Search:

Ridvan Message 2009 (Fil)

June 1st, 2009

THE UNIVERSAL HOUSE OF JUSTICE

Ridván 2009


Sa mga Bahá’í ng Daigdig

Minamahal na mga Kaibigan,

Tatlong taon pa lamang ang nakararaan nang iharap namin sa sandaigdigang Bahá’í ang hamon na samantalahin ang balangkas ng pagkilos na lumitaw nang napakalinaw sa pagwakas ng nakaraang pandaigdigang Plano. Ang tugon, tulad ng inaasahan namin, ay agaran. Nang may malaking sigla, ang mga kaibigan sa lahat ng dako ay nagsimulang isakatuparan ang layunin ng pagtatatag ng mga intensive programme of growth (IPG) sa hindi kukulangin sa 1,500 mga cluster sa buong daigdig, at di-nagtagal ang bilang ng gayong mga programa ay tumaas. Subali’t sa panahong iyon ay walang nakagunita kung gaano katindi ang nilayon ng Panginoon ng mga Hukbo, sa Kanyang di-malirip na karunungan, na baguhin ang Kanyang pamayanan sa gayong napakaikling panahon. Gaano ang pagtitika at lakas ng loob ng pamayanang ito na ipinagdiwang ang mga tagumpay nito sa kalagitnaan ng kasalukuyang Plano sa apatnapu’t-isang regional conference sa buong daigdig! Gaanong bukod-tangi ang pagkakaiba na ipinakita ng pagkaka-ugnay at sigla nito sa pagkatuliro at kaguluhan ng isang daigdig na bihag ng sunod-sunod na mga krisis! Ito, sa katunayan, ay ang pamayanan ng maliligaya na tinukoy ng Guardian. Ito ay isang pamayanang batid ang napakalaking natatagong mga kakayahan na ipinagkaloob dito at may kamalayan sa itinadhana na gagampanan nito sa muling pagbubuo ng isang nawasak na daigdig. Ito ay isang pamayanang umaangat, dumaranas ng malupit na paniniil sa isang bahagi ng daigdig, gayumpaman ay bumabangon nang hindi napipigilan at hindi nasisiraan ng loob, bilang isang nagkakaisang kabuuan at pinalalakas ang kakayahan nitong makamtan ang layunin ni Bahá’u'lláh na palayain ang sangkatauhan mula sa pagka-alipin ng pinakamalupit na paniniil. At sa halos walumpung libong kalahok na dumalo sa mga kumperensiya ay nakita namin ang paglitaw sa makasaysayang tagpo ng indibidwal na mananampalataya na taglay ang sukdulang tiwala sa bisa ng mga pamamaraan at mga instrumento ng Plano at kapansin-pansin ang mahusay na paggamit ng mga ito. Ang bawa’t isa at ang lahat ng kaluluwa nitong napakalaking karagatan ay tumayo bilang saksi sa nakapagpapabagong bisa ng Pananampalataya. Ang bawa’t isa at ang lahat ay katibayan ng pangako ni Bahá’u'lláh na tutulungan ang lahat ng babangon nang nakawalay at matapat upang paglingkuran Siya. Ang bawa’t isa at ang lahat ay nagbigay ng isang sulyap doon sa lahi ng mga nilalang, na nagtitika at matapang, dalisay at banal, na naitadhanang lumitaw sa loob ng mga salinlahi sa ilalim ng tuwirang impluwensiya ng Rebelasyon ni Bahá’u'lláh. Sa kanila ay nakita namin ang unang mga palatandaan ng pagsasakatuparan ng aming pag-asa na inihayag sa simula ng Plano na ang nakapagpapabuting impluwensiya ng Pananampalataya ay maipararating sa daan-daang mga libo sa pamamagitan ng proseso ng institute. Mayroong lahat ng palatandaan na, sa pagwawakas ng panahon ng Ridván, ang bilang ng mga intensive programme of growth sa buong daigdig ay lalampas na sa bilang ng 1,000. Ano pa nga ba ang magagawa namin sa pagbubukas nitong pinakamaligayang Pagdiriwang maliban sa iyuko ang aming mga ulo sa pagpapakumbaba sa harap ng Diyos at mag-alay sa Kanya ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hanggang kabutihang-loob sa pamayanan ng Pinaka-Dakilang Pangalan.

[ nilagdaan: The Universal House of Justice ]