang gawain ni Mírzá Yaḥyá, kundi sa dakilang mga tagumpay na natamo ni Bahá’u’lláh sa lunsod na iyon. Mula rito ay ipinadala ni Bahá’u’lláh ang marami sa Kanyang mga Tableta sa mga hari at mga namumuno sa daigdig at ipinahayag sa maraming lugar ang Kanyang Pananampalataya.

Ang lantarang pagpapahayag ay ang ikatlong yugto ng isang bai-baitang na proseso ng pagbibigay-kaalaman sa sangkatauhan sa Misyon ni Bahá’u’lláh. Ang unang yugto ay nagsimula sa bartolina ng Síyáh-Chál sa Ṭihrán na kung saan ipinamalas ng Banal na Espiritu ang sarili nito kay Bahá’u’lláh at ipinahayag sa Kanya na Siya ang Tagapagdala ng Kalatas ng Diyos sa araw na ito. Bagama’t ang pagsilang ng Kanyang Rebelasyon ay naging lingid sa karamihan sa loob ng isang dekada, tulad ng pagbubukang-liwayway, pinukaw nito ang natutulog na mga kaluluwa, at unti-unting ginising ang mga handang tumanggap at inihanda sila sa pagkilala kay Bahá’u’lláh. Ang pangalawang yugto ay nagsimula sa Hardin ng Riḍván, na kung saan inihayag Niya ang Kanyang Misyon sa ilan sa mga mananampalataya na nagsitipon upang magpaalam sa Kanya. Sa pagkakataong iyon, iilan lamang ang pinagpalang mga kaluluwa na nakababatid sa Kanyang Katayuan. Ang pangatlong yugto ay ang pangkalahatang pagpapahayag ng Kanyang Misyon. Nagsimula ito sa Constantinople, nagkaroon ng kapansin-pansing bilis sa Adrianople, at natamo ang pinakadakilang mga tugatog ng kapangyarihan nito sa ‘Akká, ang kasunod at panghuling pook ng Kanyang pagkakatapon.

Ang lantarang pagsalungat ni Mírzá Yaḥyá kay Bahá’u’lláh sa Adrianople ay nagdulot ng malaking kaguluhan sa mga mananampalataya, na ang karamihan sa kanila ay nagsisimula pa lamang masilayan nang bahagya ang Katayuan ni Bahá’u’lláh. Ito ay nagbigay sa mga kalaban ng Kapakanan, sa nasa kanilang likuran ang mga lakas ng dalawang pamahalaan — ng Persia at ng Ottoman — ng pagkakataong kailangan nila upang magbigay ng isa pang dagok sa bagong-silang na Pananampalataya ng Diyos. Isang umaga, bigla na lamang ang bahay ni Bahá’u’lláh ay pinaligiran ng mga kawal, at lahat ay sinabihang humanda para sa agarang pag-alis. Nang ilang panahon, walang sinuman ang nakaaalam kung ano ang kanilang magiging kapalaran. Ang pinakamalaking pangamba ng karamihan ay ang mahiwalay sa kanilang Minamahal, dahil sa mayroong balita na umiikot na si Bahá’u’lláh at ang Kanyang pamilya ay itatapon sa isang pook at ang iba ay pipiliting paghiwa-hiwalayin. Sa huli, naging malinaw na si Bahá’u’lláh ay itatapon sa bilangguang-lunsod ng ‘Akká at si Mírzá Yaḥyá sa pulô ng Cyprus. Ang karamihan sa mga tapon, na may pitumpu ang bilang, ay pinadala sa ‘Akká kasama ang dalawa sa pinakamalupit sa mga tagapagtaguyod ni Mírzá Yaḥyá. Apat naman sa mga kasama ni Bahá’u’lláh ay pinatapon kasama sa pangkat ni Mírzá Yaḥyá sa Cyprus.

Si Bahá’u’lláh at ang Kanyang pamilya ay umalis ng Adrianople noong ika-12 ng Agosto 1868, at pagkatapos ng isang mahirap ng paglalakbay sa lupa at karagatan, dumating sa ‘Akká noong ika-31 ng Agosto. Ang mga naninirahan sa ‘Akká ay sanay sa mga pagdating ng mga bilanggo, sapagka’t ang lunsod ay ginagamit ng mga Ottoman bilang isang pook na kung saan itinatapon ang mga kriminal at mga manunulsol. Sa pagkakataong ito, ibinalita sa kanila na ang mga bagong dating ay mga kalaban ng Estado, ng Diyos at ng Kanyang relihiyon. Iniutus ng Sulṭán ang mahigpit na pagkabilanggo sa kanila, at siya at ang kanyang mga ministro ay nagpahayag ng kanilang pag-asa na ang malupit na mga kalagayan sa ‘Akká ay magiging dahilan ng kanilang wakas sa dakong huli. Ang utos ng Sulṭán ay binasa sa moske para sa kaalaman ng lahat, at naging malinaw sa kanila na ang mga Persianong ito ay hinatulan ng panghabang-buhay na pagkabilanggo at anumang pakikipag-ugnayan sa kanila ay mahigpit na pinagbabawal.

Matapos lumunsad sa ‘Akká, ang mga tapon ay dinala sa kuwartel ng hukbo, na kung saan ang isang bahagi nito ay naging piitan nila. Sa unang gabi, sila ay pinagkaitan ng pagkain at inumin, pagkatapos ang bawa’t isa sa kanila ay binigyan ng tatlong mumurahing tinapay bawa’t araw. Mabilis na silang lahat, maliban sa dalawa, ay nagkasakit at, hindi nagtagal, tatlo na sa kanila ang namatay. Ang mga guwardiya ay tumangging ilibing ang patay kung hindi babayaran ang mga kakailanganing gastos. Ang isang maliit na alpombra na ginagamit ni Bahá’u’lláh sa pagdarasal ay ipinagbili, at ang pera ay binigay sa mga bantay. Sa dakong huli, napag-alaman na hindi tinupad ng mga tanod ang usapan at ang mga labi ay inilibing nang hindi hinugasan, hindi nilagyan ng telang pamburol at hindi inilagay sa mga kabaong. Sa katunayan ang mga guwardiya ay nabigyan ng doble sa halagang kailangan sa paglilibing.

Bagaman ang mga kalagayan ng piitan ay unti-unting bumuti, ang unang mga taon sa ‘Akká ay isang panahon ng lubhang paghihirap para kay Bahá’u’lláh. Ang tiniis Niya sa Síyáh-Chál ay ipinabata sa Kanya ng panlabas na mga kaaway ng Pananampalataya lamang. Ang kaguluhan sa Adrianople ay isang panloob na bagay. Subali’t, ang krisis sa unang mga taon sa ‘Akká ay bunga ng mga ginagawa ng kapwa panlabas at panloob na mga kalaban ng Pananampalataya. Siya Mismo ay tumutukoy sa panahong ito sa mga salita tulad ng sumusunod:

Iyong alamin na sa Aming pagdating sa Lugar na ito, pinili Naming tawagin ito bilang ang ‘Pinakadakilang Piitan’. Bagaman sa ibang lupain nilagyan ng mga kadena at mga tanikala sa paa, subali’t hindi Kami pumayag na tawagin ito sa pangalang iyon. Sabihin: Nilay-nilayin ang bagay na iyon, O kayong pinagkalooban ng pang-unawa.”45

Sa kabila ng utos ng Sulṭán na walang dapat makipag-ugnayan kay Bahá’u’lláh at sa Kanyang pamilya, ilang mga mananampalataya sa Persia ay gumawa ng mahabang paglalakbay patungo sa ‘Akká, kadalasan ay naglalakad, kasama ang pag-asa na maaaring payagang makarating sa Kanyang harapan. Sa pagdating, ang matatapat na kaluluwa, hindi nagawang makalapit sa Kanya, ay tatayo sa malayo at haharap sa Kanyang piitan, nalulugod na kanilang masulyapan man lamang ang Kanyang anyo sa likuran ng mga kabilya ng Kanyang bintana. Isang kaway ng Kanyang banal na Kamay ay naging sapat nang gantimpala sa maraming buwan na paglalakbay, at ang karamihan ay babalik pauwi, lubos na nagpapasalamat sa biyayang kanilang natanggap.

Ang pinakamalungkot na pangyayari sa panahong ito ay ang biglang pagpanaw ng anak ni Bahá’u’lláh na si Mírzá Mihdí, na kilala bilang ang Pinakadalisay na Sanga. Isang gabi, siya ay nasa bubong ng kuwartel, lumalakad paroon at parito habang nananalangin at nagninilay-nilay, nang siya ay nahulog sa butas na dinadaanan ng liwanag at bumagsak sa isang kahong gawa sa kahoy na nasa sahig sa ibaba. Ang kanyang mga tadyang ay natusok at, kahit pa ang isang doktor ay tinawag, wala nang magagawa pa. Sa loob ng dalawampu’t-dalawang oras, siya ay namatay. Bago siya pumanaw, tinanong ni Bahá’u’lláh ang Pinakadalisay na Sanga kung ano ang ninanais niya. Siya ay sumagot:

Nais ko sana na ang mga tao ng Bahá ay magawang makarating sa Iyong harapan.”

At iyon ay mangyayari,” ang sabi ni Bahá’u’lláh; “Ipagkakaloob ng Diyos ang iyong nais.”46

Matindi man ang paghihirap ni Bahá’u’lláh sa Pinakadakilang Piitan, dapat tandaan na ang pagpapatapon sa Kanya sa ‘Akká ay ang katuparan ng mga hula ng nakaraan. Sa ‘Akká sumikat ang Araw ng Katotohanan sa loob ng dalawampu’t-apat na taon sa sukdulang kaluwalhatian nito. Sa loob din ng panahong ito, samantalang dinadalaw ang Bundok ng Carmel na malapit sa Haifa, ituturo ni Bahá’u’lláh kay ‘Abdu’l-Bahá ang lugar na kung saan ang Dambana ng Báb sa dakong huli ay itatayo. Ang Kanyang sariling libingan sa kapaligiran ng ‘Akká, ang magiging Pinakabanal na Pook sa daigdig at ang Qiblih ng mga tao ng Bahá. Sa kapaligiran ng Banal na Dambana ng Báb ay itatatag ang Luklukan ng Universal House of Justice. Ang kambal na lunsod ng Haifa at ‘Akká ay ang magiging espiritwal at pampangasiwaang sentro ng Pananampalatayang Bahá’í. Nabanggit na Niya sa isang Tableta ang pagpapatapon sa Kanya sa ‘Akká sa pagsasabi na:

Sa Aming pagdating Kami ay sinalubong ng mga bandila ng liwanag, na kung saan ang Tinig ng Espiritu ay sumigaw: ‘Hindi magtatagal lahat ng naninirahan sa lupa ay mabibilang sa ilalim ng mga bandila nito.’”47

Sa ‘Akká ipinagpatuloy ni Bahá’u’lláh ang Kanyang pandaigdig na pagpapahayag. Ang sumusunod ay ilan sa mga sipi na isinulat Niya para sa mga hari at mga namumuno sa daigdig:

Sa Emperador ng France na si Napoleon III:

O Hari ng Paris! Sabihin sa mga pari na itigil na ang pagrepeke ng mga kampana. Saksi ang Diyos, Siya na Tunay! Ang Pinakamalakas na Kampana ay dumating na sa anyo Niya na Pinakadakilang Pangalan. . .”48

Kay , Nicolaevitch Alexander II, ang Czar ng Russia:

Magbangon ka sa piling ng mga tao sa ngalan ng nag-uutos sa lahat na Kapakanan, at tawagin, kung gayon, ang mga bansa sa Diyos, ang Mataas, ang Dakila.”49

Kay Reyna Victoria ng England:

Isa-isantabi ang iyong ninanasa, at ituon ang iyong puso tungo sa iyong Panginoon, ang Napakatanda sa mga Araw. Binanggit ka Namin alang-alang sa Diyos, at ninanais na ang iyong pangalan ay maging kapuri-puri sa pamamagitan ng iyong paggunita sa Diyos, ang Maylikha ng lupa at langit.”50

Kay William I, ang Hari ng Prussia:

Mag-ingat na ang kapalaluan ay hindi makahadlang sa iyong pagkilala sa Araw-bukal ng Banal na Rebelasyon, na dahil sa makalupang mga pagnanasa, ikaw ay mapagsarhan, tulad ng isang lambong, mula sa Panginoon ng Trono sa itaas at ng lupa sa ibaba.”51

Kay Francis-Joseph, ang Emperador ng Austria:

Buksan ang iyong mga mata, upang mamasdan mo ang maluwalhating Pangitain na ito, at makilala Siya na tinatawag mo sa araw at sa gabi, at mamasdan ang Liwanag na sumisikat sa ibabaw ng kumikinang na Sugpungang-guhit na ito.”52

Kay Sulṭán ‘Abdu’l-‘Azíz ng Emperiyo ng Ottoman:

Huwag mong isa-isantabi ang takot sa Diyos, at ikaw ay maging tulad nila na gumagawa ng matuwid. Ipunin sa iyong paligid yaong mga ministro na mahihiwatigan mo ang kabanguhan ng pananampalataya at ng katarungan, at sumangguni sa kanila, at piliin yaong pinakamabuti sa iyong paningin, at maging tulad nila na mapagbigay kung kumikilos.”53

Kay Náṣiri’d-Dín Sháh ng Persia:

Dumadalangin Kami, mula sa Kanyang biyaya — purihin Siya — na nawa’y mapalaya Niya, sa pamamagitan ng pagkakapiit na ito, ang mga leeg ng mga tao mula sa mga kadena at tanikala sa paa, at maging dahilan ng pagbaling, nang may matatapat na mga mukha, sa Mukha Niya, Siya na Malakas, ang Mapagpala. Handa Siya na sagutin ang sinumang nananawagan sa Kanya, at malapit Siya doon sa kanyang nakikipagniig sa Kanya.”54

Sa mga Namumuno sa America at mga Presidente ng mga Republika nito:

Bigkisan ninyo ang mga nawasak sa pamamagitan ng kamay ng katarungan, at durugin ang maniniil na yumayabong sa pamamagitan ng pamalo ng mga kautusan ng inyong Panginoon, ang Nagtatadhana, ang Maalam sa Lahat.”55

Kay Papa Pius IX:

Ang Salita na tinago ng Anak ay ibinunyag na. Ito ay ibinaba sa anyo ng templo ng tao sa araw na ito. Pagpalain ang Panginoon na Siyang Ama! Siya, sa katunayan, ay dumating sa mga bansa sa Kanyang pinakadakilang kamaharlikaan.”56

Sa buong lupon ng mga monghe ng Simbahang Kristiyanismo:

O kalipunan ng mga monghe! Huwag ihiwalay ang inyong mga sarili sa mga simbahan at mga kumbento. Lumabas sa Aking pahintulot, at gawaing abala ang inyong mga sarili sa anumang makabubuti sa inyong mga kaluluwa at sa mga kaluluwa ng mga tao.”57

Apat na buwan matapos ang biglang pagpanaw ng Pinakadalisay na Sanga, si Bahá’u’lláh at ang Kanyang mga kasama ay kailangang ilipat mula sa kuwartel na gagamitin ng ilang tropa ng mga kawal. Siya at ang Kanyang pamilya ay inilagay sa ilang mga tirahan sa loob ng maiikling mga panahon at sa wakas ay inilipat sa isang bahay na ngayong araw ay kilala bilang Tahanan ni ‘Abbúd. Sila ay nanatiling binabantayan at napaliligiran ng mga tao na, dahilan sa mga utos ng Sulṭán, ay hindi magiliw sa kapwa at galit sa kanila.

Gayumpaman sa katagalan, nalaman ng mga tao ng ‘Akká ang kawalang-sala nitong maliit na grupo ng mga ipinatapon galing sa Persia, at ang kalagayan ng kanilang pagkakulong ay lumuwag. Ang malaking pagbabago ay dahil kay ‘Abdu’l-Bahá, na ang lubhang malapit na pakikiipag-ugnayan sa mga naninirahan sa lunsod ay nagawang patunayan sa kanila ang tunay na mga hangarin ng mga Bahá’í at ang diwa ng mga Turo ng Kanyang Ama. Sa wakas, si Bahá’u’lláh ay pinayagang lumabas ng lunsod ng ‘Akká at dumalaw sa malalapit na lugar. Dahil sa napakatagal na pagkakapiit Niya sa loob ng isang lunsod na nababakuran ng pader at mapanglaw, maaari nang magpalipas nang matagal na panahon si Bahá’u’lláh sa kabukiran at masiyahan sa kagandahan at kasariwaan ng kalikasan na labis Niyang minamahal.

Ang huling mga taon sa buhay ni Bahá’u’lláh ay ginugol sa Mansiyon ng Bahjí, na nasa labas lamang ng ‘Akká. Ginawa samantalang Siya ay nakakulong noon sa loob ng bakod ng pader ng lunsod, ito ay iniwanan ng may-ari nang lumaganap sa lugar ang isang epidemya. Nagawang makuha ni ‘Abdu’l-Bahá ito para sa Kanyang Ama; inupahan muna ito at sa malaon binili na nang minsanan.

Sa panahong ito ang pakikitungo ng mga tao, hindi lamang sa ‘Akká, kundi pati na ang karatig na mga rehiyon ng Syria at Lebanon, kay Bahá’u’lláh at sa Kanyang mga tagasunod ay lubusang nagbago. Kahit pa ang mga kautusan ng Sulṭán ay tuloy pa ang bisa, at pormal na si Bahá’u’lláh ay isa pa ring bilanggo sa ilalim ng mahigpit na pagkakulong, sa katunayan, Siya na ngayon ay pinagpipitaganan at iginagalang tulad ng isang hari. Pati na ang mga opisyal ng rehiyon ay dumadalaw upang hingiin ang Kanyang tagubilin at payo. Ganyan ang kapangyarihan ng Rebelasyon ni Bahá’u’lláh na baguhin ang mga puso ng mga tao.

Sa mga taon sa ‘Akká at Bahjí, ang Panulat ni Bahá’u’lláh ay nagpahayag ng napakaraming aklat ng patnubay na magbibigay kakayahan sa sangkatauhan upang maitatag ang isang maluwalhating pandaigdigang kabihasnan. Ang pinakamakapangyarihan sa mga Akda na dumaloy buhat sa Kanyang Panulat ay ang Kitáb-i-Aqdas, ang Pinakabanal na Aklat ng Kanyang Pananampalataya, na ipinahayag sa Tahanan ni ‘Abbúd sa dakong 1873. Si Shoghi Effendi, tinutukoy ang mga Kasulatan ni Bahá’u’lláh sa Banal na Lupain, ay nagsabi:

Ang mga kasulatan ni Bahá’u’lláh sa panahong ito, habang minamasdan natin ang malawak na larangan na sinasakupan nila, ay waring mahahati sa tatlong magkakaibang kategoriya. Ang una ay yaong mga kasulatan na bumubuo ng karugtong sa pagpapahayag ng Misyon Niya sa Adrianople. Kasama sa pangalawa ay ang mga batas at alituntunin ng Pananampalataya Niya na, ang higit na malaking bahagi nito ay naitala na sa Kitáb-i-Aqdas, ang Kanyang Pinakabanal na Aklat. Ang pangatlo ay yaong mga Tableta na ang isang bahagi ay naglalahad at ang isa pang bahagi ay nagpapatibay sa pangunahing mga turo at simu­lain na pinagbabatayan ng Dispensayon na Pananampalatayang iyon.”58

Ang malaking paglaganap ng Pananampalataya ni Bahá’u’lláh sa Kanlurang Daigdig ay hindi nagsimula noong Siya ay nabubuhay pa at nangailangan pa itong maghintay sa Panahon ng Paglilingkod ni ‘Abdu’l-Bahá. Subali’t ang Kanyang mga Turo ay nababanggit na sa mga bansa ng Kanluran, at ang ilan ay napag-alaman ang tungkol sa Bilanggo ng ‘Akká na may kamangha-manghang impluwensiya sa mga nakikipagkita sa Kanya. Nang panahon ng tagsibol ng 1890, ilan taon bago pumanaw si Bahá’u’lláh, si Edward Granville Browne, isang kilalang pantas mula Cambridge, England, ay dumating upang makipagkita sa Kanya. Ang sumusunod na mga sipi ay mula sa kanyang ulat tungkol sa makasaysayang panayam na iyon:

. . . ang naghatid sa akin ay huminto nang sandali habang tinanggal ko ang aking mga sapatos. Pagkatapos, sa isang mabilis na kilos ng kamay, siya ay tumabi, at sa pagdaan ko, ibinalik ang kurtina; at natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng isang malaking silid, na kung saan sa dulo nito ay naroroon ang isang mababang sopa, habang sa gilid na katapat ng pinto ay may nakalagay na dalawa o tatlong mga upuan. Bagaman bahagya kong iniisip kung saan ako pupunta at sino ang aking mamamasdan (sapagka’t walang malinaw na pahiwatig ang ibinigay sa akin), isa o dalawang saglit ang lumipas, kasama ang isang pintig ng kababalaghan at pamimitagan, bago ako nakatiyak na ang silid ay may tao. Sa sulok na kung saan ang sopa ay nakadikit sa dingding ay nakaupo ang isang kamangha-mangha at kagalang-galang na katauhan, na may putong na isang gora yari piyeltro sa uring tinatawag ng mga dervish (pagalang monghe) na táj (nguni’t pambihira ang taas at gawa), na sa palibot ng puno nito ay nakapulupot ang isang maliit at puti na turban. Ang mukha niya na aking minamasdan ay isang hindi ko kailanman malilimot, nguni’t hindi ko rin mailalarawan ito. Yaong tumatagos na mga paningin ay waring nababasa ang pinaka-kaluluwa mismo ng tao; ang lakas at kapangyarihan ay nakalagay sa malapad na noo na iyon; habang ang malalim na mga kunot sa noo at mukha ay nagpapahiwatig ng isang edad na tila pinabubulaanan ng napakaitim na buhok at balbas na dumadaloy sa isang di-kaagad makikitang kalaguan sa halos hanggang baywang. Hindi na kailangang tanungin pa kung kaninong harapan ako nakatayo, habang ako ay yumuyukod sa harap Niya na Siyang pinag-aalayan ng isang katapatan at pagmamahal na ang mga hari ay maaaring managhili at mga emperador ay manabik nguni’t bigo!

Isang mahinahon at kapita-pitagang boses ang nag-anyaya sa akin na umupo, at pagkatapos ay nagpatuloy:

“‘Purihin ang Diyos na ikaw ay nakarating! . . . Ikaw ay dumating upang makita ang isang bilanggo at isang ipinatapon . . . Aming ninanais lamang ang kabutihan ng daigdig at ang kaligayahan ng mga bansa; ganoon pa man itinuturing nila kami bilang isang nagpapakilos ng awayan at panunulsol laban sa pamahalaan na karapat-dapat igapos at itapon . . . Na dapat ang lahat ng mga bansa ay maging isa sa pananampalataya at lahat ng tao bilang mga kapatid; na ang mga bigkis ng pag-ibig at pagkakaisa sa pagitan ng mga anak ng tao ay dapat palakasin; na ang pagkakaiba ng relihiyon ay dapat huminto, at mga hidwaan ng mga lahi ay mapawi — anong kasamaan ang mayroon dito? . . . Ganoon pa man ito ay mangyayari; ang mga walang saysay na awayan na ito, ang mapangwasak na mga digmaan ay lilipas, at ang ‘Pinakadakilang Kapayapaan’ ay darating. . . Kayo ba sa Europa ay kinakailangan din ito? Hindi ba ito ang siyang hinula ni Kristo? . . . Ganoon pa man aming nakikita ang inyong mga hari at pinuno na bulagsak sa kanilang mga kayamanan nang higit doon sa mga paraan ng pagwasak sa lahi ng tao kaysa doon sa makapagtataguyod ng kaligayahan ng sangkatauhan . . . Ang mga labanang ito at pagdanak ng dugo at salungatan ay dapat tumigil, at lahat ng tao ay magiging isang mag-anakan at isang pamilya . . . Huwag hayaan ang isang tao na magalak dito, na minamahal niya ang kanyang bansa; bagkus hayaan siyang magalak dito, na minamahal niya ang Kanyang kapwa-tao. . .’”59

Ang Kitáb-i-Aqdas ay hindi isang malaking aklat; ito ay binubuo lamang ng 190 na parapo. Subali’t nakapaloob dito ang pangunahing mga batas at alituntunin ng magiging pandaigdig na kabihasnan. Ito ay binanggit ni Shoghi Effendi bilang ang Inang Aklat ng Pananampalataya ni Bahá’u’lláh at ang Pamantayan ng Kanyang Bagong Pandaigdig na Kaayusan. Ang sumusunod ay ang ang unang limang mga parapo ng aklat na ito:

Ang unang tungkulin na iniutos ng Diyos para sa mga tagapaglingkod Niya ay ang pagkilala sa Kanya Na Araw-Bukal ng Kanyang Rebelasyon at ang Bukal ng Kanyang mga batas, Na kumakatawan sa Diyos kapwa sa Kaharian ng Kanyang Kapakanan at sa daigdig ng sangnilikha. Sinuman ang makagawa ng tungkuling ito ay natamo ang lahat ng kabutihan; at sinuman ang pinagkaitan niyon ay naligaw, kahiman siya ang naging may-akda ng lahat ng makatarungang gawa. Nararapat sa lahat na nakarating sa pinakamataas na katayuan na ito, ang rurok ng nangingibabaw na kaluwalhatiang ito, na sundin ang bawa’t alituntunin Niya na Mithiin ng daigdig. Ang kambal na tungkuling ito ay di mapaghihiwalay. Ang isa ay hindi tatanggapin kung wala ang isa. Sa gayon, ito ay iniutos Niya na Pinagmumulan ng Banal na inspirasyon.

Sila na pinagkalooban ng Diyos ng panloob na pang-unawa ay kaagad mauunawan na ang mga utos na ibinigay ng Diyos ay ang bumubuo sa pinakamataas na pamamaraan para sa pagpapanatili ng kaayusan sa daigdig at sa kaligtasan ng mga tao nito. Siya na tumalikod sa mga iyon ay nabibilang doon sa mga kahabag-habag at hangal. Kami, sa katunayan, ay nag-uutos sa inyo na tanggihan ang mga utos ng inyong masasamang simbuyo at katiwalian ng inyong mga hangarin, at huwag lumampas sa mga hangganan na itinakda ng Panulat ng Pinaka-Mataas, sapagka’t ito ang hinga ng buhay sa lahat ng nilikhang bagay. Ang mga karagatan ng Banal na wastong kaalaman at Banal na pananalita ay pumailanlang sa ilalim ng hinga ng simoy ng Mahabagin sa Lahat. Magmadali upang inumin ang inyong bahagi, O mga tao na may pang-unawa! Sila na lumabag sa Banal na Kasunduan ng Diyos dahilan sa paglabag sa Kanyang mga utos, at sa kanilang paglabag ay tumalikod at lumayo, ang mga ito ay malubhang nagkamali sa paningin ng Diyos, ang Nagmamay-ari ng Lahat, ang Pinaka-Mataas.

O kayong mga tao ng daigdig! Alamin nang may katiyakan na ang Aking mga utos ay ang mga tanglaw ng Aking mapagmahal na pagkupkop sa Aking mga tagapaglingkod, at ang mga susi ng Aking habag sa Aking mga nilalang. Sa gayon ito ay pinababa mula sa kalangitan ng Kalooban ng inyong Panginoon, ang Panginoon ng Rebelasyon. Sinumang tao ang makatitikim sa katamisan ng mga salita na ang mga labi ng Mahabagin sa Lahat ay ninais na bigkasin, gagawain niya, kahiman siya ang nagmamay-ari ng mga kayamanan ng kalupaan, ang itakwil ang mga iyon nang isa-isa at lahat, upang magawa niyang mapatunayan ang katotohanan ng kahit isa sa Kanyang mga utos, na nagniningning sa ibabaw ng Araw-Bukal ng Kanyang mapagpalang pangangalaga at mapagmahal na kagandahang-loob.

Sabihin: Mula sa Aking mga batas, ang kalugod-lugod na halimuyak ng Aking damit ay masasamyo, at sa pamamagitan ng kanilang tulong ang mga bandila ng Tagumpay ay ititirik sa pinakamatataas na bundok. Ang Dila ng Aking lakas, mula sa kalangitan ng Aking pinakamabisang luwalhati, ay sinabi sa Aking nilikha ang ganitong mga salita: “Sundin ang Aking mga utos, dahil sa pag-ibig sa Aking kagandahan.” Maligaya ang mangingibig na nalanghap ang banal na halimuyak ng kanyang Pinaka-Mamahal mula sa mga salitang ito, tigmak ng pabango ng isang pagpapala na walang dila ang maaaring makapaglarawan. Saksi ang Aking buhay! Siya na nakainom ng piling alak ng katarungan mula sa mga kamay ng Aking mapagpalang kabutihang-loob ay iikot sa paligid ng Aking mga utos na nagniningning sa ibabaw ng Araw-Bukal ng Aking nilalang.

Huwag isipin na nagpahayag Kami ng isa lamang kodigo ng mga batas. Hindi, kundi, binuksan Namin ang piling Alak sa pamamagitan ng mga daliri ng kapangyarihan at lakas. Dito ay sumasaksi yaong ipinahayag ng Panulat ng Rebelasyon. Nilay-nilayin ito, O mga tao na may pang-unawa.”60

Ang sunod-sunod na mga pagpapatapon kay Bahá’u’lláh, kahima’t sa wari ay naganap dahil sa mga utos ng makamundong mga kapangyarihan, ay pinamatnugutan ng Kamay ng Makapangyarihang Diyos Mismo. Ang espiritwal na mga lakas na pinakawalan habang ang Kahayagan ng Diyos ay lumilipat sa iba’t-ibang lugar, at dumating sa wakas sa Banal na Lupain kung saan ang espiritwal at pampangasiwaang sentro ng Kanyang Pananampalataya ay maitatatag, ay hindi matataya. Sa ibaba ay isang mapa na kung saan makikita ang ruta ng mga pagpapatapon sa Kanya.


Sa mga taon na ang isang Kahayagan ng Diyos ay lumalakad kasama ng mga tao, ang Kanyang hindi pangkaraniwang mga lakas ay lumalaganap sa buong daigdig, na nagiging sanhi ng isang malalim na pagbabago sa katotohanan ng lahat ng nilikha. Sa Maluwalhating Araw na ito, ipinahayag ni Bahá’u’lláh ang Salita ng Diyos sa sangkatauhan sa halos apatnapung taon, pinagkalooban ang daigdig ng sangkatauhan ng walang-hanggang mga natatagong kakayahan, na ang pamumukadkad ng mga ito ay ang magtatayo ng isang kabihasnan na hindi mailalarawan ang kagandahan nito. Ang apatnapung taon na ito ng patuloy na Banal na Rebelasyon ay nagwakas noong ika-29 ng Mayo 1892.

Siyam na buwan bago Siya pumanaw, sinabi ni Bahá’u’lláh ang Kanyang hangarin na lisanin ang daigdig na ito. Mula noon, naging higit na malinaw sa Kanyang mga sinasabi, na ang pagwawakas ng Kanyang buhay sa lupa ay lumalapit na. Sa gabi ng ika-8 ng Mayo 1892, Siya ay nagkaroon ng kaunting lagnat. Lumakas ang lagnat nang sumunod na araw, nguni’t pagkatapos ito ay tila nawala. Ipinagpatuloy Niya ang pagbibigay ng pahintulot sa mga kaibigan at peregrino na makipagkita sa Kanya, nguni’t hindi nagtagal naging malinaw na hindi mabuti ang kalagayan Niya. Bumalik ang Kanyang lagnat, nang higit na matindi kaysa nakaraan, at ang Kanyang kalagayan ay unti-unting lumala. Sa oras ng madaling-araw ng ika-29 ng Mayo 1892, sa ika-pitumpu’t-limang taon ng Kanyang buhay, ang Kanyang espiritu ay pumailanlang mula sa daigdig na ito.

Anim na araw bago Siya pumanaw, tinawag Niya sa Kanyang harapan ang lahat ng mga mananampalataya na nagtipon sa Mansiyon ng Bahjí, para sa magiging huli nilang pakikipagkita sa Kanya. Habang Siya ay nakahiga sa higaan, inaalalayan ng isa sa Kanyang mga anak na lalaki, sinabi Niya sa kanila:

Ako ay nasisiyahan sa inyong lahat. Nagawa ninyo ang maraming mga paglilingkod, at naging napakasigasig sa inyong mga gawain. Kayo ay nagpunta rito tuwing umaga at tuwing gabi. Nawa’y tulungan kayo ng Diyos na manatiling nagkakaisa. Nawa’y tulungan Niya kayo na dakilain ang Kapakanan ng Panginoon ng sangkatauhan.”61

Mga luha ay dumaloy mula sa mga mata ng mga nagkakatipon sa paligid Niya.

Ang balita ng Kanyang pagpanaw ay kaagad ipinadala sa Sulṭán sa pamamagitan ng isang telegrama. Ang mensahe ay nag-umpisa sa mga salitang “ang Araw ng Bahá ay lumubog na” at nagpatuloy na ipaalam sa Sulṭán ang mga plano ng paglilibing malapit sa Mansiyon ng banal na mga labi. Isang maliit na silid sa isang bahay sa kanluran lamang ng Mansiyon ang pinili, at hindi nagtagal pagtapos ng takip-silim nang araw din ng Kanyang pagpanaw, ang Kanyang Katawan ay inilibing. Ang Qiblih ng mga tao ng Bahá ay itinakda ngayon sa Banal na Pook na ito. Ipinahiwatig ni Nabíl ang matinding dalamhati sa mga araw na iyon sa ganitong mga salita: “Aking palagay na ang espiritwal na kaguluhan na nangyayari sa daigdig ng alabok ay naging sanhi na manginig ang lahat ng mga daigdig ng Diyos. . . . Ang aking panloob at panlabas na dila ay walang kakayahang ilarawan ang aming kalagayan. . . . Sa gitna ng umiiral na kalituhan, ang napakaraming mga naninirahan sa ‘Akká at mga karatig nayon, na nagtipon-tipon sa mga bukid sa paligid ng Mansiyon ay nakikitang umiiyak, hinahampas ang sariling mga ulo, at isinisigaw nang malakas ang kanilang dalamhati.”62

Sa loob ng isang linggo, ang malaking bilang na mga nagluluksa, kapwa mayayaman at mahihirap, ang dumating upang ipahayag ang kanilang pighati sa pamilya ni Bahá’u’lláh. Ang tanyag ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan, kasama ang mga Muslím, Kristiyano at Hudyo, mga makata, mga pari at opisyal ng pamahalaan, ay sumama sa pagdurusa sa Kanyang pagpanaw at sa pagpuri sa Kanyang mga katangian at kadakilaan. Marami sa kanila ay nagbigay pa ng nakasulat na pagpaparangal sa Kanya. Ang gayunding mga papuri ang tinanggap buhat sa mga lunsod sa buong rehiyon, at lahat ng mga ito ay ibinigay kay ‘Abdu’l-Bahá, na ngayon ay ang kumakatawan sa Kapakanan ni Bahá’u’lláh. Gayumpaman, ang mga pahayag na ito ng dalamhati ay, sa mga salita ng Guardian, isang patak lamang kung ihahambing sa karagatan ng pighati at sa napakaraming mga patunay ng walang hanggang katapatan na, sa oras ng paglubog ng Araw ng Katotohanan, ay bumuhos mula sa mga puso ng libu-libong mga nananampalataya sa Kanyang Kapakanan, at nagtitikang dalhin ang bandila nito sa Persia, India, Russia, ‘Iráq, Turkey, Palestine, Egypt at Syria.”63

Pagkatapos ng pagyao ni Bahá’u’lláh, hinirang ni ‘Abdu’l-Bahá si Nabíl upang piliin yaong mga sipi na bubuo ng teksto ng Tableta ng Pagdalaw. Ang Tableta na ito ay binibigkas sa mga Banal na Libingan nina Bahá’u’lláh at ang Báb. Malimit din itong ginagamit sa pag-aalaala ng Kanilang mga anibersaryo. Ang Pagyao ni Bahá’u’lláh ay ginugunita sa maagang mga oras ng ika-29 ng Mayo. Ang teksto ng Tableta na ito na sukdulan ang ganda ay nasa ibaba.

Ang papuring nagliwayway buhat sa Iyong kamahal-mahalang Sarili, at ang kaluwalhatiang sumikat buhat sa Iyong maningning na Kagandahan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kahayagan ng Kamaharlikaan, at Hari ng Kawalang-hanggan, at Panginoon ng lahat ng nasa langit at nasa lupa! Pinatutunayan ko na sa pamamagitan Mo ang paghahari ng Diyos at ang Kanyang kaharian, at ang kamahalan ng Diyos at ang Kanyang kamaharlikaan, ay nahayag, at ang mga Araw-Bituin ng matandang karilagan ay nagpalaganap ng kanilang ningning sa langit ng Iyong di-mababaling kautusan, at ang Kagandahan ng Di-nakikita ay sumikat sa itaas ng guhit-sugpungan ng santinakpan. Pinatutunayan ko pa rin na sa isa lamang kilos ng Iyong Panulat ang Iyong utos na ‘Ikaw ay Maging’ ay naipatupad, at ang nakatagong Lihim ng Diyos ay naihayag, at lahat ng nilikhang bagay ay tinawag sa pagkabuhay, at lahat ng Rebelasyon ay ipinapanaog.

Pinatutunayan ko pa rin na sa pamamagitan ng Iyong kagandahan, ang kagandahan ng Sinasamba ay inalisan ng takip, at sa pamamagitan ng Iyong mukha, ang mukha ng Hinahangad ay sumikat, at sa pamamagitan ng isang salita buhat sa Iyo, nakapamili Ka sa lahat ng mga bagay na nilalang, yaong matatapat sa Iyo ay tinulutan Mong makaakyat sa tuktok ng kaluwalhatian, at ang mga walang pananampalataya ay mahulog sa pinakamalalim sa kailaliman.

Pinatutunayan ko na ang nakakilala sa Iyo ay nakakilala sa Diyos, at ang nakarating sa Iyong harapan ay nakarating sa harapan ng Diyos. Dakila samakatwid, ang pagpapala niya na nanampalataya sa Iyo, at sa Iyong mga tanda, at nagpakababa sa harap ng Iyong kapangyarihan, at naging karangalan ang pakikipagtagpo sa Iyo, at nakaabot sa mabuting kasiyahan ng Iyong kalooban, at nakaligid sa Iyo, at nakatayo sa harap ng Iyong trono. Kapighatian niya na sumalansang sa Iyo, at tumanggi sa Iyo, at nagpawalang-saysay sa Iyong mga tanda, at tumutol sa Iyong paghahari, at nagbangon laban sa Iyo at nagpalalo sa harap ng Iyong mukha, at pinakipagtalunan ang Iyong mga patunay, at tumakas sa Iyong pamamahala at sa Iyong kaharian, at nabilang sa mga walang pananampalataya na ang mga pangalan ay itinitik ng mga daliri ng Iyong utos sa Iyong mga banal na Tableta.

Isamyo Mo kung gayon patungo sa akin, O aking Diyos at aking Mahal, buhat sa kanang kamay ng Iyong kahabagan at Iyong mapagmahal na kaawaan, ang mga banal na hininga ng Iyong mga pagtatangkilik, nang upang ako’y mailayo ng mga iyon sa aking sarili at sa daigdig patungo sa mga liwasan ng pagkalapit sa Iyo at pagkaharap sa Iyo. May kakayahan Kang gumawa ng ikinasisiya Mo. Tunay na Ikaw ay nakapangyayari sa lahat ng bagay.

Ang pag-alaala sa Diyos at ang pagpuri sa Kanya, at ang kaluwalhatian ng Diyos at ang Kanyang karilagan, ay nananahan sa Iyo, O Ikaw na Kanyang Kagandahan! Saksi ako na ang mata ng santinakpan ay di kailan man nakamalas ng isang pinagkasalahan na tulad Mo. Nakalubog Ka sa lahat ng araw ng Iyong buhay sa karagatan ng mga paghihirap. May isang panahong Ikaw ay nakatanikala; sa isa pang panahon ay pinagbantaan Ka ng mga tabak ng Iyong mga kaaway. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, iniutos Mo sa lahat ng tao na sundin yaong sa Iyo’y iniatas Niya na Nakababatid ng Lahat, ang Matalino sa Lahat.

Ang aking espiritu ay maging hain nawa sa mga kasamaang pinagdusa Mo, at ang aking kaluluwa ay maging panubos nawa sa mga kasawiang-palad na dinanas Mo. Sumasamo ako sa Diyos sa pamamagitan Mo at nilang ang mukha ay tinanglawan ng kaluningningan ng liwanag ng Iyong kaanyuan, at sila na sa pag-ibig sa Iyo ay nagsagawa ng lahat ng iniatas sa kanila, na alisin ang mga lambong na nakapagitan sa Iyo at sa Iyong mga nilalang, at dulutan ako ng mabubuting bagay sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Ikaw, sa katotohanan, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Kataas-taasan, ang Maluwalhati sa Lahat, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamahabagin.

Pagpalain Mo, O Panginoon kong Diyos, ang Banal na Punong-Lote at ang mga dahon niyon, at ang mga malalaking sanga niyon, at ang mga maliliit na sanga niyon, at ang mga tangkay niyon, at ang mga supang niyon, hangga’t ang Iyong pinakamagagaling na pamagat at ang Iyong kamahal-mahalang mga katangian ay mananatili. Ipag-adya iyon, kung gayon, sa pamiminsala ng mapanunggali at mga pangkat ng manlulupig. Tunay na Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas. Pagpalain Mo rin, O Panginoon kong Diyos, ang Iyong mga tagapaglingkod at ang Iyong mga kawaksing babae na nakarating sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang biyaya ay walang hanggan. Walang Diyos liban sa Iyo, ang Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamagandang-loob.”64

1The Promulgation of Universal Peace: Talks Delivered by ‘Abdu’l-Bahá during His Visit to the United States and Canada in 1912 (Wilmette: Baha’i Publishing Trust, 1995), p. 25.

2Mula sa isang hindi pa inilathalang salin ng Tableta sa Ra’is ni Bahá’u’lláh.

3Ibid.

4The Dawn-breakers: Nabil’s Narrative of the Early Days of the Bahá’í Revelation (Wilmette: Baha’i Publishing Trust, 1974), p. 119.

5The Dawn-breakers, pp. 119-20.

6Bahá’u’lláh, Epistle to the Son of the Wolf (Wilmette: Bahá'í Publishing Trust, 1995), p. 11.

7Abdu’l-Bahá on Divine Philosophy (Boston: Tudor Press, 1918), p. 49.

8The Dawn-breakers, p. 96.

9Ibid., p. 104.

10Ibid., pp. 104-105.

11Ibid., pp. 105-106.

12Ibid., p. 106.

13Ibid., p. 107.

14Ibid., p. 107.

15Ibid., pp. 107-08.

16Selections from the Writings of the Báb (Haifa: Bahá’í World Centre, 1982), pp. 82-83.

17Ibid., p. 98.

18Ibid., p. 149.

19The Dawn-breakers, p. 113.

20Ibid., p. 116.

21Gleanings from the Writings of Bahá’u’lláh (Wilmette: Baha’i Publishing Trust, 1994), CXXIX, pp. 279-280.

22The Promulgation of Universal Peace, pp. 141-42.

23Mula sa isang liham na may petsang ika-29 ng Agosto 1852 na isinulat ni Captain Von Goumoens, sinipi ni Shoghi Effendi, God Passes By (Wilmette: Baha’i Publishing Trust,1995), pp. 65-66.

24The Dawn-breakers, pp. 607-608.

25Tablets of Bahá’u’lláh Revealed after the Kitáb-i-Aqdas (Wilmette: Baha’i Publishing Trust, 1994), p. 40.

26Ibid., p. 96.

27The Dawn-breakers, p. 632.

28Epistle to the Son of the Wolf , pp. 20-21.

29The Dawn-breakers, pp. 631-633.

30Epistle to the Son of the Wolf, p. 21.

31Ibid., p. 22.

32God Passes By, pp. 101-02.

33Balyuzi, H.M., Bahá’u’lláh: The King of Glory (Oxford: George Ronald, 1991), p. 104.

34Bahá’u’lláh, sinipi sa God Passes By, p. 109.

35Bahá’u’lláh, The Kitáb-i-Iqán (Wilmette: Baha’i Publishing Trust, 1993), p. 251.

36God Passes By, p. 115.

37Ibid., p. 137.

38Epistle to the Son of the Wolf, p. 22.

39God Passes By, p. 144.

40God Passes By, p. 147.

41Bahá’u’lláh, Ang Kitáb-i-Aqdas: Ang Pinaka-Banal na Aklat (Manila: Baha’i Publishing Trust, 2003), p. 60.

42God Passes By, p. 153.

43Gleanings from the Writings of Bahá’u’lláh, XIV, pp. 27-32.

44God Passes By, p. 160

45Bahá’u’lláh, sinipi sa God Passes By, p. 185.

46Bahá’u’lláh: The King of Glory, pp. 311-313.

47Bahá’u’lláh, sinipi sa God Passes By, p. 184.

48The Proclamation of Bahá’u’lláh to the Kings and Leaders of the World (Haifa: Baha’i World Centre, 1967), p. 17.

49Ibid., p. 28.

50Ibid., p. 33.

51Ibid., p. 39.

52Ibid., p. 43.

53Ibid., p. 47.

54Ibid., p. 60.

55Ibid., p. 63.

56Ibid., p. 84.

57Ibid., p. 95.

58God Passes By, pp. 205-206.

59Bahá’u’lláh: The King of Glory, pp. 371-373.

60Ang Kitáb-i-Aqdas: Ang Pinaka-Banal na Aklat, pp. 25-27.

61God Passes By, p. 222.

62Ibid., p. 222.

63Ibid., p. 223.

64Bahá’u’lláh, Mga Dalanging Bahá’í: Katipunan ng mga Piling Dalanging Ipinahayag nina Bahá’u’lláh, ng Báb at ni ‘Abdu’l-Bahá (Manila: Bahá’í Publishing Trust, 1990), pp. 305-310.